Saturday, May 26, 2012

Ang Kastilyo ni Takeshi


"Isa kang Batang Nineties kung pinangarap mong talunin si Takeshi para masakop ang kanyang kaharian."

Sisimulan ko ang aking entry sa pamamagitan ng isang malufet na pagbati sa wedding anniversary ng utol kong si Pot at ng kanyang butihing maybahay na si Eds. Sana ay maging tito na ako para makapagbuo na ng banda ang mga pamangkin niyo sa amin ng aking labs! Medyo late nga lang ang pagbati dahil noong May 7 sila nagdiwang ng ikatlong taon. Okay lang dahil sabi nga nila, huli man daw ang matsing, basta magaling, ay naihahabol din!

Kapag ang lablayp na nilang dalawa ang napag-uusapan ay naaalala ko ang kantang "Takeshi" na kanta naman ni utol noong nililigawan niya pa lang si Eds. Tandang-tanda ko pa kung gaano niya kabilis itong natipa sa gitara, ilang beses na inensayo, pilit na kinanta, at ginawaan ng record sa celfone para maipagmalaki sa kanyang sinisinta.

Kung isa kang Batang Dekada NoBenta, siguradong alam mo ang tinutukoy ng kantang nagpasikat sa bandang Kiko Machine.

Unang napanood nating mga Pinoy sa IBC13 (maganda pa ang mga programa sa istasyon na ito dati) noong October 1990, ipinalabas ito bilang isang Tagalog-dubbed game show. Sa bansang Hapon, ang orihinal na TAKESHI'S CASTLE ay umere sa Tokyo Broadcasting System mula 1986 hanggang 1989. Tulad ng mga paborito kong sina Shaider at Cedie, medyo huli na nang matunghayan ni Juan Dela Cruz itong palabas na nagmula sa bansa ni E. Honda.

Nagustuhan namin kaagad nila utol nang masulyapan namin ito sa teevee. Sobrang nakakaaliw at nakakatawa kasi ang mga "challenges" na ipinapakita. Parang naglalaro lang ako ng Family Computer kapag pinanonood namin ang TC. Ang totoo, ang konsepto ng mga lumikha ng programang ito ay gumawa ng totoong "Super Mario Brothers" na laro.

Dumami ang tagasubaybay nito at naging laman ng mga kuwentuhan. Kumbaga ngayon, "trending" ito sa eskuwelahan tuwing Lunes. Sa pagkakatanda ko, Sabado ito ipinapalabas, bandang ala-sais ng hapon. Sama-sama kaming nakatutok nila ermats, erpats, mga utol, at mga pinsan, at sabay-sabay na nagtatawanan sa mga ka-praning-an ng mga Japs! Nakaka-miss ang ganitong mga bonding moments tuwing weekend.

Nagulat ang sambayanan nang biglang lumitaw sa eksena sina Anjo Yllana bilang Master Takeshi at Smokey Manaloto bilang alalay (na parang payaso na may kulay pula sa ilong) na si Iwakura. Noong una ay ginagamitan pa nila ng Japanese accent ang pagsasalita pero naramdaman yata nilang mukha silang mga engot kaya normal na pagta-Tagalog nalang ang kanilang naging istilo. Okey sa olrayt ang kanilang tandem dahil bagay sa pagkatao ni Anjo ang pagiging boss at bagay din kay Smokey ang pagiging D.A. Bukod sa kanilang mga komentaryo ay may comedy skits silang isinisingit na lubos na nakadagdag sa kasiyahan ng palabas. Bilang dagdag na kaalaman, ang "Iwakura" ay maling pagbigkas ng pangalang "Ishikura" ng karakter mula sa Japanese version. Hindi na ito nabago siguro dahil na rin sa nagkilala na si Smokey sa alyas na ito.

Hindi madali ang mga pagsubok sa kaharian. Nagsisimula ang paligsahan sa 140 contestants at kadalasan ay kaunti nalang ang natitira sa kahuli-hulihan dahil sa tindi ng mga pakulo ni Takeshi. Si General Tani ang nagsisilbing gabay ng mga gustong sumakop sa palasyo at minsan ay makikitang kasama niya si Ultraman kapag may mga special episodes tulad noong puro bata ang mga kalahok.

Maraming klase ng mga pagsubok na kailangang daanan para mapanalunan ang isang milyong Yen na pa-premyo. Kinunsulta ko si pareng Wiki at nalula ako sa haba ng listahan nito. 'Yung iba ay tanda ko pa pero ang iba naman ay wala akong ideya o hindi ko lang talaga napanood noon. Karamihan sa mga ito ay may katapat na pagkahulog sa tubig o putikan kung hindi papalaring malampasan ang challenge. Ang ganitong mga senaryo ang nagustuhan ng mga manonood kaya pumatok ito ng husto. Hindi ka maaawa sa mga natatalo kundi hahalakhak ka sa kanilang mga nakakatawang itsura.

Hindi ko maalala kung ano ang tawag nina Anjo sa Skipping Stones pero ito ang ang isa sa mga pinakapaborito ko. Ito ay simpleng laro ng peke-an. Kailangan nilang makatawid ng ilog gamit ang mga bato. Ang siste nga lang, hindi nila alam kung ano sa mga tatapakan ang tunay at hindi lulubog! Ang ibang kalahok ay dinadaan sa bilis. Ang iba naman ay sobrang bagal sa paninigurado. Taena ang challenge na ito dahil ang dami kong napanood na sumubsob ang baba (chin) sa mga tunay na bato matapos tumapak sa mga peke. Ang sakit tingnan pero nakakatawa pa rin.


Ang Devil's Maze na madalas ding kasama sa hanay ng mga pagsubok ay nakakatarantang laruin. Kailangan nilang lituhin ang dalawang monsters sa loob ng maze para makalabas sa tamang pinto. Ang totoo, sa Japanese version ay meron itong tinatawag na Square Maze at Honeycomb Maze. Hindi ko alam kung bakit pinag-isa ng Trese ang tawag sa kanila. Kapag nahuli ng mga mokong na bantay ang kalahok ay lalagyan nila ito ng itim na tinta sa mukha at itatapon sa tubigan.
Panalo rin ang Bridge Ball kung saan kailangang tumawid sa isang hanging bridge. Para mas mahirap, kailangan muna nilang saluhin ang golden volleyball mula kay General Tani. Potah, ang iba, nalalaglag kaagad sa pagsalo pa lang ng bola. Matindi ang mga Emerald Guards dito dahil wala silang awa sa pagkanyon ng mga bola papunta sa tumatawid na kalabang kalahok. Minsan, mas pinapahirap pa nila ang challenge sa pamamagitan ng mga nakataling bato na parang tae doon sa mismong tulay.

Mahihilo ka naman sa Flying Mushroom. Mahirap din ang pagsubok na ito dahil kailangang kumapit sa dambuhalang umiikot na kabute para makatawid papunta sa susunod na pagsubok. Kailangang magaling ka sa pagtantsa dahil kapag nagkamali ay siguradong sa tubig nanaman ang bagsak!
Ang Avalanche sa tingin ko ang pinakamahirap sa lahat ng mga kailangang pagdaanan ng mga kalahok. Sa pagsubok na ito ay kailangang akyatin ang isang lugar papunta sa susunod. Kailangan ng doble-ingat at alisto sa katawan dahil may mga malalaking bato tulad ng sa Indiana Jones ang biglang gugulong paibaba. May mga puwedeng taguan sa gilid pero ang mga ito ay may mga Emerald Guards sa likod na tutulak sa'yo palabas. Dabest ang mga itsura ng mga kawawang naguglugan ng mga bato.
Sa mga walang kuwentang challenges, ang pinakaayoko ay 'yung kakanta sa isang videoke bar. Pangalawa ay 'yung may costume kayo ng giant kamay at mag-uunahan sa dambuhalang baraha. At ang pinakabuwiset sa lahat ay ang "Final Fall" kung saan mamimili ng butas na dadaanan papunta sa labas ng palasyo. Malaki rin ang naibabawas ng huli sa bilang ng mga kalahok. Suwertihan ito dahil kailangan mong mamili ng butas na walang monster sa loob. Ang daya eh, ang dami mong nalampasan tapos mawawala nalang ng ganun-ganun.

Kapag "Final Showdown" na, magsasabi sina Anjo na kailangan na nilang magpalit ng maskara at harapin ang mga kalahok na nag-aabang sa labas ng palasyo. Ang galing ng prosthetic na kanilang  ginagamit dahil kamukhang-kamukha nila sina Takeshi at Ishikura sa teevee! Ang challenge dito ay mabutas ng mga contestants ang "paper ring" na nakalagay sa harapan ng sasakyan ni Takeshi sa pamamagitan ng water gun. Ang hirap nito, sobrang bilis ng sasakyan ng hari kaya mahirap silang mahabol. Isama mo pa ang mga baril ng kalahok na kung bumuga ng tubig ay mas mahina pa sa tindi ng pag-ihi ni manoy ko.

Sa tagal ng pagsubaybay namin sa palabas na ito, isang beses ko lang napanood na may nakatalo kay Takeshi. Tuwang-tuwang-tuwa kami. Sigawan to the max. Dinig din namin ang hiyawan ng mga kapitbahay. Paksyet na malagket, sa huli ay pinalabas lang ng Pinoy version na nananaginip ng masama si Anjo!

Sa tala ng orihinal na TC, siyam lang ang pinalad na manalo. Ganun siya kahirap.

Sikat na sikat ang palabas na ito noon. Nagkaroon pa nga ng pakulo ang Trese at Ovaltine kung saan ang mga kalahok ay mga bata. Kung hindi ako nagkakamali, ang mga challenges ay ginawa sa isang theme park sa Maynila. Inggit na inggit kami ng utolkong si Pot sa mga totoy na nakasali. Hindi dahil sa bahagi sila challenges kundi dahil napapanood namin sila sa teevee!

Sa ngayon, hindi pa rin ito nalalaos. Ibinalik pa nga ito ng GMA at QTV kamakailan. Patuloy pa rin ang cult following nito sa iba pang mga bansa. Mataas din ang views nito kay pareng YT.

Ang huling episode nito ay ipinalabas sa Japan noong April 14, 1989. Nagdesisyon si Takeshi na tapusin ang kasiyahan sa gitna ng kasikatan nito. Hindi natin alam kung ano ang trip niya sa buhay pero nagwagi siya sa hangarin niyang maging imortal sa mundo ng telebisyon.



2 comments:

  1. I remember this... tama, nung bata ako, pinangarap ko din na makatungtong sa takeshi's castle... hindi pwedeng hindi namin panuorin ito, kundi iiyak ako.. hahaha nice one..

    ReplyDelete
  2. natatandaan ko ang takeshis castle pero yung kanta medyo wala na sa alaala ko.

    ReplyDelete