Sunday, May 8, 2011

...Superhero Ko Si Peksman


Noong bata pa ako, alam ko ang kahalagahan ng mga salitang binibitiwan. 

Hindi ko alam kung paano ko siya nakilala pero alam kong isang malufet na superhero si PEKSMAN. Kapag naririnig ko siyang binabanggit ng mga kalaro ko sa aming mga munting usapan, alam kong walang halong biro ang kuwentuhan.

Sino nga ba si Peksman? 

Sa totoo lang, wala namang nakakaalam sa barkadahan namin noong mga panahong iyon kung sino talaga siya. Dahil sa may "man" ang huling bahagi nito, inisip kong isa siyang superhero na hindi ipinakilala sa grupo ng "Superfriends" na ipinapalabas noon sa RPN9. Siguro, dahil sa tindi ng kanyang kapangyarihan, takot sa kanya ang lahat ng super villains at lahat ng mga bidang may kapa at nakalabas ang brip. Kapag naririnig kong binabanggit ito ng mga tropa ko, naiisip kong isa siya sa mga tagapagligtas tulad nila Superman, Batman, Aquaman, Wonder Woman, at Plastic Man. Taena lang, wala naman si Plastic Man sa Superfriends pero napanood ko 'yung episode na nag-guest siya para hulihin 'yung dagang na-trap sa loob ng sinaunang gigantic computer na kasinglaki ng isang mansion sa headquarters ng mga superheroes.

Kapag recess ay kanya-kanyang bidahan ng mga kuwento. Isa ako sa mga may mga amazing stories kapag nagtitipon-tipon ang mga totoy sa playground.

"Kaya kong maka-hundred lives sa Super Mario Brothers doon sa World 3...".

"Kaya ko ring maka-thirty lives sa Contra...".

"Di nga?!".

"Oo, kayang-kaya ko 'yun. Galingan mo lang sa pagpindot ng '↓↓← →← →B A B A select start' sa joystick! Peksman, walang halong biro!".

Tapos na ang boksing kapag narinig na si Peksman.

Kung sakaling may kupal na 'di pa rin maniniwala, dadagdagan mo lang ng pahabol na "Cross my heart and hope to die!" o kaya ay "mamatay man (para may rhyme)" at tiyak na wala ng pag-uusapan.

Ayon sa kasaysayang 'di ko naman alam talaga kung totoo, ang salitang peksman ay nag-ugat sa pag-uusap ng isang Pinoy at isang sundalong Kano noong unng panahon. Ayaw maniwala ni Juan Dela Cruz  sa kuwento ng anak ni Uncle Sam kaya nasambit nalang ng puti ang mga katagang "All I'm telling are based on FACTS, MAN. Facts, man!" At dahil balukot ang ating dila sa pag-iingles, naipasa ito sa mga sumunod na henerasyon bilang isang superhero ng mga batang ayaw magsinungaling!

Noong ako ay bata pa... superhero ko si Peksman!

2 comments:

  1. Hahaha. Sa min nauso rin ung salitang "mortal"... Parang peksman din ang ibig sabihin pero may kasabay pang pinagho-hook ang mga hintuturo sa kamay... Sabay tanong ng kausap ng "mader pader dai?"... Ang nakakatawa ay sasagot pa ng "oo"... Ayon na, ipinusta na ang mga magulang. Haha. Hays... Childhood days... Sarap balik-balikan.

    Salamat Nonbenta.

    ReplyDelete