Wednesday, December 28, 2011

Sampu't Sari: Japs Sergio ng Rivermaya

"I'm an ear based musician.. whatever the hell that means.."

Noong Dekada NoBenta, ang Pilipinas ay biniyayaan ni Bro ng mga talentadong musikero.

Nang pumutok ang Grunge sa bansa ni Uncle Sam ay sumabay si Juan Dela Cruz at pinasabog naman ang “Pinoy Rock Movement” kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga bagong sibol na maiparinig ang kanilang himig sa madla na noo’y ang alam lang ay mga labsung.

Mula sa mga punkista, mga death metal bands, hanggang sa pop rock, at alternative, namukadkad ang mga istasyon ng radyo sa mga kombo-kombo. Ang dami-dami-dami-dami nila pero ilan lang ang nakilala at tinanggap ng mga tagapakinig. Ang iba ay naghari sa "underground scene" na may mga piling tagasubaybay habang ang iba naman ay pumatok sa masa na parang pang box-office hits.

Friday, December 16, 2011

Sampu't Sari: Wolf Gemora ng Wolfgang

"You can hit things and not get arrested." 

Kung tatanungin ako sa kung sinu-sinong mga banda noong Dekada NoBenta ang nakaapekto sa panlasa ko pagdating sa musika, hindi-hinding mawawala sa listahan ang WOLFGANG

Sino ba namang Batang Nineties ang hindi nakakikilala sa quartet nila Basti Artadi (vocals), Mon Legaspi (bass), Manuel Legarda (guitars), at Wolf Gemora (drums)? 

Sa sobrang kasikatan nila noong kapanahunan ko, kahit na isang kolokoy na pasayaw-sayaw lang ng "Macarena" o isang nakiki-mmmbop sa Hanson noon, imposibleng hindi narinig ng mga binging tenga nila ang mga kanta ng tropang lobo. Tae lang ang hindi nakakaalam.

Thursday, December 8, 2011

Sampu't Sari: DJ Cool Carla ng Mariya's Mistress

DJ. Chef. Photographer. Singer. Musician. Songwriter.

Isa akong trying hard na blogger kaya naman natutuwa ako kapag may nagsasabing naaaliw daw sila sa aking mga isinusulat. Ang totoo, nakakatsamba lang naman ako kaya pumapatok sa panlasa ang mga kung anu-anong kuwentong walang kuwenta dito sa aking munting tambayan. Sa loob ng humigit sa dalawang taon sa mundo ng blogosperyo, marami ang patuloy na naliligaw dito at nagsasabing nakakasabay sila sa mga istoryang karanasan ko tungkol sa Dekada NoBenta.

Bigla ko tuloy naalala ang isa sa mga pangarap ko bilang isang OA na blogista - ang makapagpanayam ng mga bigating personalidad mula sa nineties. Ano kaya ang mga kuwento nila noong kapanahunan namin?

Magaling talaga si Bro dahil hindi niya ako pinapabayaan sa mga adhikain kong makapagbigay ng panandaliang aliw (o puwede rin namang pansamantagal)  sa mga taong nangangailangan. Walang halong kalaswaan. Patuloy Siyang nagpapadala ng mga anghel upang bigyang katuparan ang next level ng NoBenta. May bagong pakulo ako at tatawagin itong "SAMPU'T SARI". Sampung katanungang may kinalaman sa nineties ang pagmamakaawa at sapilitan kong ipasasagot sa mga kilalang tao (na ang karamihan sa kanila ay nagbigay-kulay sa pamumuhay natin noong beeper pa lang ang uso).

Thursday, November 24, 2011

K1n5e Kalibre

Nakatikim ka na ba ng kinse anyos? 

Taena, hindi ito tungkol sa kontrobesyal na billboard na pumukaw noon sa atensyon ng mga usiserong motorista sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue, Coastal Road at kung saan-saang lansangan ng masikip na Metro Manila. Paksyet lang ang mala-henyong ad ng isang inuming nakakalasing kung ikukumpara ang ingay na ginawa nito sa mga nagmamalinis kumpara sa ingay na ipinamalas ng isang grupong tumagal na ng labinlimang taon sa industriya ng musika. Ingay na para sa mga inosenteng nagtataka ay nakakabingi, habang sa mga batang nineties na tulad ko ay ingay ng tunay na musika. Hindi lahat ng maingay ay maingay dahil mas masakit sa tenga ang tahimik. Subukan mong makinig ng kanta ni Barry Manilow sa loob ng 24 oras, ewan ko lang kung hindi tumulo ang luga mo.

Tuesday, October 25, 2011

Napagod na Pagoda

 kuha ng pagoda isang araw bago ito lumubog sa ilog ng Wawa

Noong ako ay bata pa, mga ilang beses ko ring narinig sa mga matatanda at mga bagets ang pang-Miss Universe na katanungang "Kung ang bangkang sinasakyan ninyo ay lulubog at isa lang ang puwede mong sagipin, sino ang pipiliin mo, ang iyong kasintahan o ang iyong nanay?". Madalas itong pinagtatalunan na napupunta sa maboteng usapan dahil walang gustong magpatalo sa kung sino ang may tama o ang may maling sagot. Buti pa ang manok, napatunayan na nating huling dumating kaysa mga itlog ni Adan.

Ang tanong, paano ka sasagip ng buhay kung hindi ka naman marunong lumangoy?! Paano mo rin magagawang sagipin ang mahal mo sa buhay kung daan-daang tao rin ang nakikita mong unti-unting nalulunod ng sabay-sabay? Hindi ka ba matataranta at matatakot?

Ang eksenang ganito ay ang isa sa mga kinakatakutan ko dahil hindi ako marunong lumangoy. Kaya hindi ako nag-seaman ay dahil may pangamba akong malunod kaagad kapag nag-ala-Titanic ang barkong sinasakyan. Marunong ako ng langoy-aso pero mga isang minuto lang ay hindi na ako lumulutang dahil ngalay na. Marunong din akong mag-floating dahil madali lang naman magpatay-patayan. Mukhang tanga lang sa tubig kaya minsan ay pinapangarap kong sana ay katulad nalang ng Dead Sea ang lahat ng dagat para tiyak na 'di ako lulubog!

Kapag trahedya sa anyong-tubig ang pinag-uusapan, dalawang malagim na pangyayari sa Pinas ang naaalala ko - ang paglubog ng MV Doña Paz noong 1987 at ang BOCAUE PAGODA TRAGEDY.

Thursday, October 13, 2011

A.I.D.S. Does(n't) Matter


Nabasa ko sa Yahoo! News na nakamit ng ating bansang Pilipinas ang "all-time high" na 204 Human Immunodeficiency Virus o HIV cases sa buwan Hulyo ng kasalukuyang taon ayon sa Deprtment of Health. Sa madaling salita, pitong Pinoy ang tinatamaan ng nakamamatay na virus kada 24 oras. Ito ay mas mataas sa average ng nakaraang taon na limang HIV patients daily. Sa ngayon, isa ang Pinas sa pitong bansang patuloy na tumataas ang kaso ng HIV at Acquired Immunodefieciency Syndrome o AIDS kasama ang Armenia, Bangladesh, Georgia, Kazakhstan, Kyrgyzstan, at Tajikistan.

Sa panahon ng efbee at mga tabletang sobra sa high-tech, parang pangkaraniwan nalang kapag nabalitaan mong may isang taong dinapuan ng sakit na ito. Ang impresyon lang ng karamihan, wild at adventurous ang naka-jackpot sa sakit na hanggang ngayon ay wala pang lunas. Parang "wala lang" at "eh ano ngayon?". Dedma.

Noong Dekada NoBenta, ang sakit na ito ay hindi pangkaraniwan. Isa itong kinatatakutang salot na dahil sa bago pa noon ay kung anu-anong haka-haka at paniniwala ang nabuo.

Monday, October 10, 2011

...Nanghuhuli Kami ng mga Isdang-Kanal

 

Noong ipinasyal namin ni misis ang mga anak naming sina Paul at Xander sa isang mini-zoo sa Tagaytay ay nakita namin ang napakasaya nilang reaksyon nang makita ang mga isdang nasa loob ng mga hile-hilerang malalaking aquarium. Wala pa sa dalawang taon ang edad ng aming mga kambal na anak pero bakas sa kanilang mga mukha ang pagkabighani sa mga lumalangoy na mga nilalang. 

Para sa akin, walang taong nabubuhay o namuhay sa mundo ang hindi nahilig sa mga hayup na pamagat ng kanta ni Irma Daldal. Para sa karamihan, okay ang kumain ng isda dahil bukod sa hindi sila ma-cholesterol ay wala naman silang "feelings" (ayon ay Kurdt Kobain). Ang iba naman, sa sobrang hilig sa mga ito ay inaalagaan pa sila katulad ng pag-aaruga sa mga alagang aso. Sabi kasi nila ay nakakawala raw ito ng stress kapag nakikita mo silang tumititig sa'yo at parang may ibinubulong. Ang hindi lang natin alam, matagal na nilang sinasabi sa atin na "Taena niyo, pakawalan niyo kami rito!".

Thursday, October 6, 2011

Bless the Beasts and the Children

Hanson Brothers - Zac, Isaac, and Taylor

Nabalitaan ko sa internet na dinalaw kamakailan ng Westlife ang bansang Pilipinas para magtanghal ng kanilang munting konsiyerto. Marami raw loyal fans ang dumalo at karamihan dito ay ang mga kababaihang nalaglagan ang mga panties. Sayang at nandito ako sa China, sana ay nasa Pilipinas ako. Hindi ko pa naman sila gustong mapanood. Pero sa totoo lang, ang kanta nilang "My Love" ay ang isa sa mga napag-tripan namin ng mga roommates ko noong ako ay nagtatrabaho pa sa Saudi. Ganun yata talaga, kapag dinatnan ka ng topak sa disyerto ay kakapal ang mukha mo para magpakagago.




ang Yan Burats

Ang mga grupong katulad ng Westlife ay ang mga nagpasaya at nagpagulo sa industriya ng musika noog Dekada NoBenta. Ang mga kanta nila ay patok na patok sa masa at ito ay isa sa mga dahilan upang "mapabagsak" ang mga tulad ng Smashing Pumpkins. End of music. Taena na kasi ang mga ito, wala namang alam na tugtuging musical instrument pero BOYBANDS ang tawag. Utot niyong blue, mukha lang ang naman ang puhunan niyo!

Saturday, October 1, 2011

...May Alaga Akong Asong Mataba



Ang isang mag-anak ay parang hindi kumpleto kung walang alagang hayop sa bahay. Isa 'yan sa mga itinuro noong tayo ay nasa pre-school at elementary - kailangang merong "Muning" o "Bantay".

Bata pa lang ako ay mahilig na akong mag-alaga ng aso. Nasa grade one ako nang simulan akong bigyan ng mga tito ng mga tutang palalakihin. Noong una ay nagtataka ako kung bakit kapag medyo malaki na ang mga inalagaan kong tuta ay bigla silang nawawala. Sinasabihan lang ako ng mga matatanda na "...na-dognap 'yung aso mo". Wala na akong magawa kundi umiyak sa simula at pilit silang kalimutan. Hanggang sa isang araw pagkagaling sa eskuwela ay naabutan ko ang tito ko kasama ang kanyang mga sunog-bagang barkada na itinali sa  poste ang pinaalagaang aso sa akin. Kitang-kita ko kung paano nila hinataw ng baseball bat ang aso kong mataba hanggang sa ito ay mawalan ng buhay. Kalderetang aw-aw ang trip nilang pulutan sa panulak nilang Ginebra. Kaya pala galit na galit na tinatahulan sila ng mga aso sa lugar namin. Sabi kasi nila ay naaamoy ng mga aso ang mga taong kumakain ng aso.

Saturday, September 24, 2011

Dugyot Fashion

 Pearl Jam, circa 1991

Kapag ako ay umaalis ng Pilipinas papuntang China, kailangang magsuot ako ng pang-malufet na damit. Kailangang magmukha akong disente dahil ang dala-dala kong pasaporte ay may tatak na "business visa". Hindi bagay sa get-up kung naka-rubbershoes, jeans, at t-shirt lang ako. Malapit sa mga mata ng matanong na  immigration officers ang mga mukhang galing sa kangkangan, este kangkungan pala.

Sabi ng iba, nakikita raw ang pagkatao sa damit na isinusuot. Ang sabi naman ng iba, kahit bihisan mo ang unggoy, mananatili itong kamag-anak ni Kiko Matsing ng Batibot. Hindi naman ako tsonggo at hindi rin ako nagmumukhang baboon sa mga get-up ko kaya ang sabi ko nalang ay "whatever"!

Wednesday, September 21, 2011

...Naglalaro Kami ng Teks



Kung ikukumpara ang mga kabataan ngayon sa mga kabataang kinabibilangan kong lumaki bago matapos ang Dekada NoBenta, masasabi kong malaki ang ang pagkakaiba. Malaking-malaki. At napakalaki pa.

Walang masamang tinapay akong ibig sabihin pero ang mga bata ngayon ay lumalaking obese dahil wala na silang alam gawin kundi ang tumutok sa monitor ng computer para makipaglandian sa mga kakonek sa efbee, makiusyoso sa mga twits ng iba, at manood ng mga video sa YT. Isama mo pa ang pagbababad sa paglalaro ng Angry Birds at DOTA na kinaaadikan ng lahat.

Naniniwala akong habang tumataas ang teknolohiya ng sangkatauhan ay lalong nawawala ang "social life" at "interaction" ng bawa't isa. Patuloy itong kinakain ng kuwadradong lungga ng cyberworld.

Wansapanataym, hindi pa ganun kalufet ang mga gadgets kaya naman ang mga Larong-Pambata ay tinatangkilik ng bawat bata. Kahit pati ng mga matatanda, kasama ang mga isip-bata at nagpapabata. Sabik ang mga totoy at nene sa bawat darating na araw dahil makikipaglaro sila sa kapwa nila mga bata. HINDI SA HARAP NG COMPUTER KUNDI SA LANSANGAN.

Isa sa mga paborito kong ginagawa noon kasama ang aking mga kababata ay ang PAGLALARO NG TEKS

Friday, September 16, 2011

High Tide or Low Tide

 Charlene Gonzales, "Best National Costume"

Isa sa mga katangi-tanging ugali nating mga Pinoy ay ang pagiging mabusisi pagdating sa kagandahan. Madalas nating husgahan kaagad ang ibang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang itsura. Kapag ipinanganak kang maganda o guwapo, madali kang makakahanap ng trabaho dahil pasado ka kaagad sa qualification na "with pleasing personality". Social injustice ang tawag dito - paano naman kaming mga pangit na may laman ang utak?

Kada taon ay inaabangan ng buong mundo (at pupusta akong nangunguna tayong mga Pilipino) ang MISS UNIVERSE  pageant na nilalahukan ng naggagandahang mga dilag mula sa iba't ibang panig ng daigdig. Gusto nating malaman kung sino ang "fairest of them all".

Saturday, September 10, 2011

...Pinapakain Kami ng Nutribun sa Eskwelahan


Walang-dudang ang recess ang isa sa mga pinakaaabangang oras sa eskuwelahan. Sabi nga ng karamihan, ito ay sunod sa P.E. bilang "favorite subject" ng mga mag-aaral. Kapag pagkain na ang usapan, tapos na ang laban.

Sa pagsapit ng recess, naglalabasan sa mga lunch boxes ang mga snacks na paborito ng mga bata - mga pagkaing dahilan kung bakit mas magana silang pumasok. Sa kabila ng ganitong eksena ay mayroon din namang mga estudyanteng walang baong pagkain pero may mga bulsang puno ng perang galing sa kanilang mga tamad na nanay na hindi sila kayang asikasuhin.

Sa isang pampublikong paaralan tulad ng pinasukan kong Mababang Paaralan ng Kampo Krame, ang isa sa mga hindi malilimutang snack (kung ito ay matatawag ngang ganun) ay ang nutribun o mas kilala sa pagbikas na "nutriban".

Wednesday, September 7, 2011

Freddie's (Not) Dead

FREDDIE MERCURY
September 5, 1946 - November 24, 1991

Kapag ang isang tao ay kinuha na ni Lord, ano ang mas maaalala ng kanyang mga mga mahal sa buhay, ang kaarawan ba o ang araw ng kamatayan?

Sa kaso ng isang taong sikat (at ang tinutukoy ko ay hindi lang 'yung basta sikat tulad ng mga bida sa lecheseryes na nabubuntis sa totoong buhay), hindi mahalaga ang mga petsa. Ang mas maaalala ay ang GITLING sa gitna ng araw ng kapanganakan at kamatayan na sumisimbolo sa kung ano ang naging BUHAY mo at kung ano ang iyong mga naging kontribusyon noong hindi ka pa kinakain ng lupa.

Thursday, September 1, 2011

At ang mga Nanalo Ay...





Dahil tapos na ang month-long celebration ng ikalawang taon ng aking walang kakuweta-kuwentang tambayan, ipakikilala ko na sa inyo ang mga nagwagi sa aking munting pakontes:
ANG PICTURE NG DEKADA - "BUWAN NG NUTRISYON"
309 FB Likes

Padala ni RAQUEL LAO

Monday, August 29, 2011

...Naniniwala Ako sa mga Panakot ng mga Matatanda

 

Likas sa ating mga Pinoy ang pagiging "gullible" o ang katangiang "madaling maniwala". Hindi naman ito halata sa kasaysayan ng Pilipinas kung saan pinaniwala tayo ng mga dayuhan kaya nasakop ang ating bayan ilang siglo na ang nakaraan.

Nagmula sa mga kaninu-ninuan ng ating lahi, hanggang ngayon ay nananalantay pa rin ito sa dugo ng bagong henerasyon ng mga Pilipino. Paanong mawawala sa atin ito kung mismong ang mga magulang natin at mga matatanda ang unang nagturo ng kaugaliang ito sa atin noong tayo ay bata pa?

Friday, August 26, 2011

Featured Blogger: Mar Castillo of "TAYMPERS"


Taympers, isang naimbentong salita na may kapangyarihang pahintuin ang lahat.

Isang simpleng solusyon na madalas sambitin ng mga bata sa kalagitnaan ng isang nakakahingal na laro kapag medyo napapagod na. Kumbaga sa basketball at iba pang mga sports, ito ang "time-out" na kailangan natin upang maiayos ang ating grupo o ang ating sarili.

Sa tuwing gusto kong kumawala pansamantagal sa hamon ng lecheserye ng totoong buhay, may isang tambayan sa mundo ng mga blogista akong pinupuntahan. Isang bahay kung saan pwede kong bumalik sa nakaraan at muling maranasan ang saya ng kabataan - ito ay ang mundo ni MAR CASTILLO ng TAYMPERS.

Sunday, August 21, 2011

Featured Blogger: Alden of "SULYAP SA NAKARAAN"


Masarap balikan ang nakaraan. Kaya nga nag-aaksaya ka ng oras sa pagtambay sa walang kakwenta-kwentang blog na ito.

Kung mangangailangan lang ng isang volunteer para i-test ang isang time machine, isa ako sa mga mangunguna at magpupumilit na gawing human guinea pig. Eh paano ba naman, ang sarap kasi ng buhay noong ako ay bata pa. Simple lang noon, manalo lang sa laro ng teks at holen ay tuwang-tuwa na tayo. Manood ka lang ng paborito mong Batibot araw-araw o ng lingguhang Shaider sa teevee, masaya ka na.

Nagagalak ako kapag may nadidiskubre akong mga bagong tambayan sa internetz na kapareho ng temang ginagamit ko dito sa NoBenta. Napapatunayan ko kasi na hindi lang ako ang bitin sa masasayang karanasan na naibahagi ng nakalipas (potah, may ganitong banat talaga?). Isa sa mga bago kong kalaro sa blogosphere ay ang  featured blogger ko ngayong linggo, si pareng ALDEN ng SULYAP SA NAKARAAN.

Sunday, August 14, 2011

Featured Blogger: Glentot of "WICKEDMOUTH"


Ang aking ipakikilalang blogger ay hindi na kailangan ng pagpapakilala dahil kilalang-kilala na siya blogosperyo. Halos lahat ng puntahan kong mga tambayan kapag may panahon akong makapag-bloghopping ay nandoon ang link ng kanyang datkom. Sa madaling salita, sikat na sikat ang featured blogista ko ngayong linggo.

Mga Ka-Dekads, ikinakarangal kong ipakilala sa inyo si MASTER GLENTOT ng WICKEDMOUTH.

Noong ako ay bata pa, kapag naririnig ko ang salitang "wicked", ang naaalala ko ay ang Wicked / Evil Queen na nagpakain ng mansanas na may lason kay Snow White para makatulog at manakawan ng halik ni Prince Charming. Naaalala ko rin kung paano gawing mala-Mara Clara ng Wicked Stepmudrax (Lady Tremaine) ang buhay ng inaaping si Cinderella. Isama mo pa sa eksena ang panget na magkapatid na sina Anastasia at Drizella, potah siguradong impiyerno! Epekto ng Disney, tumatak sa tuyot kong isipan na dapat maging mabait tayong mga bata para magpakita sa atin si Fairy Godmother at gawin tayong tunay na tao tulad ni Pinocchio.

Habang tayo ay tumatanda, unti-unti nating nauunawaan na kailangan natin maging mabait para makasama sa heaven si Papa Jesus kapag nadedo tayo. At kasabay ng pagtanda, natutunan din natin na meron palang mga kalokohang minsan ay kailangan din upang tayo ay mamuhay ng masaya.

Monday, August 1, 2011

Featured Blogger: Mice Aliling of "ME, MICE-SELF, AND I"

Agosto na. Blogsary na ng taenang tambayan na ito kaya naman heto na ang pakulo.

Sino si MICE ALILING, kilala mo ba siya?

Siya ang kauna-unahang blogistang ipapakilala ko sa month-long celebration ng anibersaryo ng pagkakatatag ng aking munting lungga. Sigurado akong isa siyang Batang Nineties tulad ko dahil isa siyang malapit na kaibigan. Kapag sinabi kong malapit, ang ibig kong sabihin talaga ay malapit. Kasing-lapit lang tulad ng hintuturo ko kapag gusto kong tanggalin si Tarzan na nagbabaging sa aking tutsang.

Kaklase ko si Mia Grace Estolano mula first hanggang fourth year high school sa St. John's Academy kung saan ka-batch rin namin ang artistang si Bernard Palanca. Transferee ako mula sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame, isang public school, noon kaya ang pakiramdam ko ay isa akong outcast sa loob ng isang private school. Wala akong masyadong kaibigan. Buti nalang at dumating si Mia to the rescue. Sa totoo lang, may mga evil friends (na naging evil friends ko rin) siyang nagtatanong sa kanya kung bakit niya ako kinakusap at pinapansin. Bakit nga kaya? Siguro ay may gusto siya sa akin noong mga panahong 'yun!

Friday, July 29, 2011

Dalawang Taon ng Dekada, May Pakulo Ba?


Ilang tulog nalang, Agosto na. Ilang bloghops nalang, magbabakasyon na naman ako sa mahal kong Pilipinas (kahit na iniwanan kita kapalit ang perang kikitain ko dito sa Tsina). Ilang pagpupuyat nalang sa G+, DALAWANG TAON na ang walang kakuwenta-kuwenta kong tambayan na pinagtatyagaan niyong puntahan para basahin ang mga walang kalatuy-latoy kong mga isinusulat!

Wednesday, July 20, 2011

Nang Mauso ang Mukha sa MTV


Mukha ang nagiging basehan ng karamihan sa kanilang sapantaha o impresyong ibinibigay sa ibang tao. Kung isa ka sa mga nakasalo sa kagandanhang isinabog ni Bro mula sa kalangitan, ang madalas na impresyon sa iyo ay mabait. Kung maganda o pogi ang mukha mo katulad ko, madalas ay maganda rin ang tingin sa pagkatao mo. Pero kung saksakan ka ng panget, ikaw na ang humusga o magtanong sa sarili mo kung bakit wala ka sa mga circles ng iba sa g+.

Maraming klase ng mukha. May mukhang mayaman na dukha naman sa totoong buhay - napapanood mo ito sa mga lecheserye kung saan bida ang mistisang starlet na ang role ay basurera sa Payatas, 'di ba? May mukhang kontrabidang hindi naman makabasag-pinggan. May mukhang napakabait pero manyak. May mukhang astig pero malambot. May mukhang 'di mapakali dahil natatae. Itong huli ang madalas kong maranasan.

May mukhang tanga lang dahil walang maisip na palabok para sa entry na ito.

Monday, July 18, 2011

Beerday Ko, Birthday ng Biko


BEERDAY KO

July 19, 1978, isinilang ang isang poging-poging sanggol na bunga ng pagmamahalan ng dalawang nilalang. Itinadhana siya ni Bro upang maging tagasulat ng walang kakuwenta-kuwentang tambayan na ito. Taena, tumanda nanaman pala ako ng isang taon. Ang bilis talaga ng panahon. Noong nakaraaang taon lang ay nawala na ako sa kalendaryo, bukas naman ay 33 na ako! Huwag niyo na akong sabihan na tumatanda na ako tulad ng kawawang elepante sa Manila Zoo. Oo na, kayo na ang mga fetus at sperm cells.

Saturday, July 16, 2011

Yeah, No


Masarap makinig ng musika, lalo na kung may saysay ang sinasabi nito. Kaya nga hanggang ngayon ay mga kanta mula Dekada Nobenta pa rin ang laman ng music library ko. Hindi ko sinasabing walang kuwenta ang mga pinapatugtog ngayon sa mga jejemon radio stations. May mangilan-ngilang (na mabibilang mo lang sa mga daliri ng iyong paa) musikero ang may katuturan pero mas nilalamon pa rin ng mga "wala lang" ang listahan ng mga binibentang pirated CD's sa Quiapo at Recto.

Friday, July 8, 2011

...Taga-Lista Ako ng Noisy at Standing

 


Aalis nanaman si teacher. Fifteen minutes lang daw at babalik na siya. May nakalimutan daw siyang kunin sa faculty room. Aabutin ng kalahating oras dahil ang totoo, nakipagtsismisan lang sa kanyang kapwa guro. O kaya naman ay naningil ng bayad sa mga binentang yema sa kabilang section. Huwag daw kaming mag-iingay at maglilikot habang wala siya. Ang sino mang mahuhuli niya ay "face the wall" ang parusa.

"Class, walang maghaharutan at walang mag-iingay. Babalik rin ako kaagad.".

Wednesday, July 6, 2011

Brokedown Bitch




Una ko siyang nasilayan sa "Romeo + Juliet (1996)" na isang "punk" film adaptation ng isa sa mga likha ni pareng W. Shakespeare. Noong nasa highschool pa ako, hindi ko nagustuhang basahin ang sikat na sikat na dulang ito dahil hirap ako sa pag-intindi ng Old English. Nakakaantok basahin kaya lagi ko itong nakakatulugan. Dahil isa ako sa mga kabataang nabibilang sa MTV Generation, sinubukan kong panoorin ang mukhang cool movie version nito na pinagbibidahan ng kamukha kong si Leonardo Da Vinci DiCaprio at ng noo'y sumisikat na chikabebeng si CLAIRE DANES. Napa-wow ako sa ganda ni Claire at napahanga niya rin ako sa kanyang pag-arte! Ikaw ba naman ang magsaulo at magsalita ng Shakesperean dialogues, ewan ko nalang kung walang bumilib sa'yo.

Thursday, June 30, 2011

...Ayokong Mahuli sa Flag Ceremony

 

Tuwing Lunes, noong ako ay nag-aaral pa sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame, hindi puwedeng mahuli sa pagpasok dahil ito ay ang araw ng flag ceremony. Kaya naman maaga kaming ginigising ni ermats para maaga ring makaalis ng bahay. Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw naming mahuli tuwing unang araw ng linggo ay ayaw naming pumila sa linya ng mga "late-comers" kasama ang mga estudyante galing sa iba't-ibang sections. Bukod sa sermon ng mga guro namin, malaki ang posibilidad na maiiwan kayo para parusahan - magwalis ng mga tuyong dahon, magtapon ng basura, at kung anu-ano pang mga bagay na ayaw gawin ng mga bata.

Wednesday, June 29, 2011

Nang Lagnatin Si Pepsi


"Isa kang Batang Nineties kung nangolekta ka rin ng mga tansan ng Pepsi para maksali sa 'Number Fever'."

Noong nasa Saudi ako, kapag sinabihan mo ang tea boy na gusto mo ng cola, PEPSI ang ibibigay sa'yo. Ngayong nandito ako sa China, hirap pa rin akong maghanap ng Coke dahil ang soda na may kulay red, white, at blue pa rin ang sikat dito. Sabi ng mga klasmeyts kong nasa lupain na ni Uncle Sam, ito rin daw ang patok na soda sa panlasa ng mga puti. Sa ating mga Pinoy, hindi mapagkakaila na ilang taon na ang paghahari ng Coca-Cola sa industriya ng pamatid-uhaw na mas kilala sa tawag na softdrinks. Parang hindi kumpleto ang hapag-kainan ng pamilyang Pilipino kung walang ibubuhos na saya galing sa bote ng Coke.

Once upon a time, Pepsi naman talaga ang inumin ni Juan Dela Cruz. Nagbago lang ang ihip ng hangin simula ng maging "cool" ang marketing strategy ng kanilang kalaban noong Dekada Otsenta. Natatandaan mo pa ba si Joey ng Royal Tru Orange? Isa siya sa mga dahilan kung bakit naging pang-masa ang mga produkto ng Coca-Cola.

Monday, June 20, 2011

Eraserheads Ultimate Music Challenge



Mga pare ko, sigurado akong isa ka sa mga nabigyan ng ligaya ng grupo nila Ely, Raimund, Marcus, at Buddy sa pamamagitan ng kanilang mga kanta noong Dekada NoBenta. Kung hindi ka naman isang ganap na Batang Nineties, sigurado rin naman akong napakinggan mo na ang ERASERHEADS at kahit papaano ay nakasabay ka sa kanilang mga kanta na 'di mo namamalayan. Bilang pagbibigay pugay sa isa sa mga pundasyon ng Pinoy Alternatib, muli nating balikan ang mga lirikong ibinahagi nila sa atin.

INAANYAYAHAN KO ANG LAHAT SA ISANG MUSIC CHALLENGE. Simple lang naman ang hamon ko, ibigay lang ang taytol at studio album (walang kanta dito na galing sa mga compilations nila) kung saan galing ang mga sumusunod na lyrics. Mas maraming tumpak na sagot, mas magaling siyempre! Para mas masaya ang banatan, may Excel Version ito kung saan puwede mong malaman ang iyong rating . Nasa itaas ang link para makapagdownload.

1.      ako'y naglalakad sa isang makipot na daan, ako'y patungo sa isang
         kaibigan
2.      santa himself is coming this year even if it's not snowing here
3.      tuyo na ang labada, utak ay hindi pa
4.      mapapatawad mo ba ako kung hindi ko sinunod ang gusto mo
5.      like a spell the sound came dancing in our heads
6.      lumingon sa umpisa, sino sa ating dal'wa?
7.      makita lang ang kislap ng kanyang mga mata, ako ay busog na
8.      try the maja-blanca and my leche flan
9.      tumatanda na ang pusa ko kahihintay sa linya ng telepono
10.    tsaka nalang pala 'yung utang ko, 'pag nagkita nalang uli tayo
11.    wala namang multo ngunit takot sa asawa ko
12.    'pag masyadong malalim pati ika'y malulunod
13.    walang dapat sisihin kundi ang sarili
14.    sabi naman ni rico j. puno, mag-ayos lang daw ng upo
15.    paano papasok sa pintuan kung hindi naman puwedeng buksan
16.    di maaaring ariin ang pag-aari ng nagmamay-ari
17.    everybody get down, funky little heaven nature sing
18.    everything they say about me is true
19.    everytime I try to speak they don't get it for a week
20.    father markus said to me, "just confess and you'll be free"
21.    field trip sa may pagawaan ng lapis ay katulad ng buhay natin
22.    masagi na ang lola, huwag lang daw ang auto niya
23.    saan na tayo papunta? naliligaw na ba?
24.    sa harap ng madlang tao ay parang sikat na santo ngunit pag-uwi
         nito, nag-iibang anyo
25.    pawiin ang lahat ng bumabagabag sa isip na puno ng galit

Wednesday, June 15, 2011

...Naniniwala Ako sa Kapangyarihan ng F.L.A.M.E.S.

 

Masarap maging inlababo. Lalo na noong mga panahong bata ka pa. Kapag nasa ganitong stage ka, feeling mo ay napakasarap mabuhay sa mundo. Maaga akong na-in love. Nasa kindergarten pa lang ay may mga crushes na ako sa school. Gustung-gusto ko silang makita kaya naman ang sipag-sipag kong pumasok ng eskuwela. Akala ni ermats ay gustung-gusto kong mag-aral pero ang hindi niya alam, kaya ako hindi nag-aabsent ay para lang makita sa klase ang itinitibok ng aking puso. Naks!

Sa totoo lang, isa akong torpedo kapag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Ang panget ko kasi kaya wala akong confidence para manligaw. Ang nangyayari tuloy, puro ligaw-tingin lang. Hanggang panaginip at pangarap nalang.

Monday, June 13, 2011

Akala Ko Disney, 'Yun Pala Hinde


Mahilig ako sa karnabal. Wala naman sigurong bata, isip-bata, at mga nagpapabata ang hindi nahuhumalig dito.

Kahit na mga peryahan sa barangay ay dinarayo ko para lang makasakay sa mga karag-karag rides na nakakapagpabuhay ng kaluluwa. Gustung-gusto ko 'yung feeling na parang matatanggal na ang mukha mo dahil sa bilis ng sinasakyan. Pangarap kong masakyan 'yung mga nakakatakot na rollercoasters na ipinapakita sa Discovery Channel. At siyempre pa, pangarap ko ring makapunta sa Disneyland kasama ang aming Wonder Twins at ang kanilang Supernanay.

Ako ay laking-Crame kaya naman laman ako ng Cubao Noong Ako ay Bata Pa. Paborito kong pinupuntahan ng pamilya namin noon ay ang di-naalagaang (kaya naglaho nalang na parang bula) Fiesta Carnival. Isa ako sa mga milyung-milyong batang nagpakuha ng litrato noon sa istatwa ng kalabaw doon. Sayang nga lang at hindi man lang ako nakapagtago kahit isa nito. Tuwang-tuwa na ako sa Horror Ride, Go Kart, Ferris Wheel, Octopus at ang sikat na sikat nilang Rollercoaster. Kapag may birthday, may bonus si erpats, may anniversary, at iba pang mahahalagang pampamilyang okasyon, naisasama sa listahan ang pagbisita rito. Paksyet nga lang ang Araneta Center at napagpasyahan nilang tanggalin ang karnabal na maituturing na isang napakahalagang lugar sa kasaysayan ng Pilipinas at alaala ng bawat Pilipinong dumaan sa pagkabata noon.

Saturday, June 4, 2011

...Tropa Ko Si Giripit at Si Giripat

Isa sa mga mahirap makalimutan sa pagiging bata ay ang mga simpleng jokes na kahit na sobrang corny ay nakapagbigay-saya sa atin. Kung sabagay, mababaw lang naman talaga ang kaligayahan ko noon. Kahit na hanggang ngayong malaki na ako, wala nang mas bababaw pa sa ikasasaya ko. Este, matanda na pala dahil hindi naman na ako lumaki at tumangkad. Mais na naman ang intro.

Ako:   'Tol, may tanong ako sa'yo. Dapat masagot mo ha.
Utol Ko:   Ano 'yun?
Ako:   Dalawang magkapatid lang si Giripit at si Giripat. Mas matanda si Giripit kaysa kay Giripat. Eh namatay si Giripat, sino ang natira?

Mukhang napaisip si utol sa malufet kung puzzle.

Ang Prinsipeng Nakapagpalambot sa Konde

ang mahal na konde at ang munting prinsipe

Ilang beses ko nang nabanggit sa ilang mga walang kakuwenta-kuwenta kong naisulat na wala akong hilig sa mga potang lecheseryes sa teevee. Kahit na patok sa panlasang Pinoy, nauumay ako sa mga dramang paulit-ulit na hindi pinagsasawaang subaybayan ng karamihan. May mahirap na inaapi tapos yayaman dahil nanalo sa lotteng kaya maghihiganti. Sampalan, suntukan, sabunutan, at tadyakan. Nakaka-stress.

Early 90's nagulat nalang kami nila utol nang magpalabas ang ABS-CBN ng isang kakaibang cartoon sa kanilang istasyon. Para siyang telenovela na pambata. Sa totoo lang, ito ang kauna-unahang "Tagalized" o Tinagalog na anime' na ipinalabas sa Pilipinas at hindi nila alam kung kakagatin ito ng masa. Ang malufet pa nito, ito ay family-oriented na malayong-malayo sa mga Japanese masterpieces tulad ng Voltes V at  Daimos. Walang laser sword. Walang ultraelectromagnetictop. Iyakan at mga nakakaiyak na eksena, napakarami. Mabuti nalang at mahilig ako sa cartoons kaya sinubaybayan ko ang madramang buhay ng bida ng palabas na ito!

Babatukan ko ang sino mang Batang Nineties na hindi nakakakilala kay CEDIE, ANG MUNTING PRINSIPE.

Monday, May 23, 2011

Ang Pagwawakas ng Dekada


Bakit ba may mga sira-ulong gustong malaman kung kailan ang katapusan ng mundo?

Ang malufet pa nito, may mga taong mas malala ang topak na pinaniniwalaan ang mga sira-ulong nanghuhula ng araw ng paggunaw ng sanlibutan.

Kamakailan ay nabalitaan ko sa internet na nagpasabog nanaman si HAROLD CAMPING tungkol sa katapusan ng mundo. Ayon sa kanya, ito ay nakatakdang maganap May 21, 2011. Magsisimula raw ang Rapture sa pamamagitan ng malalakas na lindol sa iba't ibang panig ng mundo. Lahat ng mababait ay kukunin ni Lord papuntang kalangitan habang ang mga masasamang damo ay maiiwan at mararanasan ang impiyerno sa lupa hanggang October 21, 2011, ang araw ng End of the World.


Taena lang at todo sa pagka-potah dahil kung nakatsamba ang kups ay nandito pala ako sa China habang nagaganap ang katulad ng mga senaryong napanood ko sa pelikulang "Deep Impact" na isa sa mga paborito ko noong Dekada NoBenta.

Wednesday, May 11, 2011

...Hindi Ko Pa Alam ang Sun Dance ni Sarah


Kapag buwan na ng Mayo, panahon na ng tag-ulan. Sabi ng mga matatanda, mainam daw sa katawan ang maligo sa unang ulang bubuhos dahil nakapagpapagaling daw ito ng bungang-araw. Siguro nung mga panahong iyon ay puwede ka pang maniwala sa urban legend na 'yun pero kung susundin mo ito ngayon, siguradong acid rain ang pagtatampisawan mo.


Paborito kong maligo sa ulan noong ako ay bata pa.

Pero isa sa mga kalaban naming mga bata noon ang ulan kapag oras ng paglalaro sa lansangan. 'Di ka puwedeng maglaro ng teks dahil basa ang daan at lupa. 'Di ka puwedeng maglaro ng "patintero", "agawan base", "taguan", at kung anu-ano pang mga larong may takbuhan (ang totoo, puwede naman kung hindi kayo takot ng tropa niyo na madulas at mabagok ang ulo!). Hindi rin puwede maglaro ng "step no" at ng "piko" dahil nabubura ng ulan ang yesong ipinangguhit sa sahig. 

Lintek na ulan 'yan, laging panalo. Taena lang dahil kahit sa "bato, bato, pik", nilulusaw nito ang papel at pinapakalawang ang gunting.Talo rin daw ang bato dahil lumot ang dala ng ulan sa kanila!

Buti nalang at may itinurong pang-uto sa mga bata ang mga matatanda para hindi umulan. Naniwala ako minsan dito dahil biglang umaraw nang minsang paulan na at ginawa namin ng tropa ang payo ng mga gurang. 

Gumuhit daw ng araw sa sahig o daan habang hindi pa pumapatak ang ulan. Hindi namin alam kung ilang araw ang dapat iguhit pero kapag ganung nagkakasiyahan sa paglalaro at biglang aambon, kanya-kanya na kaming kuha ng chalk o batong puwedeng ipangguhit para gumawa ng araw. Siguro kung sa sampung araw, may nagagawa ang bawat isa sa amin para lang pigilan ng pagbuhos ng luha ng kalangitan. Hindi lang basta araw ang dinodrowing sa sahig - dapat ay my mukha ito at nakangiti!

Madalas, hindi kami pinapansin ng potang araw na pinapakiusapan naming lumabas. Parang hinahayaan niya lang kaming mabigo para magsiuwi nalang kami ng bahay. 

Kapag talagang palakas na ng palakas ang ambon, maririnig mo na ang aming chant na pinamana pa yata ng mga sinaunang mga mangkukulam, "Rain, rain, go away, little children want to play..."

Naalala ko noong minsang naglalaro kami ng tropa at nagta-tiger scream na si ermats sa pagpapuwi dahil umaambon na. Hindi ko pinapansin ang mga tawag niya dahil concentrated ako sa pagguhit ng mga nakangiting araw. Kahit nga 'yung pader ng kapitbahay, nilagyan ko ng araw para hindi matuloy ang ulan. Ang sarap kasi maglaro ng "taguan" kaya ayaw naming umulan.

Nang 'di na makatiis si ermats ay lumabas na siya ng bahay para puntahan ako. 'Di ko namalayang nasa tenga ko na pala ang kanyang mga daliri at napingot na ako!

"Loko ka talagang bata ka, hindi na magkakaroon ng araw dahil gabi na! Uwi!".





Sunday, May 8, 2011

...Superhero Ko Si Peksman


Noong bata pa ako, alam ko ang kahalagahan ng mga salitang binibitiwan. 

Hindi ko alam kung paano ko siya nakilala pero alam kong isang malufet na superhero si PEKSMAN. Kapag naririnig ko siyang binabanggit ng mga kalaro ko sa aming mga munting usapan, alam kong walang halong biro ang kuwentuhan.

Sino nga ba si Peksman? 

Sa totoo lang, wala namang nakakaalam sa barkadahan namin noong mga panahong iyon kung sino talaga siya. Dahil sa may "man" ang huling bahagi nito, inisip kong isa siyang superhero na hindi ipinakilala sa grupo ng "Superfriends" na ipinapalabas noon sa RPN9. Siguro, dahil sa tindi ng kanyang kapangyarihan, takot sa kanya ang lahat ng super villains at lahat ng mga bidang may kapa at nakalabas ang brip. Kapag naririnig kong binabanggit ito ng mga tropa ko, naiisip kong isa siya sa mga tagapagligtas tulad nila Superman, Batman, Aquaman, Wonder Woman, at Plastic Man. Taena lang, wala naman si Plastic Man sa Superfriends pero napanood ko 'yung episode na nag-guest siya para hulihin 'yung dagang na-trap sa loob ng sinaunang gigantic computer na kasinglaki ng isang mansion sa headquarters ng mga superheroes.

Saturday, May 7, 2011

Nang Umulan ng Abo


"'Nay, umuulan ng ASHFALL!", narinig kong sigaw mula sa batang kapitbahay namin.

Nakakatawa mang isipin na mali ang pagkakagawa ng pangungusap ng paslit, ganito ang madalas marinig sa ating mga noypi noong mga panahong naghasik ng bangis ang noon ko lang nakilalang MT. PINATUBO. Ang totoo rin, sa kanyang pagputok ko lang nalaman na pwede pa lang maging bulkan ang isang bundok! Nasanay kasi ko na kapag bulkan ang tinutukoy, "volcano" ang inilalagay sa hulihan ng pangalan tulad ng sa Mayon at Taal.

Isang "nobody" ang bulkang ito kaya nga siguro "Mt. Pinatubo" ang ipinangalan ni dating presidenteng Ramon Magsaysay, isang tubong Zambales, sa kanyang C-47 presidential plane para ito ay makilala. Ang siste nga lang, mas nabaon sa limot nang mag-crash ito sa Cebu noong 1957 na naging dahilan ng pagkasawi ng presidente at kasamang 24 katao.

Friday, May 6, 2011

...Gusto Ko Nang Tumanda

 


Sabi ng mga matatanda, madali raw malalaman kung ano ang magiging propesyon ng iyong anak sa paglaki nila. Ito raw ay maaaring gawin habang sila ay mga sanggol pa lang na gumagapang at wala pang alam sa mundo. Mag-iwan ka raw ng mga bagay (na may kaugnayan sa mga trabaho) sa lugar na pinaglalaruan ng iyong chikiting. Ang unang bagay na kanilang dadamputin at paglalaruan ay ang kanilang magiging propesyon sa kanilang pagtanda.

Kung halimbawang may iniwan kang rosaryo at iyon ang dinampot ng iyong anak, may posibilidad na siya ay magiging isang alagad ng simbahan. Puwedeng maging isang pari o isang madre. Gustung-gusto ito ng mga nanay at tatay dahil ang sabi nila, ang mga batang ganito raw ang pinipili ay mabait sa kanilang paglaki kaya walang magiging sakit ng ulo! Noong bata pa ako, gusto ko talagang maging pari. Tadtad ng mga religious pictures ang loob at labas ng cabinet ko. Ngunit sa paglaki ay unti-unti akong tinubuan ng sungay kaya unti-unti ring nawala ang pangarap kong makapagdaos ng sariling misa. Hindi man lang nga ako naging isa sa mga sakristanas boys sa simbahan namin sa Crame tulad ng mga kababata ko.

Friday, April 29, 2011

Anak ng Tupa (Hello Dolly)

 ang pinakasikat na tupa sa buong mundo

Nang minsang naglilipat ako ng channel sa teevee namin dito sa China ay nakita ko sa commercial ng nag-iisang English network na ipapalabas ang "The 6th Day" ni Arnold Shwarzeneger Swarzenirger Schwartseneger. Napanood ko na ito pero 'di ko pa natatapos ng buo dahil sa mga bus biyaheng EDSA ko lang ito natityempuhan noong sa Pinas pa ako nagtatrabaho. Basta ang kuwento nito ay tungkol sa CLONING (human cloning, to be specific) kaya nga ganun ang taytol niya. Magbasa ka nalang muna ng Bibliya kung 'di mo ako ma-gets.

Sa totoo lang, interesanteng paksa ang cloning kaya ito ay madalas maisama sa mga science fictions. Isa sa mga pinakapaborito kong pelikula mula sa isa sa mga pinakapaborito kong direktor sa pinilakang-tabing ay ang "Jurassic Park" na ipinalabas noong 1993. Pangarap ko noong bata pa ako na maging isang paleontologist o 'di kaya ay maging isang archeologist kaya manghang-mangha ako sa obra ni idol na Steven Spielberg na hango naman sa obra ni Michael Crichton. Halos tumulo na ang laway ko sa pagkakanganga ko habang pinapanood ang mga nabuhay na dinosaurs sa big screen. Magaling ang kuwento dahil kung iisipin mo, posible ngang maibalik ang mga higanteng nilalang sa pamamagitan ng pag-clone sa mga DNA na galing sa dugong nasipsip ng mga sinaunang lamok na na-fossilize at na-preserve sa amber!

Sino ba ang mag-aakala na ang cloning ay hindi lang sa mga libro, palabas sa teevee at sa sinehan mangyayari?

Friday, April 22, 2011

Sayaw Macarena




Hindi ako marunong sumayaw. Parehong kaliwa ang mga paa ko pagdating sa pag-indak. Okay lang dahil ayon naman sa manifesto ng Hay! Men!, bukod sa walang abs ang mga tunay na lalaki ay hindi sumasayaw ang mga TNL.

Sa totoo lang, pinangarap kong maging isang malufet na dancer noong bata pa ako pero hanggang folk dancing lang ang kinaya ng powers ko. At take note, hanggang grade two lang yata ako nakasali sa mga school presentations namin. Ngayon ko lang naisip ang ibig sabihin ni teacher kapag nagpipilit akong makasali sa dance troupe - "Jayson, you dance gracefully pero kumpleto na ang line up namin. Why don't you try the declamation group?". Potah, 'di man lang ako sinabihan na sumali nalang sa grupo ng mga songers!

Sabi ng mga kaibigan kong babae, nalalaglag daw ang panty nila sa mga gwapings na magaling magsayaw. Sayang dahil kapogian lang ang nasalo ko nang magsabog ang Diyos ng mga biyaya galing kalangitan. Kahit na naniniwala akong pogi points ang pagtugtog ng gitara sumasang-ayon din ako na lamang ng konting paligo ang pagsasayaw. Ang paksyet na tanong nga lang, 'di ka ba naaalibadbaran sa mga lalaking sumasayaw ng MACARENA?

Friday, April 15, 2011

Ina ng Pinoy Lecheseryes

 paano kaya kung si Gladys ang naging si Mara?

Hindi ako mahilig sa mga lecheseryes (maliban sa original na Mari Mar starring Thalia).

Pero nang magbakasyon ako ng halos dalawang buwan sa Pinas ay 'di ko magawang palipasin ang isang taenang episode ng 2010 remake ng MARA CLARA. Alam ito ni Supernanay dahil kapag ito na ang ipinapalabas sa teevee ay talagang nakatutok ako kasama sila. Minsan nga ay ako lang mag-isa. Bawal kumurap. Commercial lang ang pahinga.

Nagmukha tuloy akong die-hard fan ng "Ina ng Pinoy Teleserye" (ayon sa kanilang nanay na ABS-CBN). Ang totoo, gusto ko lang naman makita kung paano nila pilit na pinapantayan ang legacy na iniwan ng original na palabas na sinubaybayan ng sambayanang noypi noong Dekada NoBenta.

Tuesday, April 5, 2011

Turok


Sa pagkakabitay ng tatlo nating mga kababayan kamakailan dito sa lupain ng mga singkit (kung saan ako naroroon ngayon) ay may naalala akong mga pangyayari noong Dekada NoBenta. Una ay ang pagkakabitay kay Flor Contemplacion sa Singapore dahil sa salang pagpatay sa isang kababayan. Ang pangalawa naman ay ang panahon kung kailan unang itinurok ang LETHAL INJECTION sa Pilipinas.

Friday, March 25, 2011

Code Name: Shaider

"Isa kang Batang Nineties kung alam mong nabobosohan ng panty si Annie sa kanyang mga fight scenes."

Noong ako ay bata pa, pangarap kong maging isang superhero. Ngayong malaki na ako, hindi pa rin nawawala sa akin ang pangarap na ito.

Ayokong maging katulad nina Batman at Superman na naka-leggings at nakalabas ang brip sa kanilang costume. Baduy sila para sa akin. Ang gusto ay maging isa sa mga metal heroes ng Japan. Hanggang ngayon ay hinihintay ko pa rin na i-recruit ako unexpectedly ng Galactic Union Patrol at gawing isa sa mga pulis pangkalawakan o "space sheriffs".

Sunday, March 6, 2011

Sa Wakas, STP




STP.

Para sa isang batang henyo sa subject na science, "standard temperature and pressure". Para sa mga big boys na mahilig sa fast cars, "scientifically treated petroleum".

At para naman sa isang Batang Nineties, STONE PEMPLE PILOTS.

Sunday, January 9, 2011

Paminsan-Minsan

Paul, Kevin, and Winnie

Kapag medyo wala akong magawa ay pinapanood ko sa aking laptop ang video ng "Minsan" na kuha sa Final Set ng Eraserheads. Tuwing napapanood ko ito at naririnig ang isa sa pinakapaborito kong kanta ay 'di ko maiwasang tayuan ng buhok sa lahat ng parte ng akong katawang-lupa. Bigla kasing bumabalik sa aking mga alaala ang mga taong sila pareng Ely ang naghahari sa musikang Pinoy. Ang lyrics din ng kanta ay tumatagos sa aking buto at nagsasabing mayroong nakaraan na hindi puwedeng mawala sa isipan.

Taena sa palabok. Ang gusto ko lang tumbukin o sabihin ay likas sa ating mga nilalang ang pagbabalik-tanaw sa kahapon maging ito man ay masaya o malungkot. Katulad nalang ng pagtambay mo dito sa bahay ko; kaya ka napipilitang bumalik-balik dito ay dahil sa may mga kumikiliti sa iyong memories kapag may ibinabato ako sa inyong mga kuwentong walang kuwenta.

Kaugnay ng mga kalokohang sinasabi ko ngayon, gusto kong ibida ang isa sa mga pinakapaborito kong teevee series na ibinigay sa atin ni Bro, ang THE WONDER YEARS. Ang palabas na ito ay isang coming of age na hindi kapokpokan at katarantaduhan kundi isang youth/family-oriented program na may pinaghalong drama at humor. Hindi ito isang "T.G.I.S" o "Gimik" na ang alam lang ay magturo ng mga kajologsan para magmukhang cool. 

Saturday, January 1, 2011

Mag-Batibot


ang original na grupo ng Batibot

Napag-alaman sa mga makabagong pagsasaliksik na ang teevee ay nakakapagpabagal sa development ng mga bata lalo na sa mga toddlers. Imbes daw kasi na magkaroon ng "tunay" na interaction sa paligid, nalilimitahan ang mga bata sa panood ng mga palabas. 

Pero bakit ganun, isa akong teevee adik simula noong nasa sinapupunan pa lang ako ni ermats pero naging mabilis naman ang pagtalino ko? Siguro ito ay dahil hindi ako lumaki sa panonood kay taklesang si Dora at mga walang kakuwenta-kuwentang Teletubbies. 

Ako ay Batang Dekada NoBenta. Isang Batang BATIBOT.