Monday, May 24, 2010

Shawerma: The 90’s Persian Experience


"Isa kang Batang 90's kung alam mong hindi shawerma ang tawag sa shawarma."

Noong bumalik ang kaibigan kong si Nikki sa Pinas galing Tate noong mid-90’s para ipagpatuloy ang pag-aaral ng kolehiyo sa UP Diliman, ang isa sa mga una niyang naitanong sa amin ay “Ano ang usong pagkain dito ngayon?”. Bumida kaagad sa usapan ang pinsan niya at sinabing “Shawarma! You should try that.”.

Bago sa pandinig ko ang sinabi ni Francis at mukhang masarap kahit na medyo pangit ang pangalan ng pagkaing kanyang binaggit. Sabi niya ay parang burrito raw ito - ipinapalaman ang ginayat na karne ng baka sa pita bread at saka nilalagyan ng garlic sauce. Mukhang magugustuhan ko ito dahil paborito ko ang Mexican food na ito.

Nasa Baguio kami noong mga panahong iyon at sa kasamaang palad ay wala kaming natagpuang shawarma sa Summer Capital ng Pinas. Hindi nawala sa isip ko ang pangalan ng pagkaing ito at itinaga ko sa ulo ng dambuhalang leon na matitikman ko ang ipinagmamalaking sandwich ng Gitnang Silangan.

Isang araw ay niyaya naman ako ng kaklase ko sa Uste na kumain daw kami sa Dapitan ng shawerma. Sabi ko ay mali siya, shawarma ang tamang pangalan ng sinasabi niya. Nagtalo pa kami dahil matigas siya sa paniniwalang shawerma ang itinitinda doon sa tapat ng gate ng malapit sa A.B. Building. Ipinalarawan ko sa kanya ang tinutukoy niyang pagkain at nalaman kong kapareho naman ito ng sinabi sa amin ni Francis. Naguluhan ako kaya ang sabi ko ay puntahan nalang namin ang tindahan para walang away. Nakakagutom lang ang aming pinagtatalunan, dagdag ko pa.

Mula sa Engineering Building ay nilakad namin nang mabilisan ang daan patungong tindahan upang makatikim ng ipinagmamalaki nilang “in” na pagkain. Pagdating namin sa kiosk, "Shawerma"nga ang nakalagay sa karatula! Potah, mali yata ang pinsan ni Nikki.

Napakamahal pala ng shawerma. Trenta pesotas para sa regular (walang cheese) na maliit, at kuwarenta'y singko naman ang malaking regular. Magdadagdag ka ng limang piso kung gusto mo ng keso. Ang baon ko noong nag-aaral ako sa kolehiyo ay tapwe lang. Bente pesos ang pamasahe ko kaya sakto lang ang natira sa isang order ng regular. Bahala na sa loob-loob ko dahil natatakam na talaga ako sa napakabangong amoy ng ga-higanteng karne na bakang nakatusok at umiikot-ikot doon sa lutuan.

Manong, isang order ng po regular na shawarma. 'Yung maliit lang.”, naglalaway kong sabi.

Shawerma ito, hindi shawarma”, ang masungit na sagot ng lalaking nagbebenta.

Whatever!”, sa isip-isip ko.

Ginayat niya ang tagiliran ng laman ng ng baka kasama ang nagmamantika nitong taba. Tapos ay hiniwa-hiwa niya ang mga nahulog doon sa sahuran. Wow, marami naman pala ang bakang ilalagay sa order ko.

Maya-maya ay ipinainit ang pita bread sa magkabilaang bahagi nito hanggang sa medyo parang inihaw na ang dating. Nang kumuha na ng karne si manong ay gusto kong magmura ng malutong. Lintik naman pala talaga ang mahal nitong pagkain na ito dahil parang nasa isang kutsara lang ang ipinalaman sa tinapay! Sabi ko nalang ay ilagay niya lahat ng sahog, kumpletos rekados. Sibuyas, kamatis, at saka pipino. Makabawi man lang sa gulay na makulay. 

Panghuling inilagay ang kulay puting sauce nito. Garlic sauce daw ang tawag doon ayon sa kaklase kong hindi ko maalala ang pangalan hanggang ngayon. Pinalagyan ko rin ng konting hot sauce para mas may "challenge". Nang makumpleto na ang sandwich ay ibinalot ang kalahati nito sa bond paper, inilagay sa plastic, at inabot sa akin.

Wow, amoy putok! Sarapas!

Masarap pala talaga ito dahil nagustuhan ko siya kaagad. Muntik ko nang makalimutan ang pangalan ko, mabuti nalang ay 'yung sa kaklase ko lang ang hindi ko matandaang pangalan. Mas masarap ang shawarma kapag mas maraming garlic sauce. Hindi ko alam kung ano ang timpla ng sauce pero parang mayonaise na hinaluan ng tubig at garlic powder.

Bawa't kagat, lagay ng sauce. Ngasab. Lagay ng sauce. Hanggang sa maubos. Makalat nga lang itong kainin katulad ng tacos at burritos. Ang natira lang sa akin ay ang papel na nalusaw sa sobrang sauce. Itinapat ko sa aking ilong ang aking mga daliri at parang nakaamoy ako ng kili-kiling nay anghit!

Panalo ang pagkaka-devirginize sa akin ng shawerma ni manong. Mauulit ito, panagko ko sa kanya.

Matapos ang ilang linggo ay marami nang nagsulputang ibang shawerma kiosks sa tabi-tabi ng Uste na parang kabute. Kanya-kanyang mga gimik upang mas pumatok sa mga estudyante. Merong libre na ang mumurahing keso. Merong may kasamang french fries na palaman, at meron pang may kasamang kanin!

Nang makarating ako dito sa Saudi ay napagtanto kong shawarma nga ang tamang pangalan nito. Paksyet na malagket lang talaga ang karatula nila manong shawerma.

Noong una akong mamasyal sa Al-Khobar kasama ang barkada kong si Marlo, shawarma kaagad ang hiniling kong kainin namin. Para naman siyang genie ni Aladdin at dinala niya ako sa isa sa mga pinakasikat na Persian resto sa Corniche Rd.


Ibang-iba ang lasa at presyo ng tunay na shawarma. Biruin mo, sa halahang sampung riyals o  Php120 sa atin ay meron ka nang meal plate na katumbas ng limang jumbo rolls sa Pilipinas. Noong huling kain ko bago ako pumunta ng KSA, nasa Php65 ang special shawarma sa Waltermart sa tapat ng Don Bosco Makati. Dito sa kinainan namin ay kumpletos rekados - wantusawa ang tinapay, french fries, at mga gulay. Bukod sa lahat, hindi malabnaw ang garlic sauce! Ang totoo, hindi ko naman puwedeng ikumpara ang shawarma ng Pilipinas dahil iba rin ang kultura dito kung saan nagmula ang malufet na pagkain. 

Sa bawa't nguya ko ng shawarma dito sa lupain ng mga Arabo ay palagi kong naaalala ang pag-landing ng shawerma sa Pinas noong Dekada NoBenta. Burp.





17 comments:

  1. hahah natawa ako kuya dun sa part na sinungitan kayo ni kuya about mispronouncing it to shawarma.haha :p

    Anyway, yan ang pagkain na once ko pa lang natry ay ayaw ko na. bukod sa ambaho nya parang iba ang lasa na ewww... haha

    ReplyDelete
  2. masarap ang Shawarma sa middle east talaga kuya db...walang sibuyas at ang garlic sauce totoong garlic sauce ^^

    ReplyDelete
  3. @ mau: pareho kayo ni ate sheila mo, ayaw ng shawarma. eh 'yung amoy na kakaiba nga ang nakakapagpa-excite sa mga mahihilig dito! lols

    @ aika: yup, dito ko lang nalaman sa saudi na wala pa lang sibuyas ang shawarama. at ang garlic sauce, talagang tunay na bawang ang ihinahalo sa dipping. sarap!

    thanks for dropping by! balik kayo ulit ha.

    ReplyDelete
  4. uu nga pards, may ibat iba ring lasa. dito sa kuwait iba ring ang shawarma. moshaquel yung gusto ko, gulay ang palaman nito.

    ReplyDelete
  5. ganun ba parekoy?! titikman ko lahat ng shawarma dito sa saudi para ma-distinguish ko sila lahat.

    at hahanapin ko rin ang moshaquel. mukhang masarap nga.

    salamat!

    ReplyDelete
  6. Hello there :)

    Miss ko na rin authentic shawarma, and tulad mo nasarapan din ako sa Shawarma ng Saudi, lalo nayung sa Turkish Restaurant sa Pepsi road.
    anjan ka kaya yan hanggang ngayon, at nasa Saudi ka pa ba?

    Try mo rin falafel (fried ground soy), healthy na, masarap pa.

    ReplyDelete
  7. Hi M S, thanks for dropping by! :))

    masarap talaga ang authentic shawarma dito sa saudi. san po ba kayo dito dati? sige try ko yung falafel. mukhang yummy nga.

    ReplyDelete
  8. hello kabayan, nice post. Interesado kaba sa link exchange? Gusto sana kita maging affiliate. Let me know if you are interested. thanks

    ReplyDelete
  9. kabayan, salamat at naligaw ka dito sa bahay ko!

    interesadong-interesado ako sa ex-links. na-add na nga kita sa blogroll ko kaagad eh. ganun kabilis!

    ReplyDelete
  10. Kabayan, malapit lang kami noon sa kanto ng Pepsi Road, malapit din sa Sara Studio at bookstore (di ko alam kung anjan pa mga yan).

    Daming happy memories ko jan sa al Khobar, kasi five years din akong ga work as Musawera (Photographer)

    ReplyDelete
  11. naku pasensya na po. although the pictures here were taken from al khobar, four days lang ako nakapag-stay doon. sa rabigh po kasi ako na-assign. then right now, nandito na ako sa yanbu.

    'yung kinainan namin is a turkish restaurant malapit sa corniche road. walking ditance lang from jarir bookstore. malamang ito yung tinutukoy niyo.

    thanks po for following this blog!

    ReplyDelete
  12. Tamaaaa! Mismong restaurant. They say that the best shawarma are made by the Turkish people.

    Ah ok. I used to have a German friend who worked in Yanbu.

    ReplyDelete
  13. yup, sila ang da best when it comes to shawarma. sarap sarap talaga!

    M S, can you please give me one of your preferred sites na isasama ko sa bloglist ko?

    ReplyDelete
  14. nauso ang shawarma noong nasa gradeschool ako. Bawat bahay na malapit sa school may shawarma stand.

    ReplyDelete
  15. yup, ang hirap maglakad sa kalye kasi baka matapakan mo sila. sumulpot sila na parang kabute!

    thanks sa pagdaan!

    ReplyDelete
  16. Perry The PlatypusJune 3, 2010 at 12:02 AM

    Plain yogurt,egg white at chopped garlic ang ingredients ng garlic sauce.. Depende yan sa recipe..

    Shawarma also made a comeback pero hindi na siya as popular as before.
    Eh, kung gusto ko mag-shawarma maraming pwedeng pagpiliang brand.

    Hindi ko makakalimutan yung lasa ng shawarma sa Greenhills, nagkaroon siya ng branch sa supermarket na malapit sa bahay namin. I just can't recall the name.

    Sa ngayon, kuntento ako sa Turk's shawarma na 2 ang branch sa Marikina at meron sa MRT or LRT..
    Sweet pita at pwede kang pumili ng ALL MEAT or w/Veggies kaso mas mahal ng konti ung ALL MEAT..

    Sana makapunta ako diyan sa KSA.
    Kaso mag-papasukan na eh..

    ReplyDelete
  17. yup, you should try authentic shawarma here in KSA. malaki ang kaibahan sa itinitinda dyan sa atin. at mas mura talaga! sarap ng garlic sauce. peyborit!

    ReplyDelete