Thursday, November 24, 2011

K1n5e Kalibre

Nakatikim ka na ba ng kinse anyos? 

Taena, hindi ito tungkol sa kontrobesyal na billboard na pumukaw noon sa atensyon ng mga usiserong motorista sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue, Coastal Road at kung saan-saang lansangan ng masikip na Metro Manila. Paksyet lang ang mala-henyong ad ng isang inuming nakakalasing kung ikukumpara ang ingay na ginawa nito sa mga nagmamalinis kumpara sa ingay na ipinamalas ng isang grupong tumagal na ng labinlimang taon sa industriya ng musika. Ingay na para sa mga inosenteng nagtataka ay nakakabingi, habang sa mga batang nineties na tulad ko ay ingay ng tunay na musika. Hindi lahat ng maingay ay maingay dahil mas masakit sa tenga ang tahimik. Subukan mong makinig ng kanta ni Barry Manilow sa loob ng 24 oras, ewan ko lang kung hindi tumulo ang luga mo.

Naranasan mo na bang makaramdam ng gulat na dala ng mag-asawang sampal (kasama ang mga anak at apo nito sa tuhod) tulad ng mga ipinapalipad ni Gladys sa siopao na mga pisngi ni Juday noong kasikatan ng Mara Clara? Ganito ang naging reaksyon ko noong una kong mapakinggan ang tunog ng SLAPSHOCK bandang mga huling taon ng Dekada NoBenta. Mahilig kasi ako sa iba't ibang genre ng musika kaya naman bumenta kaagad sila sa akin. Sa totoo lang, natuwa ako sa kanilang pagsulpot sa Pinas kasama ang ibang grupo ng mga rap-metal / nu metal dahil kahit na isa akong "metal" noong panahon ng gitara ay mas una kong naging idolo ko sina Francism at Andrew E. Medyo "hiphop-phobic" ang mga tao noong kapanahunan ko kaya takot akong malaman ng mga ibang rockers na mahilig ako sa mga grupo o taong biniyayaan ng dilang tulad ng kay Vanilla Ice.

Rap plus growl plus heavy guitar riffs plus shattering drums plus catchy bass lines is equal to pure headbanging music. Taena, feel na feel ko ang pag-slam sa kanilang ingay. Isa sila sa mga dahilan kung bakit natanggap ng mga Pinoy na pwede pa lang mag-rap habang hume-headbang sa maingay na tunog ng mga banda rito at banda roon.

Ang grupo nila ay naitatag noong 1997 at binubuo ng ilang etudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Kabilang dito sila Reynold Munsayac, ang orihinal na bokalistang pinalitan ni Jamir Garcia na pinsan ni Jerry Basco (guitar), Lean Ansing (guitar), Lee Nadela (bass) na mula sa Agaw Agimat, at Chi Evora (drums). Nagsimula sila sa mga underground gigs hanggang sa makarating sa mga "kilalang" venues tulad ng Club Dredd at Mayrics. Hindi naglaon ay napansin ang kanilang husay at galing kaya naman noong 1998 ay nabigyan sila ng break ng EMI Philippines.

Bago malaman ng sangkatauhan kung magtatagumpay ang Y2K bug sa pagpasok ng bagong milenyo ay inilabas ang kanilang debut album na "4th Degree Burn" noong 1999. Dito nanggaling ang sumikat na "Agent Orange" single na naaalala kong ipinanloko ko kay bespren Geline. Sabi ko sa kanya ay tungkol ito sa barkada naming si Jodel na namumuhunan sa mga gigs ng Yosh Cafe at Dredd. Para maniwala ay ipinakita ko sa kanya ang ticket ng isang gig namin na ang nakalagay ay "Agent Orange Production" - ilang taon ko din siyang nauto sa kuwentong lasenggong ito.

Sa kanilang pag-alingawngaw sa Pinoy Rock Scene noon, maraming nabilib at may mangilan-ngilan ding nairita. Siguro ay dahil hindi pa rin makapag-move on sa pagkamatay ni pareng Kurdt kaya maraming tao noon ang hindi matanggap ang ganung klase ng musika. Bitin sa grunge. Malayo rin sila sa tunog ng tropa nila pareng Ely B. na noo'y ilang taon nang pumapatok sa airwaves at sa mga bangketa ng pirated CD's sa Quiapo at Greenhills. Marami ang pumunang ginagaya lang nila ang Korn kaya walang sariling identity pero balewala sa akin 'yun para sila ay subukan. Naaalala ko pa ang tanong sa'kin ng isa kong katambayan sa uste, "Bakit ka nakikinig sa kanila? Ang baduy kaya ng tugtugan nila!". Potah, walang basagan ng trip. Hindi naman ako nakikialam sa sikreto niyang pagkanta sa mga awit nina Meatloaf at April Boy Regino.

Baduy daw ang pasigaw-sigaw habang naka-jersey. Hindi daw lawlaw ang salawal ng mga tunay na rockers. Marami ang nagsabi na ang grupo nila Jamir ay seasonal lang at hindi magtatagal. Ganun din ang akala natin sa Zagu. Marami ang nagsabi na mabilis matutunaw ang kasikatan nito pero nasa higit isang dekada na itong nagbibigay ng "coolness" sa mga nag-iinit na Pilipino.

Pitong studio albums at dalawang compilations. Mga di-mabilang na awards. Malufet na pag-front act sa mga foreign bands tulad ng Korn.

Sino ang magsasabing panandalian lang sila?

Ituro mo sa akin upang magamitan ko ng aking kalibre kinse.





6 comments:

  1. di ako fan ng slapshock pero alam ko na hindi sya seasonal... sumikat talaga sila

    ReplyDelete
  2. naalala ko pa nung Grade 6 ako, naiinis ang Mommy ko pag napapanood sila sa TV habang nagpeperform ng Agent orange. sabi nya mga drug addict daw. in fairness naman, though I'm not a fan of metal, ang tagal na din nila sa music industry.

    ReplyDelete
  3. nakatikim k n b ng kinse anyos?? hahaha

    tama wala namng makapagsasabi kung hanggang kailan tatagal ang isang banda.. bilog ang mundo. :D

    ReplyDelete
  4. @khanto: tama ka parekoy!

    @markysabs: wellcum sa bahay ko. tama ang ermats mo, mukha nga silang mga adik dati. ganun din mga itsura namin! hahaha

    @bagotilyo: meron....record sales! hehehe. tama ka parekoy, bilog ang mundo! tagay na!

    ReplyDelete
  5. Rak en rol! Hehe. Ang Mayrics nga pala ngayon ay wala na. Meron pa naman, kaya lang nagbago na ang pangalan. Iba na siguro ang management. Puno pa rin ng mga gigs at mga binatilyong nagbabanda. "Sazi's" na ang pangalan n'ya ngayon. Wala lang, trivia lang. Lagi ko kasing dinadaanan. Hehe.

    ReplyDelete
  6. kung pahihintulutan akong bumalik sa estudyanteng ako, malamang isa 'to sa mga gagawin ko: ang i-absorb ang lahat ng iba-ibang music genreng sumikat nung dekada nobenta. medyo nalimit lang kasi ako sa tunog ng eheads eh. ayan tuloy, di ako masyadong maka-relate. lol! kumusta ser jayson? hiatus mode?

    ReplyDelete