Showing posts with label kabataan. Show all posts
Showing posts with label kabataan. Show all posts

Saturday, May 17, 2014

...Namimitas at Kumakain Kami ng Alatiris

 

Ano ba ang tama, ALATIRIS o ARATILIS?

Mas nakasanayan kong tawagin itong alatiris dahil noong ako ay bata pa, naiisip kong magkapareho ang ibig sabihin ng pisil at tiris. Alin man sa dalawa, ang tanging totoo ay masarap itong kainin. Kung isa kang nilalang na hindi napagkaitan ng kabataan ay alam na alam mong parte ng paglaki ang pamimitas ng mga bungang ito.

Kahit saan yatang lugar sa Pinas ay may matatagpuan kang mga puno nito. Ang natatandaan kong kuwento tungkol sa pagkalat ng punong alatiris ay kinakain daw ng mga paniki ang mga bunga at itinatae nila ang mga buto nito sa kung saan man sila maabutan. Kaya nga minsang naglinis kami ng bubungan ay nagulat ako nang makita kong may tumutubong alatiris sa aming alulod! Kahit na inuunahan kami ng mga alaga ni Batman sa pamimitas ay may silbi naman ang kanilang mga ebak kaya walang personalan, trabaho lang. Ingat-ingat lang sa mga bungang kinagatan na nila dahil baka magka-rabies.

Monday, December 16, 2013

...Naglalaro Kami ng Sumpitan



Sa panahon ngayon, hindi na kailangang pumunta ng lansangan upang maglaro ng mga “war games”.

Basta’t meron kang perang pang-arkila ng kompyuter sa internet shop sa inyong kanto ay pwede ka nang makipagbakbakan sa mga kalaban kasama ang iyong grupo. Hindi kailangang tumakbo ng totoo at pagpawisan; nasa bilis lang ng pagpindot sa teklada at sa mouse ang ikapapanalo ng iyong mga kakampi sa DOTA.

Noong panahon namin ay nasisikatan pa ng araw ang mga bata. Naranasan naming tubuan ng bungang-araw at mag-alaga ng mga kuto sa ulo. Kapag umuuwi kami ng bahay ay tiyak ang sermon ni ermats dahil sa baon naming libag na kuwintas at marusing na damit.

Tuwing hapon kasi at mga araw na walang pasok ay nagkikita-kita ang mga totoy at nene sa labas ng bahay upang magsaya sa pamamagitan ng mga larong-pambata. May mga larong isa lang ang taya at mayroon namang isang grupo laban sa iba. Mas gusto ko ang kampihan dahil ayokong maging balagoong mag-isa.

Sumpitan.

Monday, April 30, 2012

...Nagkaroon Ako ng mga Kuto sa Ulo


Tayong mga Pinoy ay may kaugaliang magkamot ng ulo kapag nasisita ng ibang tao. Kahit huling-huli na sa akto ay magpapalusot pa rin kasabay ang pagkamot sa parte ng ulo na hindi naman talaga makati. Teka, baka nga naman talagang biglang nagre-react ang mga balakubak natin sa mga ganitong pagkakataon. O kaya naman ay nagiging parte lang talaga ng utak natin ang mga kuto kapag gustong magsinungaling.

Lahat tayo ay ipinanganak na kalbo. Walang buhok, wala ring kuto. Ayon sa kanta ng grupong Weedd.

Hindi ko alam kung paano nagkakaroon ng mga kuto ang isang tao. Isa itong malaking palaisipan para sa akin tulad sa tanong kong "paano kaya nagkaroon ng isdang-kanal doon sa maruming estero at paano sila nabubuhay sa tubig na puno ng tae?". Sabi ng mga matatanda, nakukuha raw ang mga kulisap na ito kapag madalas kang nakabilad sa arawan. Kaya nga madalas kaming sabihan ni ermats na tigilan ang paglalaro sa mga lansangan lalo na kapag hapon kung kailan tirik ang araw. Kapag totoy at nene ka pa, walang kutong makati ang makapipigil sa sayang naidudulot ng teks, patintero, taguan, jolen, syato, agawan-base, at iba pang larong-pambata. Pero teka, kung ang araw ang nanay ng mga kuto, ibig sabihin ba nito ay kapatid sila ng mga bungang-araw?

Sunday, January 1, 2012

...Pinapanood Ko ang Post-New Year Special ng MGB


Kapag sumasapit ang Bisperas ng Bagong Taon, ang lahat ng Pinoy ay abala sa paghahanda. Kanya-kanyang bili at pag-aasikaso sa mga kung anu-anong ihahanda para sa Medyanotse. Kahit na walang-wala at kapos sa pera ay kailangang may maihain sa mesa bago pumatak ag alas-dose ng hatinggabi para salubungin ang panibagong pag-asa. Mga prutas na bilog, keso de bola, at hamonado. Sana ay maging masagana ang pagpasok.

Kasama na sa tradisyon nating ito ang paghahanda rin ng mga pampaingay na gagamitin sa pagsalubong ng New Year. Sabi ng mga matatanda, ang malas ay hindi papasok sa inyong tahanan kapag hinarangan mo ito ng maingay na maingay na tunog bago pumatak ang hatinggabi. Takot daw ang mga bad vibrations dito. Noong ako ay bata, natatandaan ko ang pamimili namin sa palengke  nila ermat at utol ng mga torotot na gawa sa mga negative ng bomba films - ito ang ginagamit namin upang i-welcome ang dapat salubungin. Kinakalampag din namin ang mga kaserola at mga palangganang gawa sa aluminum. Ang saya-saya namin kahit na nababasag ang aming mga eardrums sa lakas ng tunog!

Monday, October 10, 2011

...Nanghuhuli Kami ng mga Isdang-Kanal

 

Noong ipinasyal namin ni misis ang mga anak naming sina Paul at Xander sa isang mini-zoo sa Tagaytay ay nakita namin ang napakasaya nilang reaksyon nang makita ang mga isdang nasa loob ng mga hile-hilerang malalaking aquarium. Wala pa sa dalawang taon ang edad ng aming mga kambal na anak pero bakas sa kanilang mga mukha ang pagkabighani sa mga lumalangoy na mga nilalang. 

Para sa akin, walang taong nabubuhay o namuhay sa mundo ang hindi nahilig sa mga hayup na pamagat ng kanta ni Irma Daldal. Para sa karamihan, okay ang kumain ng isda dahil bukod sa hindi sila ma-cholesterol ay wala naman silang "feelings" (ayon ay Kurdt Kobain). Ang iba naman, sa sobrang hilig sa mga ito ay inaalagaan pa sila katulad ng pag-aaruga sa mga alagang aso. Sabi kasi nila ay nakakawala raw ito ng stress kapag nakikita mo silang tumititig sa'yo at parang may ibinubulong. Ang hindi lang natin alam, matagal na nilang sinasabi sa atin na "Taena niyo, pakawalan niyo kami rito!".

Friday, May 6, 2011

...Gusto Ko Nang Tumanda

 


Sabi ng mga matatanda, madali raw malalaman kung ano ang magiging propesyon ng iyong anak sa paglaki nila. Ito raw ay maaaring gawin habang sila ay mga sanggol pa lang na gumagapang at wala pang alam sa mundo. Mag-iwan ka raw ng mga bagay (na may kaugnayan sa mga trabaho) sa lugar na pinaglalaruan ng iyong chikiting. Ang unang bagay na kanilang dadamputin at paglalaruan ay ang kanilang magiging propesyon sa kanilang pagtanda.

Kung halimbawang may iniwan kang rosaryo at iyon ang dinampot ng iyong anak, may posibilidad na siya ay magiging isang alagad ng simbahan. Puwedeng maging isang pari o isang madre. Gustung-gusto ito ng mga nanay at tatay dahil ang sabi nila, ang mga batang ganito raw ang pinipili ay mabait sa kanilang paglaki kaya walang magiging sakit ng ulo! Noong bata pa ako, gusto ko talagang maging pari. Tadtad ng mga religious pictures ang loob at labas ng cabinet ko. Ngunit sa paglaki ay unti-unti akong tinubuan ng sungay kaya unti-unti ring nawala ang pangarap kong makapagdaos ng sariling misa. Hindi man lang nga ako naging isa sa mga sakristanas boys sa simbahan namin sa Crame tulad ng mga kababata ko.