"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga nag-akalang nakakalasing ang Cali."
Sino ang nagsasabing walang beer dito sa Saudi?
Noong isang gabi lang ay nayaya ako ng mga kasama ko na uminom ng Budweiser. Yup, ang famous beer na iniindorso ng mga palaka ay nandito rin sa Middle East. Oo maniwala ka, may serbesa dito sa disyerto. Napakaraming pagpipilian sa mga grocery stores - bukod sa Bud ay mayroon ding Heineken at San Miguel. Malayang nakakabili ng case-case na beer dito sa lupain ng mga kamelyo dahil NAB o non-alcoholic beer naman ang mga ito. Paksyet, malalasing ka ba naman sa ganito? Sabi nila ay may "tama" rin daw ito kapag nakarami ka (mga isang drum siguro). Pero sa halip na "tama" ay "mali" lang ang nakuha ko. Panay lang ang ihi ko sa huli at inantok sa kabusugan hanggang sa makatulog.
Naalala ko tuloy bigla ang kuwento ng taga sa'min na isang ex-Saudi. Ibinibida niya kasi na ang ng wine daw ay gawa sa grapes kaya puwede kang malasing kapag kumain ka nito nang marami. Nakipagdebate ang barkada ko at tinanong siya kung nakakalasing daw ang pagpapak ng isang dosenang kahon ng Sun-Maid Raisins! Ginatungan naman ng isa pang borokoy ng tanong na "Nakakalasing din ba'ng kumain ng maraming kanin? 'Di ba doon galing ang rice wine?". Natapos ang debate after twenty years nang pataubin sila ni San Miguel.