Ano ba ang tama, ALATIRIS o ARATILIS?
Mas nakasanayan kong tawagin itong alatiris dahil noong ako ay bata pa, naiisip kong magkapareho ang ibig sabihin ng pisil at tiris. Alin man sa dalawa, ang tanging totoo ay masarap itong kainin. Kung isa kang nilalang na hindi napagkaitan ng kabataan ay alam na alam mong parte ng paglaki ang pamimitas ng mga bungang ito.
Kahit saan yatang lugar sa Pinas ay may matatagpuan kang mga puno nito. Ang natatandaan kong kuwento tungkol sa pagkalat ng punong alatiris ay kinakain daw ng mga paniki ang mga bunga at itinatae nila ang mga buto nito sa kung saan man sila maabutan. Kaya nga minsang naglinis kami ng bubungan ay nagulat ako nang makita kong may tumutubong alatiris sa aming alulod! Kahit na inuunahan kami ng mga alaga ni Batman sa pamimitas ay may silbi naman ang kanilang mga ebak kaya walang personalan, trabaho lang. Ingat-ingat lang sa mga bungang kinagatan na nila dahil baka magka-rabies.