Ang isang mag-anak ay parang hindi kumpleto kung walang alagang hayop sa bahay. Isa 'yan sa mga itinuro noong tayo ay nasa pre-school at elementary - kailangang merong "Muning" o "Bantay".
Bata pa lang ako ay mahilig na akong mag-alaga ng aso. Nasa grade one ako nang simulan akong bigyan ng mga tito ng mga tutang palalakihin. Noong una ay nagtataka ako kung bakit kapag medyo malaki na ang mga inalagaan kong tuta ay bigla silang nawawala. Sinasabihan lang ako ng mga matatanda na "...na-dognap 'yung aso mo". Wala na akong magawa kundi umiyak sa simula at pilit silang kalimutan. Hanggang sa isang araw pagkagaling sa eskuwela ay naabutan ko ang tito ko kasama ang kanyang mga sunog-bagang barkada na itinali sa poste ang pinaalagaang aso sa akin. Kitang-kita ko kung paano nila hinataw ng baseball bat ang aso kong mataba hanggang sa ito ay mawalan ng buhay. Kalderetang aw-aw ang trip nilang pulutan sa panulak nilang Ginebra. Kaya pala galit na galit na tinatahulan sila ng mga aso sa lugar namin. Sabi kasi nila ay naaamoy ng mga aso ang mga taong kumakain ng aso.
