Thursday, June 17, 2010

Nalasing sa Cali-tuhan


"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga nag-akalang nakakalasing ang Cali."



Sino ang nagsasabing walang beer dito sa Saudi?

Noong isang gabi lang ay nayaya ako ng mga kasama ko na uminom ng Budweiser. Yup, ang famous beer na iniindorso ng mga palaka ay nandito rin sa Middle East. Oo maniwala ka, may serbesa dito sa disyerto. Napakaraming pagpipilian sa mga grocery stores - bukod sa Bud ay mayroon ding Heineken at San Miguel. Malayang nakakabili ng case-case na beer dito sa lupain ng mga kamelyo dahil NAB o non-alcoholic beer naman ang mga ito. Paksyet, malalasing ka ba naman sa ganito? Sabi nila ay may "tama" rin daw ito kapag nakarami ka (mga isang drum siguro). Pero sa halip na "tama" ay "mali" lang ang nakuha ko. Panay lang ang ihi ko sa huli at inantok sa kabusugan hanggang sa makatulog.

Naalala ko tuloy bigla ang kuwento ng taga sa'min na isang ex-Saudi. Ibinibida niya kasi na ang ng wine daw ay gawa sa grapes kaya puwede kang malasing kapag kumain ka nito nang marami. Nakipagdebate ang barkada ko at tinanong siya kung nakakalasing daw ang pagpapak ng isang dosenang kahon ng Sun-Maid Raisins! Ginatungan naman ng isa pang borokoy ng tanong na "Nakakalasing din ba'ng kumain ng maraming kanin? 'Di ba doon galing ang rice wine?". Natapos ang debate after twenty years nang pataubin sila ni San Miguel.

Minsan na akong nagkaroon ng parehong karanasan ako tungkol sa "make believe" na kalasingan. Malamang ay hindi lang ako ang nakaranas nito kundi ang lahat ng mga Batang Dekada NoBenta. Mid-Nineties nang unang lumabas ang Cali Shandi na gawa ng San Miguel Brewery. Take note, may naka-tag pang "shandy" sa beverage na ito. Ayon sa aking kumpareng Wiki, ang ibig sabihin ng shandy ay "beer flavored with ginger ale or carbonated lemonade". Sa ibang bansa, may mahinang alcohol content ito pero sa kaso ng Cali sa Pinas, isa lang itong refreshment na walang halong pampalasing. Ayon sa iba, meron daw alkohol ito pero sobrang hina na hindi sasayad sa iyong nasusunog na baga.

Isang hapon noong nasa high school pa ako ay nagyaya ang promotor na kaibigan kong si Nikki na tumambay sa kanila. Magiging exciting daw 'yun dahil mag-iinuman kami habang nanonood ng pelikula sa kanilang hi-tech na VHS player. Palibhasa ay nasa edad kami ng curiosity ay pumayag kaming sumama sa kanilang bahay na hangout place ng tropa. Timing at wala ang kanyang parents kaya madali naming nagawa ang binabalak namin.

Bumaha ng pulutan. Siyempre first time kaya dapat memorable. Nang binuksan na ang mga cute na  kulay green na bote ay nag-aalangan kaming tunggain ang laman nito. Inamoy muna. Hmmm, mukhang matamis naman. Kinunsensya ang mga sarili namin at tinanong ang bawat isa na kung tama ba ang gagawin namin na habang pinag-aaral kami ng mga magulang namin ay nandoon kami at nagsisimulang matutunan ang art of drinking. Walang epek ang kunsensiya ng Safeguard na ginagamit ng pamilya ko sa paliligo kaya sumabay ako sa pagtaas ng bote at sumigaw ng "Kampay!".

After maubos ang isang bote ay lumalakas na ang tawanan. Humahaba na ang kuwentuhan. Dumarami na ang madaldal sa pagkukuwento. Ito na siguro sa loob-loob ko ang napi-feel ng mga nakikita kong sunog-baga sa kanto namin kapag may session sila. Pero hindi eh, wala naman akong naramdamang kakaiba during that time. Ang iba naming kasama, sumasakit na raw ang mga ulo at nahihilo. 'Ang iba naman ay nasusuka. Samantalang ako, parang wala lang. Feeling ko tuloy noon ay may abnormal powers ako sa dugo na nanggaling pa sa mga ninuno kong tomador. Para hindi mapahiya, nakigaya nalang ako sa mga inaarte ng mga tropa. Hanggang sa nagdesisyon na kaming maghiwa-hiwalay ng landas dahil baka maamoy kami pag-uwi.

Pagdating sa bahay ay tinanong ako ng utol kong si Pot kung saan ako galing at bakit ako ginabi. Hindi naman siya ang erpats ko kaya sinagot ko lang siya ng "Uminom kami ng Cali". Nagulat siya dahil nasubukan ko nang uminom ng inaakala naming beer. Sabi ko sa kanya na huwag ako isumbong kina ermats dahil siguradong mapapagalitan ako.

Sa mga kaibigan ko naman sa Mangoville ay natutunan din naming magkaroon ng bonding moments kasama si Cali. May pinupuntahan kaming tindahan sa fourth avenue na nagtitinda ng Cali sa mga minors. Paalala nga lang ni Manang na magtago sa dumadaaang mga pulis at mga barangay tagay tanod para walang bulilyaso. Si Nezelle, ayaw niya ng Cali. Ang binibili niya ay Q Shandy na gawa ng Asia Brewery. Mas matapang daw ang tama nito at mas madaling makalasing. At tulad ng dati, umuwi kaming lasing (lasingan).

kung nakakalasing ito, bakit puwede ang mga menor-de-edad?

Siyempre nawala na ang Cali sa dugo namin nang makilala na namin si SMB, ang pulang kabayo, at si ginbulag. Naging chaser o panghalo nalang namin ang shandy sa mga hard liquor drinks namin. Hindi ko alam kung ano ang meron noong mga panahong iyon at kumalat sa sangkatauhan na nakakalasing ang Cali. Siguro dapat ay isinama ko ang inuming ito sa entry kong "Manananggal ng Lakas" na tungkol sa mga urban legends noong panahon namin.


Kung titingnan ang litrato sa itaas, ang Cali ay isang "Sparkling Pineapple Drink". Mga kababayan, kaibigan, at masugid na tagasubaybay, ayoko sanang sirain ang mga karanasan niyo pero nararaapat lang na sabihin ko sa inyo na walang nalalasing sa Cali!



22 comments:

  1. Aw. walang kabayo, puro kamelyo.
    Red horse, ito ang tama!
    drink moderately lang po.

    ReplyDelete
  2. hahaha. Madami talaga naloko yang cali na yan. Kahit ako nung bata ako, madami akong nakitang naglasing-lasingan sa cali. Pero ngayon, tunay na beer ang iniinom kahit ng mga bata. Sa lugar namin GSM Blue ang patok.haha.

    ReplyDelete
  3. @ khantotantra: red horse, sobrang hinahanap na ng lalamunan ko! kailangan nating makinom niyan 'pag bakasyon ko.

    @goyo: ayaw mo pang aminin na isa ka 'dun sa mga naglasing-lasingan dahil sa cali. 'di kita ibubuko. secret lang natin ito, promise.

    rakenrol mga parekoy! \m/

    ReplyDelete
  4. pwede tumawa? hahahaha... nostalgic yang cali na yan. tinatakas namin nun para inimon sa likod ng bahay namin, kala namin nakakalasing hindi naman pala. hahahaha... lasing lasingan kamo.

    ReplyDelete
  5. idol, pwede rin ba kitang sabayan humalakhak? bwahahaha!! isa ka rin pala sa mga pinagpala na umaasang malalasing sa cali! \m/

    ReplyDelete
  6. Paborito ko ang Cali kasi nalalasing talaga ako han bwahahahaha

    ReplyDelete
  7. waahhhh....sana merong ganyang klaseng cali dito sa saudi para 'di ko nami-miss ang feeling ng nalalasing! \m/

    ReplyDelete
  8. namimisteryohan ako sa bansang iyan. . . .daming bawal at kung ano ano pa.

    oy ay. sana mag place kasa sa top 10 influential bloggers.its your time to shine

    ReplyDelete
  9. Noong bachelor pa ako dito sa Saudi, para magkaroon ng alcohol niluluto namin ang beer. Nilalagyan ng asukal habang tinetempla. Pag tunaw na ang asukal saka lalagyan ng yeast. Ibabad ng isang linggo, sala-in at ilagay sa ref ng isang araw.

    Ang alcohol content depende kung ilang kilong asukal ang nilagay mo.

    ReplyDelete
  10. @ paps: kahit ako'y nahihiwagaan. pero kailangang sundin ang utos dahil nakikitira lang kami sa bansa nial. salamat sa pampalakas-loob mo sa writing project ni ms. janette. one of the best comments yan na nabasa ko sa aking entire blogging career! naks!

    @ blogusvox: wow! mala-chemist pala kayo noong unang panahon. hehehe. secret lang natin ito, baka pwede mo kaming turuan? salamat sa pagdaan! \m/

    ReplyDelete
  11. haha cali... masarap yan though.

    salamat pala sa pagdaan. mabuhay ang mga batang 90s! :)

    ReplyDelete
  12. Perry The PlatypusJune 20, 2010 at 2:59 AM

    Mmmm... Naalala ko tuloy na yung apple yung iniinom kong flavor. hindi ko nagustuhan ung pineapple. Binibenta nga yan sa eskwelahan malapit sa amin pero tinanggal din nila dahil nagaalangan sila kung alcoholic o hindi. Ngayon, wala nang magpagbibilhan nito sa tindahan, puro sa supermarket o kaya case nalang eh

    ReplyDelete
  13. @ kalansaycollector: salamat din sa pagdaan sa aking munting tahanan. coffe break ka muna...

    @ perry: ang weird naman ng tindahan na 'yun! baka 'di marunong magbasa ng label!

    rakenrol \m/

    ReplyDelete
  14. haha... elementary ata ako nung una akong maka-inom ng cali(college ka na ata nun) wahaha. ang sarap ng cali... makabili nga, ilang years na rin ako hindi nakakatikim ng cali eh. sa susunod, maglalasing-lasingan din ako. hahaha

    ReplyDelete
  15. wow, parekoy! parang ang aga mong gustong matutong uminom dati ha! sama ako sa'yo maglasing-lasingan! hahaha

    ReplyDelete
  16. if you drink , drink moderately bro!happy father's day

    ReplyDelete
  17. parekoy, if i'll drink, there should be some botlle to drink! wala namang pampalasing dito sa disyerto kundi mga amoy ng kilikili!

    happy erpat's day din!

    ReplyDelete
  18. OT: i already added your link at BLOG-PH.com [sidebar]

    ReplyDelete
  19. Jay-L, ako nga pala si Jay-Q! parekoy, salamat sa pag-add sa blog ko sa ssa iyong sidebar. it's really an honor!

    rakenrol \m/

    ReplyDelete
  20. Yung tito ko nagtatrabaho sa San Miguel dati. Nag-uuwi siya ng sangkatutak na Cali.

    Akala ko softdrinks lang yun kaya ang dami kong ininom. Pero maya-maya bigla akong nasuka.

    Hindi ko alam kung bakit, pero tingin ko talaga may small amount of alcohol ang Cali. Kasi bakit naman ako masusuka sa Cali kung softdrinks lang siya?

    ReplyDelete
  21. ahhh good ol meromies tambay2x, Inumang mag barkada at sound trip EraserHeads, Teeth and Siakol songs..... T_T




    ReplyDelete
  22. Magkano ba yang Cali nung unang binenta yan

    ReplyDelete