Friday, July 8, 2011

...Taga-Lista Ako ng Noisy at Standing

 


Aalis nanaman si teacher. Fifteen minutes lang daw at babalik na siya. May nakalimutan daw siyang kunin sa faculty room. Aabutin ng kalahating oras dahil ang totoo, nakipagtsismisan lang sa kanyang kapwa guro. O kaya naman ay naningil ng bayad sa mga binentang yema sa kabilang section. Huwag daw kaming mag-iingay at maglilikot habang wala siya. Ang sino mang mahuhuli niya ay "face the wall" ang parusa.

"Class, walang maghaharutan at walang mag-iingay. Babalik rin ako kaagad.".
Siyempre, kami naman ay magsasabing "Yes, ma'aam!" kahit na hindi naman totoo. Kapag wala ang pusa, siyempre ay maglalaro ang mga daga. Kapag walang teacher, puwedeng magkuwentuhan at puwedeng-puwedeng mangapit-bahay! Pero para makasigurado si ma'am na walang mag-iingay, tatawag siya ng isang estudyante na magiging mga mata niya at taga-bantay habang wala siya. Alam naman niyang nagsisinungaling lang kami ng sabihin naming hindi kami mag-iingay kaya maglalagay siya ng isang katiwala. Matalino kaya si ma'am, kaya nga siya naging teacher eh.

Kadalasan, sa mga class officers siya humuhugot ng taga-lista ng "noisy" at "standing". Kung susuriin mo ang nga responsibilidad nila, ang mga sergeant-at-arms talaga ang nababagay para rito. Sila kasi 'yung mga matatangakad at matatapang. Sila ang tagapag-ayos kapag may nag-aaway. Sila ang kinakatakutan. Sila rin kadalasan ang mga bullies. Kaya ayun, minsan lang silang gawing taga-lista ni ma'am dahil kadalasan ay sila rin ang pasimuno sa pag-iingay.

Nagkakaroon ng rotation ang  president, vice-president, business manager, P.R.O, at muse sa pagiging taga-lista, pero mas madalas pa ring mapunta ang toka sa class secretary. Kaya nga taga-sulat ang responsilidad niya 'di ba? 

Sa dami ng class officers na nagpapalitan, isipin mo nalang kung gaano kadalas ang minsan ni teacher sa paglabas ng classroom. Kung meron tayong "Ma'am, may I go out?", dapat ay nauso rin ang "Class, may I go out?"!

Kapag hindi trip ni ma'am na pumili sa mga officers ay tinatawag niya ang "pinakamabait" sa classroom. Sila 'yung mga tipong hindi nagsasalita. Hindi umiimik kung hindi mo kakausapin. Sila rin 'yung mga natutulog nalang kapag umaalis si teacher para hindi sila malista sa mga maiingay ng klase. In other words, sila ang mga nobody's. Mahirap kapag sila ang nasa harapan, parang ang hirap nilang asarin dahil baka umiyak. Kapag humagulgol sila ay siguradong sa guidance counselor ang punta mo after classes. Matatakot ka talagang tumayo at mag-ingay dahil siguradong paniniwalaan sila ng guro kapag sila ang nagsumbong.

Minsan ay pinipili ng mga guro kanilang mga paborito o ang mga mas kilala sa tawag na "teacher's pet". Sila naman 'yung madalas bumati sa mga advisers mula umaga hanggang hapon. Tagabitbit sila ng mga gamit ng teachers. Nagdadala rin sila ng mga kung anu-anong pagkain para kay ma'am. Samakatuwid, sila ang mga sipsip, higop, at vacuum. Sila ang mga taga-listang masarap asarin dahil mayabang silang umasta. Feeling nila ay kalabaw na rin sila kahit na mga langaw lang naman sila na nakapatong sa kalabaw. Kapag sila ang nasa harap, talagang matalas ang kanilang mga mata at tenga sa paghahanap ng mga "noisy" at "standing". Parang tuwang-tuwa sila sa kapag may nahuhuli at nag-lilista. Tanda ko pa hanggang ngayon 'yung isang kaklase namin na napagkaisahan ng buong klase. Mayabang kasi siya kaya lahat kami ay nag-ingay ng nag-ingay at tumayo-tayo. Noong una ay enjoy pa siya sa pag-tally ng paisa-isa. Eh nang sabay-sabay na kaming nagsitayuan at naghiyawan, para siyang isang computer na nag-flactuate! Hindi na niya alam ang gagawin niya kaya umiyak nalang. Nagtawanan kaming lahat kaya nagwalkout nalang siya habang humahagulgol. Pagbalik niya, kasama na si teacher na galit na galit. 'Di ko na maalala kung ano ang parusang natanggap namin pero tanda ko pa rin na ilang araw na hindi pumasok matapos ang eksenang 'yun.

Kapag nasa ibang mood naman ang aming magaling na teacher, ang pinipili niyang maglista ay ang mga "magagaling" ng buong section. Ito ang pinakaayoko dahil matalino ako (makapal lang talaga ang mukha ko) noong ako ay bata pa. Dahil sa no choice, wala akong magawa kundi pumunta sa harap at magbantay. Hindi ko ugaling magsumbong dahil hindi ganun ang aking kinalakihan. Pero dahil nga may angkin akong katalinuhan, "reverse psychology" ang ginagamit kong technique sa pagbabantay. Sasabihan ko nalang ang buong klase ng "Wala akong pakialam sa inyo kung ano'ng gusto niyong gawin basta't gawin niyo lang kung ano ang sa tingin niyo ang tama.". Bumabalik si teacher na tahimik ang klase. Walang naka-tally sa "noisy" at "standing". Eh 'di bilib nanaman si ma'am!

Noong ako ay bata pa, taga-lista ako ng noisy at standing...pero hindi ako sumbungero. At lalong hindi ako sumbungero hanggang ngayon.







No comments:

Post a Comment