Sunday, August 21, 2011

Featured Blogger: Alden of "SULYAP SA NAKARAAN"


Masarap balikan ang nakaraan. Kaya nga nag-aaksaya ka ng oras sa pagtambay sa walang kakwenta-kwentang blog na ito.

Kung mangangailangan lang ng isang volunteer para i-test ang isang time machine, isa ako sa mga mangunguna at magpupumilit na gawing human guinea pig. Eh paano ba naman, ang sarap kasi ng buhay noong ako ay bata pa. Simple lang noon, manalo lang sa laro ng teks at holen ay tuwang-tuwa na tayo. Manood ka lang ng paborito mong Batibot araw-araw o ng lingguhang Shaider sa teevee, masaya ka na.

Nagagalak ako kapag may nadidiskubre akong mga bagong tambayan sa internetz na kapareho ng temang ginagamit ko dito sa NoBenta. Napapatunayan ko kasi na hindi lang ako ang bitin sa masasayang karanasan na naibahagi ng nakalipas (potah, may ganitong banat talaga?). Isa sa mga bago kong kalaro sa blogosphere ay ang  featured blogger ko ngayong linggo, si pareng ALDEN ng SULYAP SA NAKARAAN.


ito raw ang picture ng taong mukhang mabait!

Sa totoo lang, medyo matagal na rin sa pagsusulat si Alden dahil ang kanyang malufet na blog ay mag-iisang taon na sa Oktubre. Ako lang ang bagitong tagabasa na kamakailan lang naligaw sa kanyang lungga. Hindi ko alam kung paano pero simula nang mapadpad ako sa kanyang bahay ay talaga namang nagustuhan ko na ang kanyang mga naisulat. Kumbaga sa mga radio stations, isa itong "oldies but goodies" tuwing Linggo. Flashback. Brings back memories.

Nakatikim ka na ba ng Choyo Choyo chocolate? Kilala mo pa ba si Recca Hanabishi? Pinapatulog ka ba tuwing hapon noong bata ka?

Ilan lang 'yan sa mga katanungan ni Alden na sigurado akong may mga masasayang karanasan kang maaalala sa tuwing ito ay iyong mababasa o maririnig. Kung gusto mong maramdaman ulit kung paano maging isang totoy o nene, bloghop ka na sa kuta ng aking bagong kaalyansa sa pagbibigay ng gamot para sa kalimot!







Heto naman ang isang sampol ng kanyang pagsulyap sa nakaraan:

Title: NAPASIGAW KA DIN BA NG “4:30 NA!! ANG TV NAAAAAA!!!!” TUWING HAPON NG DEKADA NOBENTA?

Kapag tinanong mo ang isang batang paslit sa kung ano ang gusto nitong maging paglaki, hindi maaaring walang magsasabi na gusto nitong maging artista. Isa sa pinakasimpleng pangarap ang pag-aartista. Maliban sa pagiging doktor, teacher, at pulis, ang pag-aartista na siguro ang masasabing tipikal na mamumutawing pangarap sa mapaglaro at murang isipan ng mga kabataan.

Ang pag-abot sa pangarap ng mga bata na maging artista ay mas pinadali dahil sa pag-usbong ng iba’t ibang programang nagpapakita ng kanilang potensiyal bilang isang bigating artista sa mga darating na panahon. Isa sa mga halimbawa ng programang ito ay ang “Goin’ Bulilit” na napapanood ngayon sa ABS CBN tuwing Linggo ng gabi. Ito ay kinabibilangan ng mga batang artista ng ABS CBN Star Magic na sa kabila ng murang edad ay kinakakitaan na ng talento sa pag-arte at pagpapatawa.


Subalit bago pa makilala ang programang ‘yan, nauna nang sumikat noong dekada nobenta ang isang programang pinangungunahan ng mga cute na cute na bata na nagpapatawa at umaarte. Ito ay ang Ang TV, isang gag-variety show pinalabas sa ABS CBN tuwing hapon magmula taong 1992 hanggang 1996. Ang Ang TV ay nasa direksyon ni Johnny Manahan na kilala din sa palayaw na “Mr. M”. Ang format ng Ang TV ay hango sa pambatang progrmang “Kaluskos Musmos” (pinalabas sa RPN 9 noong dekada sitenta), at “The Mickey Mouse Club” ng mga taga US. May kaunting sipa din ito ng popular na “That’s Entertainment!” ni Kuya Germs.

Ang Ang TV ay kinabibilangan ng mga talentadong kabataan noon sa ABS CBN Talent Center (Star Magic na ngayon) na ngayon ay kilala pa rin sa iba’t ibang larangan. Ilan sa mga kabataang bumubuo sa tinatawag na “Ang TV Kids” ay sina Camille Prats, Vandolph, Patrick Garcia, Paolo Contis, Angelica Panganiban, John Prats, Janus Del Prado, Maybelyn Dela Cruz, Katya Santos, Cheska Garcia, at iba pa. Sina Claudine Barretto, Angelu De Leon, Jolina Magdangal, Gio Alvarez, Lindsay Custodio, Roselle Nava, Kaye Abad, Victor Neri, Christopher Roxas, at Lailani Navarro naman ay ilan lamang na kabilang sa mga “Ang TV Teens”. Pero s’yempre bukod sa mga kabataan ay meron ding special participation ang ilang mga artista tulad nina Winnie Cordero, Joji Isla, Joy Viado, at Gisselle Sanchez.

At dahil isang gag show, hindi mawawala ang mga patawang “tatak-Ang TV”. Isa sa pinaka-kilalang Ang TV Joke ay ‘yung tinatawag na “Pedring Jokes”. Ito ‘yung gumaganap na “boy” o alalay si Paolo Contis ng amo n’yang si <*hindi ko kilala kung sino*> na laging nakasuot ng daster at nakatira sa isang barung-barong.

Amo na hindi ko kilala kung sino: Pedriiiiiiiing!!!!
Paolo Contis AKA Pedring: Yis, atiiii?
(kasunod na ang punchline na magsisilbing ‘cream of the crop’ ika nga)

Isa naman sa pinaka-popular na portion ng programang ito ay ang joke time na tinatawag na “Esmyuskee!”. Sa umpisa ng joke ay umaawit ang mga bibong bata ng theme song: “Esmyuskee, esmyuskee, puwede ba kaming dumaan? La-la-la… (Pasens’ya na at hindi ko na alam ang kasunod. Basta, siguro eh pamilyar na kayo sa awiting ‘yan.)”. Minsan ay pinapalitan nila ang lyrics ng “Esmyus-Krismas, Esmyuskee!” kapag Christmas season. Kapag narinig na ang awiting ‘yan, ibig sabihin eh oras na para sa isang sabaw joke.

Patrick Garcia: Esmyuskee, Camille!
Camille Prats: You’re esmyused, Patrtick!
Patrick Garcia: Ano ang tawag sa hayop na nauuntog?
Camille Prats: Ano?
Patrick Garcia: Eh ‘di, DOG!
Ang TV Kids: Ngeeee!!


Pambansang expression sa Ang TV kung ituring ang “ngeeee!!”. Lagi itong sinasabi sa pagtatapos ng sabaw jokes. May kasama pa ‘yan na kagat ng daliri at kaunting maniobra ng katawan pagilid para mas cute panoorin ang mga bata.

Hindi lang puro sabaw jokes, tawanan at comedy skits (na pinakaayaw kong portion ng Ang TV noon) ang mapapanood sa Ang TV. Araw-araw ay merong live performance ang Ang TV Teens lalo na sina Jolina Magdangal at Roselle Nava. Laging inaabangan ng “favorite auntie” ko ang kakantahin nina Jolina at Roselle, pati ang outfit ni Angelu De Leon noon! Kaya nang minsang makita ko si tita na may suot na bestida na kahawig ng sinuot ni Angelu sa Ang TVnoong isang araw ay napagkatuwaan kong tawagin s’yang “Angelu” o “Tita Angelu”. Kapag napapanood ko naman ang teen star na si Lindsay Custodio ay pumapasok sa isip ko ang puno namin ng talisay dati, siguro eh dahil magkatunog ang ‘Lindsay’ at ang ‘talisay’.

Sigurado naman akong katulad ko ay halos mabingi ang tenga (s’yempre alangan namang ilong ang mabingi) ng mga batang mahilig manood ng Ang TV noon dahil sa matining na boses ni Paolo Contis sa pagsisimula ng show na ito. Maririnig mo ang walang kakupas-kupas n’yang sigaw ng “4:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!” na s’yang hudyat para ipagpaliban ng mga bata ang kanilang paglalaro at tumutok muna sa kani-kanilang mga telebisyon. Nang malipat sa ibang timeslot ang Ang TV ay parang social networking site na ginawang updated pati ang sigaw na ito ni Paolo Contis: “2:30 na!! Ang TV naaaaaa!!!!

PINDOT NA DITO PARA SA KABUUAN NG ISTORYA

7 comments:

  1. grabe... nostalgic ang ang tv moments.

    natawa ako at naaliw sa compilation pics ng cast ng ang tv. thumbs up talaga!!!!

    ReplyDelete
  2. oo naman parekoy. da best ang ang tv, lalo na yung unang batch. gusto ko ngang maging artista noon dahil sa kanila! kaso bukod sa panget ako, wala akong talent magpatawa! \m/

    ReplyDelete
  3. Nakaka-miss maging bata.  Nanonood did ako ng AngTV noon, pero hindi ko na-realize na nandun pala yung ibang artistang nakikita ko ngayon.  Saya nung pictures, tinignan ko talaga.  :D

    ReplyDelete
  4. Haha! Salamat dito pre! Happy 2nd Aniversaya ulit sa tambayan mo! \m/

    ReplyDelete
  5. pedriiiiinnnngggggg! haha! may cassette tape 'yung pinsan ko ng ang tv album. every weekend, lagi naming pinapatugtog maghapon. paborito kong part 'yung esmyuskee portion. doowadeedeedeedeedamdeedeedoo! \m/

    ReplyDelete
  6. do ad dee dee dee dee dum dee dee dum hahaha! Nmiss ko yun!

    2 years na pla dito Happy happy! hehehe

    Yung b'log ang mundo bkit nagpapaalam n?

    ReplyDelete
  7. @mira: oo nga, inisa-isa ko ring titigan kung sino 'yung mga nasa pektyur!

    @alden: parekoy, maraming salamat din sa pakikisama!

    @lio: ser, aminin mo nang sa'yo talaga 'yung tape. wag ka na mahiya! \m/

    @jag: parekoy, long time no see! happy blogsary rin sa iyong tambayan! tres anyos na pala! blogenroll! \m/

    ReplyDelete