Tuesday, May 20, 2014

...Kumakain Ako ng Kaning Binudburan ng Asukal



Hindi mapaghihiwalay ang Pinoy at ang kanin. 

Kahit saan mang lupalop ng daigdig o saan mang sulok ng mundo ay gagawa at gagawa ng paraan ang anak ni Juan Dela Cruz upang makahanap ng isasaing na bigas. Napakaimportante nito sa buhay nating mga Pilipino. Kahit nga ang pag-aasawa ay ikinukumpara sa kanin -  hindi mo puwedeng iluwa kung mapapaso ang iyong bibig sa pagkakasubo. Bahala ka nang magkonek sa ibig kong sabihin.

Hindi kumpleto ang hapag-kainan kung walang white rice, bahaw, o sinangag. Aanhin mo ang masarap na ulam kung walang kanin? Napakasarap ng tinolang manok with matching patis na sawsawan. Afritada, menudo, mechado, at kaldereta. Sinigang na bangus. Nilagang baka na nlulunod sa taba. Adobong pusit, manok, o baboy. Kapag ganito kasarap ang mga ulam ay siguradong ang rice cooker ang una mong hahanapin. Mapapamura ka malamang sa alamang kung walang special sinandomeng o kahit NFA man lang.

Sa bawa't tahanan, maging ng mayaman o mahirap na pamilya man, isang mortal sin ang maubusan ng bigas. Sabi ng mga matatanda, maubusan ka na ng ulam, huwag lang ng kanin.

Noong ako ay bata, may mga panahong wala kaming ulam sa bahay pero meron naman kaming kanin. At dahil wala kaming masarap na putahe ng ina ko, may mga bagay kaming ginagawa sa kanin upang maitawid lang sa gutom ang mga kumukulong sikmura.
ASUKAL. Isa rin itong importanteng bagay sa bawat tahanan na hindi puwedeng mawala. Kapag pinagsama mo ang sugar at rice, hindi diabetes ang aabutin mo. Mabubusog ka sa sarapas. Wala naman yatang bata ang hindi mahilig sa matamis kaya panalo ang pagbudbod ng asukal sa kanin. Naaalala kong para kaming mga langgam nila utol na nag-aagawan sa garapon para makakuha ng tig-iisang kutsara ng asukal. Bawal ang lamangan, hating-kapatid! Ang hindi ko lang nasubukan kung puwede ang asukal na pula dahil mas sanay kasi akong ginagamit ito sa maruya at turon.

OVALTINE, MILO, at NIDO. Tulad ng asukal, matatamis ang mga ito kaya patok, mga misis. Minsan, kahit may ulam sa bahay, mas trip naming magkakapatid na dumakot ng Milo para gumawa ng choco rice. Hindi lang ako nakakaisang plato nito kundi dalawa pa. Bukod sa powdered milk, puwede ring gamitin ang CONDENSED at EVAPORATED MILK sa pang-ulam ng mga chikiting. Wala pa ring tatalo sa Alaska, it's everybody's milk. 'Yung iba namang kakilala ko, ang kuwento nila sa akin ay GATA NG NIYOG ang ginagamit nilang gatas sa kanilang mainit na kanin. Gatas pa rin ang bida dahil in Inglesh, COCONUT MILK.

Siyempre, kapag may asukal, gatas, at choco, hindi puwedeng mawala sa listahan ang KAPE. May mga ibang tao na tinututong ang kanin para maging kape. Hindi ko trip 'yun dahil mas trip ko ang pagsabaw ng kape sa kanin. Noong unang panahon ay hindi pa uso 3-in-1 sachet kaya kailangan mong kunin ang garapon ng Nescafe, Great Taste, o Blend 45 para magkaroon ka ng sabaw na hindi lang pampabusog kundi pampagising na rin! Sa sobrang adik ko sa kape ay sinubukan ko itong ibudbod na parang Milo sa kanin. Ang ending, epic fail.

Ang ibang bata, hindi trip ang matamis. Gusto nila ang makasalanang salt. Sabi na ngang huwag kumain ng maalat dahil it's ASIN. Pero walang basagan ng trip kung mas gusto talaga ng ibang tao ang magdildil ng asin para magkaroon ng precious stones sa kidneys. Idol nila si LA Lopez kaya nag-iodize salt sila.

Hindi pa uso ang bagoong rice ay naimbento na ito ng lola ko para ipakain sa aming magpipinsan kapag kami ay nagbabakasyon sa kanilang mansyon. BAGOONG ALAMANG na dinaig pa ang sa Barrio Fiesta. Hindi ko alam kung ano ang inihahalo niya doon pero 'yun pa lang, ulam na;  'di na kami naghahanap ng Kare-Kare. Dalawa pang naaalala ko sa recipes ni grandma ay ang DINUROG NA KALABASA o DINUROG NA PATATAS na inihahalo sa kanin. Hanggang ngayon, ganito ang nakaugalian ko kapag kumakain ng pinakbet o nilagang baka - kailangan kong durugin muna ang mga gulay at ihalo sa kanin bago sumubo ng pagkain.

Kapag ang ulam nating mga Pinoy ay longganisa at tocino, nag-aagawan tayo sa mantika upang ipangsabaw sa kanin. Noong ako ay bata pa, ang isa sa mga paborito kong ginagawa sa kanin kapag walang ulam ay haluan ito ng TOYO AT MANTIKA. San ka pa, para kang kumain ng adobo na hindi naman talaga adobo. "It's all in the mind!", pero huwag mo sanaying ganito palagi dahil baka utak mo naman ang magkaroon ng toyo.

Karamihan ng mga Pinoy ay bansot kaya marami ang naniniwala sa kapangyarihan ng STAR MARGARINE. Kapag meryenda, nag-uunahan kami nila utol sa ensemadang may pinakamaraming Star Margarine dahil gusto naming maging six-footer. Kapag tanghalian, gumagawa kami ng Star Rice. Ganun din sa gabihan, star rice pa rin. Kapag walang mapapak, kutsara lang ang katapat ng lalagyan ng margarine. Awa ni Bro, lumaki ako. Pero hindi tumangkad.

Meron akong mga kakilalang weird kung kumain ng kanin. Hindi ko maintindihan ang mga iba kong kakilala na SAGING at MANGGANG HINOG ang ginagawang ulam. Prutas ang mga iyon, 'di ba? Hindi nila ako gayahin, normal lang ang trip sa pagkain ng kanin.

Noong ako ay bata pa, kumakain ako ng kaning binudburan ng asukal. 

Ngayong ako ay matanda na, mas nabibigyan ko ng halaga ang mga ulam na masarap sa tuwing naaalala kong asukal lang ang inuulam ko kapag walang makain sa bahay noong ako ay bata pa.

(Originally posted on July 15, 2012) 




1 comment:

  1. ginagawa ko ring durugin ang kalabasa at patatas sa kanin... till now

    ReplyDelete