Monday, January 14, 2013

Telebobos

"Isa kang Batang Nineties kung natakyut ka sa mga Teletubbies."

Hindi ko alam kung paano ako napadpad sa lugar na iyon - luntian ang kapaligiran, dinig na dinig ko ang mga huni ng ibon, at ang daming mga bulaklak na humahalimuyak.

Pahiga na sana ako sa damuhan nang makita kong may mga papalapit sa akin na mga nilalang na mukhang aliens na kasama sa United Colors of Benetton. Habang patungo sila sa akin ay napansin ko ang mukhang engot nilang pagtakbo at unti-unti kong narinig ang mala-abnoy na pagsambit nila ng "EH-OH! EH-OH! EH OH!".

Tumakbo ako papalayo sa kanila. Sobrang bilis na halos sasabog na ang aking dibdib sa paghinga. Malas ko lang at ako ay natalisod sa pesteng batuhan. Nang maabutan nila ako ay bigla silang pumalibot sa akin at sabay-sabay na nagsabi ng "UH-OH!".

Biglang may humampas nang mahina sa aking mukha. Isa, dalawa, tatlo, apat.

"Kuya, gising ka na. Nood tayo ng teevee.", narinig kong lambing ng tatlong-taong gulang kong utol na si Carlo.

Salamat at panaginip lang pala. Epekto lang siguro ng gin pomelong ininom namin kagabi.

Nang mabuo na ang aking diwa habang nakahiga pa rin sa aming sofa ay naaninag ko ang palabas sa telebisyon. Napasigaw ako ng malakas na "Waaahhhhhh......".

Taena, nagkatotoo 'yung bangungot ko!

TELETUBBIES

Unang ini-ere sa BBC ng Britanya noong March 31, 1997, ito ay tumagal ng apat na seasons kung saan ipinalabas ang ika-365 na episode noong January 5, 2002

Kinain nito nang buong-buo ang buong mundo noong mga huling taon ng Dekada NoBenta hanggang sa mga unang taon ng Bagong Milenyo. Na-hypnotize ng mga ugok ang mga batang manonood kaya ang daming mga merchandise nila ang tinangkilik ng mga magulang. Magmula sa teevee ay nagkaroon ng mga piratang VCDs, coloring books, bags, birthday cake, lobo, lunchbox, brief, panty, t-shirt, manyika, condom, lason, baril, kabaong, puntod, at kung anu-ano pang mga kalokohan. Sa maniwala kayo o hindi, ang single na hango sa palabas, ang "Teletubbies say 'Eh-oh!'",  ay naligaw sa rank #1 ng UK Singles Chart noong December 1997 at tumagal ito ng 32 weeks sa Top 75.

Ang sabi ng iba ay cute daw sila, light-hearted, at carefree. In century-old word, so gay.

Ang sabi ko naman, lalo na ng karamihan, ay mukha silang mga abnormal na taga-ibang planeta. Hindi sila cute kundi nakakatakot. Wala silang pinagkaiba sa mga payaso ng Fiesta Carnival na imbes na magpasaya ay nagpapaiyak ng mga bata. Kung sabagay, may nagsasabing ang ibig sabihin daw ng cute ay "ugly but interesting".

Noong ako ay bata pa, ang mga karakter ng mga educational shows ay marunong magsalita ng tuwid. Ano ang binatbat ng mga bulol na Teletubbies sa husky voice ni Kiko Matsing at matining na boses ni Pong Pagong ng Batibot?

Hindi ko maintindihan ang palabas na ito. Kung educational ang show, bakit mukhang tanga kumilos at magsalita ang mga kolokoy? Noong minsang manood ako nito ay gusto kong basagin ang teevee namin kaso baka umiyak si utol at kurutin ako sa singit ni ermats. Paksyet na malagket, bakit kailangang paulit-ulit ang mga potang ginagawa nila?

Ang pangit ng mga itsura nila. Kung ako ang batang makakakita nito sa personal, malamang sa alamang ay mapapanaginipan ko ito hanggang sa sumama na ako kay Rico Yan. Kung alam niyo ang "Sour Girl" music video ng Stone Temple Pilots, maaalala niyo ang mga telebobos dahil sa mga nakakatakot na mascots na kasama ni Weiland. Pero malay natin, baka noong pinapanood natin sila Ernie and Bert ng Sesame Street ay kinukutya at pinagtatawanan din tayo ng mga matatandang nakakakita sa atin noon.


Ayon sa mga producers nito, ang mga telebobos ay dinisenyo base at para sa mga toddlers. Ito ang dahilan kung bakit sila bulol. Siguro ay para makita ng mga bulilit na manonood ang kanilang mga sarili sa katauhan ng kanilang napapanood. Kung ako ang magulang, hindi ko papayagan ang ganitong istilo dahil baka bumagalang paglaki ng aking mga anak.

Ang mga telebobos ay mga mascots na may teevee sa kanilang tiyan. Kapansin-pansin din ang kanilang mga nakakabit na antenna sa kanilang mga ulo. Ang mga kulay nila ay ang mga madaling matandaan ng mga bata. Tingnan mo sila Ronald, Jollibee, at Wendy's...puro nakasuot ng kulay dilaw at kulay pula. Dalawa silang lalaki at dalawang babae na magkakaiba ang laki.

Si TINKY WINKY ang pinakamalaki at Teletubby No. 1. Kulay ay lila at tatsulok ang antenna ng bespren na ito ni Barney the Dinosaur. Siya ang nagkaroon ng kontrobersya dahil sa kanyang kilos at pagkahilig sa pulang handbag. Lalaki siya kaya ang tingin ng karamihan ay isa siyang binabae. Bukod dito ay sinasabing ang violet at triangle ay ang mga ginagamit na simbolo at kulay sa Gay Pride movement.


Ang pinakamakulit na si DIPSY ay ang Teletubby No. 2. Berde ang kulay at ang antenna ng lalaking telebobong ito ay hawig sa isang dipstick. Ayon sa mga producers, sinadyang bahagyang mas maitim ang kulay ng kanyang mukha upang kumatawan sa mga egoy.

Kulay dilaw at kulot naman ang antenna ng palakantang si LAA-LAA, ang Teletubby No.3.

Ang pinakamaliit at huling Teletubby ay si PO na isang Cantonese. Kaya kung pakikinggan, huwag mong isipin na bulol dahil baka nag-iintsik na siya nang hindi mo alam. Kulay pula siya at ang kanyang antenna ay pwedeng gamitin sa paggawa ng soap bubbles.

Mayroon silang guardian at housekeeper na vacuum cleaner. Si NOO-NOO ay may ilong na may gamit na "blow" at "suck". Kung anu-anong bagay ang hinihigop at sinisinghot nito na kahit minsan ay napupunta sa kung saan-saan tulad sa wala namang etits na si Tinky.

Bukod sa limang nabanggit, ang pinakaayokong karakter ay 'yung araw na may ulo ng sanggol na humahagikgik at tumatawa. Tumatayo ang balahibo ko sa kuyukot sa tuwing nakikita at naririnig ko siya. Noong una, akala ko ay lalaki 'yung baby, 'yun pala hindi. Maraming haka-haka na ang batang JESSICA SMITH ay lumaking bulas at naging mas mainit pa sa araw. Ang totoo, ang kumalat na pektyur ay si Jessica Smith nga ngunit si JS ng teevee series na "Laguna Beach". Sorry mga ka-dekads, pareho silang hot pero hindi sila iisa!


Noong patapos na ang Dekada NoBenta, lumitaw ang mga mga kakaibang palabas sa teevee. Dito nagmana ang mga pinapanood ngayon ng mga kawawang jejemons ng bagong henerasyon.



2 comments:

  1. taena andami kong tawa dito.. bakling si tinky at yung bakyum haha... napansin ko nga tila tanga ang gumawa ng telebobos, si tinky ang pinagbibitbit ng bag na akala mo'y mamamalengke..


    yung araw na may face talaga ang nakakaloko.. tawa ng tawa at maririnig mo talagang tawa 'yon na mula sa kung anong microphone..

    ReplyDelete
  2. hahahahahah!! naalala ko mga to kasi pamangkin ko paulit ulit pinanunuod sa umaga mga to e.. grbeh fahil sa blog na to. naalala ko annaman pgkabata ko.. ung puro laro ka lng ng teks. pogs etc. haha mga chinese garter.. haha! sarap balikan kung may babalikan ako sa buhay ko un ung bata pa ko..
    iba na kasi mga bata mgayon.. ibang iba sa dati.. how i wish pde ibalik ang dati..

    ReplyDelete