Charlene Gonzales, "Best National Costume"
Kada taon ay inaabangan ng buong mundo (at pupusta akong nangunguna tayong mga Pilipino) ang MISS UNIVERSE pageant na nilalahukan ng naggagandahang mga dilag mula sa iba't ibang panig ng daigdig. Gusto nating malaman kung sino ang "fairest of them all".
Kamakailan lang ay ipinagbunyi ng ating bansa ang pagkakasungkit ng ating kababayang si Shamcey Supsup sa puwestong "3rd Runner-Up" ng ika-60 taon ng pageant. Sayang dahil kung nagkataon, siya na sana ang ikatlong "Miss U" ni Juan Dela Cruz kasama sina Tita Gloria Diaz (1969) at Tita Margie Moran (1973). Sa YT at balita ko lang nakita ang ilang scenes mula sa 2011 edition dahil nasa trabaho ako. Ang huli ko lang na napanood ng buo sa teevee ay 'yung nakaraang taon kung kailan naging "4th Runner Up" si Venus Raj dahil sa kanyang "major major answer".
Ang isa sa mga pinaka-naaalala ko sa prestihiyosong patimpalak na ito ay noong 1994 kung kailan sa Pilipinas mismo ito ginanap. Ang totoo, ito ang ikalawang pagkakataon na tayo ang maging "host country"; ang una ay noong 1974 na ginanap sa Folk Arts Theater na ipinagawa ni Imelda Marcos sa loob lamang ng 77 araw para lamang sa nasabing okasyon.
Kalagitnaan ng April 1994 ay nagdatingan ang mga kalahok para sa halos apat na linggong preliminary competitions na gaganapin sa iba't ibang lugar sa ating bansa. Naaalala ko na parang ang saya-saya ng Pilipinas noong mga panahong iyon. Ang official teevee network na nag-cover ng bawat event ay ang ABS-CBN. Ang dami nilang ipinalabas na dokyu na talaga namang sinubaybayan ng lahat. Mayroon din silang updates na ipinapakita tuwing umaga - kung nasaan sila, kung ano ang kinakain, kung ano ang suot, kung kailan sila nangungulangot, etc., etc. Siyempre patok ito sa ating panlasa dahil likas tayong mga usisero.
Sa paglipas pa lang ng ilang araw ay mabilis na nagkaroon ng peyborits ang masa. Ang mga nangunguna sa listahan noon ay sina Miss Colombia (Carolina Gomez) at Miss Venezuela (Minorka Mercado). Hindi ko masyadong maalala kung ano ang itsura nila dahil hindi sila ang bet ng betlog ko. Hanggang ngayon ay tanda ko pa rin ang napakagandang mukha ni Miss Belgium na si Christelle Roenlandts. Para kasi siyang anghel na ipinadala para maglaway ang lahat ng kalalakihan. Halos lahat kami ng barkada ko at iba pang barkadahan ay may pektyur niya sa kani-kanilang wallet. Sayang at 'di man lang siya nakapasok sa Top 10. Ang tanging nakuha niya ay ang special award na "Most Beautiful Hair".
Ako ay laking Crame kaya ramdam na ramdam sa aming lugar ang pagbisita nila sa Araneta Coliseum noong May 7, 1994 para sa pre-pageant activities. Marami kaming mga kapitbahay ang dumayo pa sa Cubao para makita ang kanilang mga iniidolo sa personal. Naaalala ko lang tuloy ang sabi ng tito ko na isa sa mga security na nag-escort sa mga beauties - "...magaganda sila pero huwag mo lang aamuyin.". Hindi lang tito ko ang nakapagsabi nito dahil pati sa mga tabloids ay maraming blind items ng mga mababahong kalahok. Eh ganun naman talaga ang katawan ng tao, bumabaho kapag hindi sanay sa mainit!
Sa takbo ng patimpalak ay na-develop ang love team nina Aga at Dayanara Torres (1993 Miss Universe). Ang kanilang kinakiligang tandem ay umabot ng apat na taon. Si Ogie Alcasid naman na "official tour guide" ng mga kandidata ay na-link kay Miss Australia na si Michelle van Eimeren. Naaalala ko rin ang panahong hinulaaan ni Madam Auring na ang mananalo ay manggagaling sa bansang nagsisimula sa letter "v" - Venezuela (na ayon sa kanya ay Valenzuela). Nasabi niya ito siguro dahil si Ms. V nga ay isa sa mga crowd favorites. 'Yun nga lang, natalo kaya nagsimula ang end-of-career ni Madam.
Ang finals ay ginanap noong May 20, 1994 sa Philippine International Convention Center. Sa 77 na mga naggagandahang dilag, ang Top 10 ay pipiliin (base sa kanilang mga scores sa preliminary pageants) para sa swimsuit at evening gown competition. Sa sampu naman pipiliin ang Top 6 na sasabak sa Question & Answer portion. Ang pambato natin ay si CHARLENE GONZALES na talaga namang napakalufet din - "beauty and brains" siya para sa akin. Gustung-gusto ko siya dahil wala siyang hangin sa katawan - nginingitian naman niya ako pabalik sa tuwing nagsasabi ako ng "Hi Charlene..." kapag nagkakasalubong kami sa UST. Pasok siya sa Top 10 at dito siya natanong kung ilang isla ba mayroon ang Pilipinas. Astig ang kanyang patanong na sagot na "High tide or low tide?". Makikita mo kaagad na may ibubuga siya sa ibang contestants. Pumasok din siya sa Top 6 pero hindi ganun ka-astig ang sagot na siya si Superwoman. Sa huli, ang nabingwit lang ng ating kababayan ay "Best National Costume" na naging kontrobersyal pa dahil ang sabi ng iba ay may "favoritism" daw na naganap sa mga huradong namili ng mananalo.
Ang nagwagi ng korona matapos ang madugong pakontes ay si SUSHMITA SEN. Siya ang kauna-unahang title-holder ng bansang India para sa Miss Universe. Nakuha naman ni Miss Colombia ang "First Runner-Up" habang si Miss Venezuela ang tumanggap ng "Second Runner-Up".
Sa gitna ng medyo matagumpay na pagtatanghal ng Miss U sa ating bansa, maraming kontrbersiyang naganap. Isa na rito ay ang pag-backout ng mga major sponsors - wala silang pondo kaya napilitan ang pamahalaan na sila ang gumastos. Imbes na kumita ng 10 milyon pesoses, wala tayong tinubo dito kundi media exposure lang para sa turismo. Hindi naman sumang-ayon ang Nationalist Movement of New Women kaya nag-rally sila at sinabing sex tourism ang itinataguyod ng pageant. Naging kontrobersyal din ang paghuli at pagpapaalis sa mga batang lansangan para gumanda ang imahe ng Maynila sa mata ng mga turista. Panahon ng "brownout" noon pero sinigurado ng gobyerno na hindi mawawalan ng kuryente sa huling linggo ng Miss U.
Hay, buhay nga naman - hindi gaganda kung hindi ka maganda.
Makapag-soundtrip na nga lang. Makikinig nalang ako sa "Miss U" ng Grin Department! \m/
naalala ko to noong 90's. inabangan ng tao ang ms. u at ang mga tao ay tutok na tutok dito. :D
ReplyDeleteyung x ni ogie naaalala ko na kasama, si ms. australia
crush na crush ko dati si miss belgium. May mga vendors sa labas ng school namin na nagbebenta ng picture niya. Bumili naman ako. elementary pa ako non. looking back, what was I thinking? :D
ReplyDeleteNgayon narealise ko, "kulang ang kagandahan, mas importante ang balance between beauty and brains."
The best talaga yung "high tide or low tide" ni Charlene. So hindi napansin ng mga manonood na binola lang niya yung numbers. ^_^
ReplyDeletePangalan pa ni Ogie nun as tour guide, Manolo. After some time nagkaroon ng pelikula na "Manolo and Michelle".
Guilty din ako sa pagsubaybay. Napanood ko pa yung interview ni Ogie with a few Miss U candidates, kasama si Miss Australia (Michelle). Nang tinanong si Ogie tungkol sa tsismmis na may namumuo sa kanila ni Miss Austalia, showbiz ang sagot ni Ogie at deny lang. Sabay simangot ni Miss Australia, at on-camera nakita ang disappointment niya. After the pageant of course we knew they got together, got married and had kids... got divorced and so on, and now we have OgRe.
Naalala ko pa yung tanong sa final round ng Miss U: "What is the essence of a woman?" Nung time na yon, pare-pareho pa yung tanong sa kanila, tapos may sound-proof booth. Maganda yung sagot ni Sushmita Sen kaya naman siya ang nanalo.
BTW, naging kapitbahay ko rin pala si Dayanara nung nag-aartista siya Pinas. ^_^ (Kwento lang)
Wow, I didn't know about the issues.. I was "tutok" then during the Miss U when it was held in the country. Napanood ko din nung si Dayanara yung nanalo nung 1993. Then nung dito sa Pinas, then nung mga sumunod pa.
ReplyDeleteHindi talaga nawawalan ng issues sa Miss U, kahit kaya ngayon. Kasi daw si Donald Trump daw ay may kinikilingan you know, business and stuff. That we don not know. hehe
Nice post. I remember kung pano sinabi ni Dayanara yung "High tide or low tide?" hehe Astig.. :)
@khanto: sobrang tutok na tutok. updated ang lahat!
ReplyDelete@rah: pareho lang tayong nabiktima ni manong petyur. parang patron ng kagandahan si ms. belgium. ang daming bumibili ng mga litrato nya.
@mira: nice profile pic, ang ganda ng glasses mo! ang totoo, maganda ang pambobola ni charlene sa lumulubog na isla. hindi ko lang alam kung totoo 'yun. hindi ko natanong si ka ernie.
ReplyDeletetama, si ogie ay si manolo. sino ba naman ang makakalimit sa bansag na yun? sayang lang sila ni michelle dahil di sila nagtagal.
mas gusto ko 'yung ganung Q&A, 'yung isa lang ang tanong para may comparison ng mga sagot kung sino talaga ang magaling.
wow, sa isang big time na subdivision ka siguro nakatira?!
@zen: salamat sa comment at welcome sa aking tambayan. 'di ako masyadong mahilig sa mga pageants pero guilty rin ako sa mga tumutok sa miss u noong 1994. pero teka, si charlene ang nagsabi ng "high ttide or low tide". ginaya ba siya ni dayanara?
ReplyDeletetotoo bang bola lang 'yung numerong sinagot ni charlene sa "high tide or low tide" question? lol! si ms belgium, crush na crush ko rin siya nun. lahat ata ng mga lalake naulol sa kaniya pero sa kasamaang palad, hindi siya ang nanalo. haha! kumusta ser jayson? XD
ReplyDeleteser lio, long time no see! 'di ko alam kung bola lang ang sinabi ni charlene. wala namang sinabi sa akin si pareng wiki tungkol sa lumulubog na isla! luto ang 1994 miss u. si ms. belgium dapat ang nanalo!
ReplyDeletehappy beerday ser! \m/