Thursday, August 29, 2013

Patikim ng Diyaryo (Part 1)

"Isa kang Batang 90's kung marami kang naaalala sa tuwing nakakakita ng mga food chain newspaper ads mula sa Dekada NoBenta."

Kapag nagbabasa ako ng diyaryo ay nagsisimula ako sa likod papuntang harapan. Hindi naman ako isang Hapon na baliktad ang pagbabasa pero mas inuuna ko kasing tingnan ang entertainment section, at kung anu-ano pang mga bagay na walang kinalaman sa madugong front page. Mas gugustuhin ko ring maghanap ng mga promos mula sa mga food chains kaysa ma-stress sa mga kuwentong-garapalan mula sa mga pulitiko.

Para sa akin, ang mga pahayagan ay ang tunay na mga "history books". Kapag nagbuklat ka ng mga lumang diyaryo ay makikita at mababasa mo ang mga nangyari noon nang detalyado. Biglang papasok sa iyong isipan ang mga alaala ng iyong nakaraan.

Nakahanap ako ng ilang patalastas ng mga food chains mula sa diyaryo. Subukan natin kung gaano na kinain ng "memory gap" ang ating mga isipan.

Time space warp, ngayon din!
 
August 22, 1992

Si Jollibee ay halos kasing-edad ko kaya sigurado akong isang Batang Nineties ang giant bubuyog. Naitatag noong January 28, 1978, nagsimula sila bilang isang Magnolia Ice Cream parlor sa Coronet, Cubao. Ipinakilala nila ang magiging pinakasikat na mascot ng Pinas noong 1980. 

Kuwento ni erpats, kung isa akong aso, malamang ay teritoryo ko na ng pinakaunang branch ng Jollibee dahil hindi lang ako umihi dito kundi umetsas pa ng wagas. As in nagkalat daw ako sa dining area ng napakabaho at umaalingasaw na purorots! Okay lang naman dahil isang taon pa lang daw naman ako noon. Kumbaga sa kasabihan, gatas pa ang itinae ko.

Ang food chain na ito ay isang institusyon at kabahagi ng bawa't pamilyang Pinoy. Karamihan ng mga una at ika-pitong kaarawan ng mga anak ay dito idinaraos kahit na ipangutang. Hindi namin naranasang mag-beerday party sa kuta ng mga bubuyog pero madalas kami dito kapag may birthday sa amin nila utol. Dito rin kami nagdiriwang kapag ako ay nakakatanggap ng mga medalya sa eskwelahan. Suki kami ng Jollibee Quezon sa Cubao. Sayang lang, nawala na ito at napalitan ng isang ukay-ukay shop. Hindi ko alam kung nalugi ba sila simula nang maitayo ang Gateway o talagang nagsara lang.

Noong ako ay mag-kolehiyo ay nagtrabaho ako bilang kabayo sa kanilang West Point, Cubao at Robinson's Galleria branches. Pumapasok ako sa eskuwelahan na kung minsan ay amoy-Chicken Joy, at kung minsan naman ay amoy-Yumburger with cheese, depende sa kung saan ako naka-station sa araw na iyon.
 
May 4, 1991

Ang Shakey's Pizza ay isang banyagang food chain na naitatag nina Sherwood "Shakey" Johnson at Ed Plummer sa California noong 1954. Nakuha nila ang pangalan mula sa bansag kay Johnson na tumutukoy sa kanyang panginginig matapos magkasakit ng malaria. Narating nila ang Lupang Hinirang bandang mid-70's. Sa ngayon, mas marami ang kanilang mga branches sa lupa ni Juan kasya sa bakuran ni Uncle Sam.

Sa Ali Mall, Cubao matatagpuan ang pinakamalapit na Shakey's sa lugar namin. Sa totoo lang, mas patok sa akin ang Pizza Hut dahil sa "Eat All You Can" promo nila. Hindi rin kasi Shakey's ang kinakain nila Donatello, Raphael, Michelangelo, at Leonardo kaya hindi ko type ang kanilang thin crust pizzas.

Ganun pa man, kilala ang Shakey's noong 90's bilang venue ng mga live bands. 

Isa sa mga 'di ko malilimutang karanasan sa Ali Mall branch nito ay ang unang pagkakataon naming maka-order ng isang pitsel ng San Mig Draft Beer. Masarap pala talaga ang pizza at beer. Lalo na kapag kayo ay nasa hayskul pa lang at mga menor de edad!

 May 12, 1993

Kung ang Jollibee ay pang-masa, ang Burger Machine ay "mas pang-masa". 1981 ito naitatag ni Fe Esperanza S. Rodriguez at ng kanyang kapatid sa halagang 40k pesotas. Bente-kwatro oras ang kanilang mga mobile carts kaya nabansagan sila bilang "the burger that never sleeps".

Mas masarap para sa panlasa ko ang mga sandwiches ng kalaban nilang Minute Burger ngunit mas madalas ako sa kanila dahil amas malapit ang BM branch sa Gate 2 ng Camp Crame sa bahay namin kaysa sa branch ng MB na nasa intersection ng EDSA Sontolan.

Panalo ang artwork ni Zeus Paredes sa mga "kariton" ng BM. Habang hinihintay ko ang order ay naaaliw ako sa pagtingin sa makinang ginagamit ni Bart the Dwarf sa paggawa ng burger


Naging maganda ang pagtangkilik ng masa sa BM kaya dumami ang mga mobile carts nito hanggang sa magkaroon na ng mga tunay na restaurant na tinawag nilang "BM Plus". Masarap kumain dito kapag dis-oras ng gabi matapos makipaglasingan. Masarap na, mura pa! Sa pagkakaalala ko, mas nauna silang magkaroon ng shanghai rolls kaysa sa Jollibee; at mas masarap ang sa kanila kaya ito ang madalas kong orderin kasama ang extra rice.


Isa sa mga sikat nilang endorsers ay ang Eraserheads na gumawa ng jingle nilang "Tikman ang Langit" na para sa akin ay tungkol sa joots at hindi tungkol sa burger.

Akala ko noon ay magtutuluy-tuloy na ang kanilang pag-unlad ngunit sa kasamaang palad, naapektuhan sila ng Asian Financial Crisis ng  90's kaya humina ang kanilang benta na naging dahilan upang sila ay bumalik sa mobile cart business. Sa ngayon, unti-unti na silang nilalamon ng mga "buy one, take one" burger chains.

October 6, 1992

Kapag ang Aristocrat ang pinag-uusapan, ang una kong naiisip ay ang kamahalan ng pagkain. Ang naiisip kong mga kahanay niya ay Barrio Fiesta at Max's Restaurant. Ang pangalan nila ay tumutukoy sa mga hari at mga sosyal na pamilya ng lipunan kaya parang ang hirap nilang kainan lalo na ng mga katulad kong ang nakakayanan lang ay pambili ng dalawang yosi.

Nagsimula bilang isang rolling-carideria noong 1936, ang pagsisikap at malufet na paghahain ng mgamasasarap na putahe ni Engracia "Aling Asiang" Reyes at ng kanyang asawang si Alex ay nasuklian ng masugid na mga parokyano at pagkilala bilang isa sa mga kainang may marka sa  ating kasaysayan.

Ayon sa ad na nakalap ko, nagkaroon sila ng branch sa Galleria matapos ang sa Megamall. Ang totoo, wala akong maalala tungkol sa kanila kahit na tambay ako mall na iyon. Siguro ay hindi ko lang talaga sila pinapansin noong mga panahong 'yun dahil pang-fast food lang ang kaya ng aking bulsa. Ang tanging naaalala ko sa Aristocrat ay ang mga pagkain nilang ipinapasalubong sa amin ni erpats kapag sila ay mayroong mga seminars na pinupuntahan. Tagabalot siya ng mga natitira sa buffet!

Natakam ba ang inyong mga alaala? Abangan ang Part Two.



1 comment: