Saturday, February 27, 2010

Ang Alamat ng ZAGU




Nagamit ko na dati ang salitang “alamat” sa isa sa mga titles ng mga urban legends sa “Manananggal ng Lakas”. Gagamitin ko ulit ito dahil may “K” naman ang nagpauso ng sosyal na shake sa Pilipinas noong Dekada No Benta.



Noong nasa grade school pa ako, paborito ko ang uwian dahil kapag nakalabas ka na ng gate ay sandamakmak na hepatitis vendors ang makikita mo at eengganyuhin kang ubusin ang baon mong pera. Nandiyan si Manong Fishballs, Si Mamang Sorbetero, Si Mamang Linupak, at ang pinakasuki kong si Manong Iskrambol. Oo na, matanda na siguro ako at clueless kayo sa sinaunang dirty shakes. Ito yung kinadkad na yelo na may food coloring na pink. Hahaluan ng asukal para tumamis. At ang pinaka-topping nito ay ang cocoa na nanggagaling sa lalagyan ng peyborit kong Hershey’s Brown Cow (walang hiya ka manong, niloko mo ako!) Mura lang ito, parang piso lang per cup ang tinda. Talagang pinipilahan ng mga batang estudyante ng Camp Crame Elementary School.

After elementary, medyo nakakahiya na ang bumili ng pamosong scramble. Hindi na kasi pang-teenager ang dating ng binibenta ni Manong. Sa MANGO BRUTUS na ako bumibili ng shakes – doon sa second floor ng Ali Mall at sa dating Rustan’s sa Cubao. ‘Di ako sure pero parang kasama lagi ito ng Bread Connection. Ang  sarap ng shakes dito, lalo na ‘yung Mango Verde. Sa kanila ko lang natutunan na puwede palang gawing shake ang manggang hilaw! Sikat na sikat sila dati lalo na sa mga kabataan. Naabutan ko pa nga ‘yung branch nila sa tapat ng USTe (malapit sa Mayric’s). Oorder lang kami ng tig-iisang shake at doon na kami gagawa ng mga plates namin para sa Drawing 101. Eskuwalado kasi ang mga lamesa doon kaya ginawa naming tambayan. Sayang at nawala na sila ngayon (tama ba?!).

At dito na pumasok ang ZAGU. Medyo late nineties, April 1999, na nang bigyang lamig nito ang mainit na bansa natin. Sorry pero mukhang ayaw magpakilala ng nakaisip ng concoction na ito. ‘Di sila kilala ni pareng Wiki. Ang nakalagay lang sa website nila ay “... was pioneered by a young enterprising lady with a degree in Food Science from University of British Columbia in Vancouver, Canada”. May mga rumors ako dating narinig na nagsimula lang ang Zagu as a thesis / project. Hindi ko alam kung gaano katotoo pero isang genius ang nag-improve ng maruming scramble.

Nang una kong marinig ang salitang “Zagu” sa mga tropa ko, naisip ko lang na gusto nitong magpaka-sosi. Gawin ba namang “z” ang “s” ng sago at tawagin itong pearl. Walang pinagkaiba sa pangalan ng kaibigan kong si Benjamin (a.k.a. Bentot)  na ginawang “Venz” ang nickname para mag-tunog mayaman. Isama mo pa ang mga pinoy na nilalagyan ng letter “h” ang pangalan nila tulad ng Jhay (oy, hindi ko ginawa ito sa pangalan ko ha!).

Nang una akong makatikim ng tinitinda nila, medyo napilitan lang ako sa anyaya ng barkada ko. Hindi naman kasi ako matiyaga pumila sa linya ng “box-office hits”. Letsugas ang haba – parang pila ng Lotto na may two hundred million na jackpot prize. Tapos tatlo lang yung crew doon sa kiosk na nagsasalitan sa apat na blender. Umabot din kami ng kalahating oras para makatikim ng usong-usong shake na para sa iba ay fad lang. Imbes na pangkadkad ang ginagamit, blender ang pinampalit para mas mabilis at madaling haluiin ang ingredients na  yelo, konting tubig at ‘yung misteryosong powder na nagbibigay ng flavor at creaminess. Tsaka ililipat sa plastic cup na may lamang black sago. Sipsipsipin mo ito ng jumbo straw na nung una ay hirap na hirap akong sipsipin.

Masarap pala!”, sabay takbo sa kubeta dahil lactose intolerant ako.

Sakto ang dating ng Zagu dahil summer sila unang lumabas. Natapatan nila ang halo-halo na uso kapag bakasyon. Prediction ng iba, lilipas din ito na parang shawarma – seasonal lang para sa karamihan. Pero isang dekada na ang lumipas, buhay pa rin sila. Pinataob na nito ang ORBITZ na ang endorser dati ay ang peyborit ng nanay kong si Rico Yan (R.I.P.). Wala na rin ang GUMMI BEARS na may franchise pa ang kaibigan kong si Michelle Zamudio. Ang natitirang kalaban nalang nito ngayon ay ang QUICKLY na nata naman ang sahog imbes na sago. Ang daming pilit na nanggagaya sa kanila – parang ‘yung episode ng “The Simpsons” na “Flaming Homer” ang nangyari sa Pinas noon.

Parang Starbucks ang dating dati ng Zagu. Feeling mo ay “in na in” kapag may hawak ka ng cup nila. Ika nga ng dati kong kasamahan na si Glen tungkol sa pagtambay sa Starbucks, “it’s not about the coffee but the experience itself”. Nagbabayad tayo ng mahal dahil may experience kang nadarama everytime na pinipilit mong huwag bumara yung sago sa dambuhalang straw habang inggit na inggit sa’yo yung mga nakakakita sa pagsipsip mo. Tingin mo sa sarili mo ay sosi ka. Paksyet, nakasakay ka lang naman sa jeepney!

Sobrang sumikat ito kaya maraming gustong sumira sa kanila. Napanood ko dati sa “Imbestigador” ni Mike Enriquez kung na-raid ng pagawaan ng sago na hinahaluaan ng borax. Malamang dito nagsimula yung email hoax na nagsasabing hindi safe uminom ng pearl shakes na obviously ay Zagu ang tinitira. Yung powder daw na hinahalo sa shake ay galing Taiwan at may formula ito na nagdudulot ng diarrhea, hyperacidity, eczema, birth defects, high blood, rashes, headache, cancer, nausea, vomiting, at abdominal pain. Kakaiba pero maraming naniwala. Buti nalang at sumaklolo ang DOH at BFAD na hindi naman ito totoo. Maniniwala na sana ako kasi lagi akong natatae kapag umiinom ako ng pearl shakes.

Sa ngayon, more than two hundred stores na ang meron sila sa iba’t ibang panig ng Pinas – sa malls, sa supermarkets, at sa mga lansangan. Napakamahal na mag-franchise nito dahil mabilis naman daw ang ROI.

Brain Freeze...slurpee muna.





17 comments:

  1. hanggang ngayun meron pa rin naman scramble sa malapit sa eskwelaha sa amin. na add n kita sa blogroll ko

    ReplyDelete
  2. parekoy, salamat sa pagdaan. na-add na rin kita sa blogroll ko. ingat.

    ReplyDelete
  3. Hahaha paborito ko ang Zagu bago pa man ako umexperience sa Starbucks eh eto na ang hinihigop-higop namin pag walang magawa habang nakaupo sa benches sa mall habang tahimik kaming nanlalait sa mga dumadaang jologs...

    ReplyDelete
  4. hahaha. dati , zagu ang sosi. ngayon, ito ay part na ng jologs culture!

    salamat sa pagdaan

    ReplyDelete
  5. naalala ko nga nung bagong labas ang Zagu, ang hahaba nga ng pila. pero dahil gusto mo ngang makatikim, magtitiis ka.. hehe

    ReplyDelete
  6. honga, mas matagal pa yung pagpila mo kesa sa pagsipsip sa straw!

    Salamat sa pagbasa

    ReplyDelete
  7. yong frend ko nagfranchise nyan, yan ang unang besnis nya, at nagboom nga... masarap ang zagu pero mas okey sa akin ang cramble ni manong, hehehe... panjologs e no?

    ReplyDelete
  8. Wala talagang tatalo sa formula ng sarap ng tinitinda ni Manong Scramble.

    Taympers, ang hirap mag-comment sa blogs mo. 'di ako makapasok.

    ReplyDelete
  9. Perry The PlatypusMay 26, 2010 at 5:47 PM

    Nung sa Cebu pa ako noon, nagbukas ang Zagu sa Ayala Center Cebu.
    Since circular ang architectural style ng mall. Naisip ko bakit ung buong rotunda ng Ayala ay puno. Uso ba? Yun pala Zagu.
    Pero nabawasan na ang tensyon ng Zagu noong dumami ang kanyang branches nationwide.

    Buhay pa ang Quickly at Orbitz (humina nga lang ang pareho).

    ReplyDelete
  10. Perry The PlatypusMay 26, 2010 at 5:56 PM

    Dati may tindahan na malapit sa amin, 10 pesos ung small Zagu, 15 medium at 20 pesos pero hindi Zagu ang nagtitinda kundi kaibigan ng supplier ng Zagu powder. Well malakas naman yung tindahan kaso napilitan silang maglipat. :(

    ReplyDelete
  11. ang lufet talaga ng time na pinipilahan ang zagu. box-office hit! pero hanggang ngayon naman ay ganun lalo na kapag summer.

    ayus yung nagtitinda sa inyo ha.

    ReplyDelete
  12. Perry The PlatypusMay 27, 2010 at 2:54 AM

    Nakakaratola pa dati, SHAKE lang.
    Sinasabi nila na hindi Zagu ang gamit nila sa mga ordinaryong kostumer. Sinasabay ko ung Zagu sa sisig.
    Since yung puwesto na yun ay pagmamayari ng lola ko, pinapasok nila ako sa loob ng kitchen nila at Zagu pearls and powder ang gamit nila, sabi nila sakin kaibigan nila ung supplier. The last time I saw the owner noong Dec 23,2007 (memorize ha!), naglipat daw sila sa Cainta. Well minsan lang talaga magkaroon ng ganun.

    ReplyDelete
  13. wow parekoy, ano lasa ng sisig na binubudburan ng zagu imbes na hot sauce? joke! peace tayo.

    sana magkaroon din nyan malapit sa amin sa taguig. pati dito sa saudi!

    ReplyDelete
  14. Ano ba mas masarap? Zagu or Orbitz? Diba mas nauna Orbitz? If waz nadead Rico Yan di cguro ganyan kasikat Zagu. Am I right??????????

    ReplyDelete
  15. pareho ko silang natikman at sa tingin ko ay pareho lang naman halos ang lasa nila. nagkakatalo lang sila sa sago na inilalagay nila. yup, kung 'di namatay si rico yan, baka mas sumikat ang orbitz.

    ReplyDelete
  16. yung scramble buhay parin hanggang ngayon, sosyal na rin sila kasi meron ka na ring makikita sa mga mall na nagtitinda nito

    ReplyDelete
  17. Nakakaloka ang hoax na iyon... nung lumabas ang isyu na iyon dehins kami pinabibili ng nanay ko ng ZAGU.. hehehehe.. pero ng makapagtrabaho ako sa company nila... di naman totoo... ay si Ms. Genevieve Lim po pla ang founder ng ZAGU (secret lang natin un ah.. ) lol!!!!

    ReplyDelete