Wednesday, May 11, 2011

...Hindi Ko Pa Alam ang Sun Dance ni Sarah


Kapag buwan na ng Mayo, panahon na ng tag-ulan. Sabi ng mga matatanda, mainam daw sa katawan ang maligo sa unang ulang bubuhos dahil nakapagpapagaling daw ito ng bungang-araw. Siguro nung mga panahong iyon ay puwede ka pang maniwala sa urban legend na 'yun pero kung susundin mo ito ngayon, siguradong acid rain ang pagtatampisawan mo.


Paborito kong maligo sa ulan noong ako ay bata pa.

Pero isa sa mga kalaban naming mga bata noon ang ulan kapag oras ng paglalaro sa lansangan. 'Di ka puwedeng maglaro ng teks dahil basa ang daan at lupa. 'Di ka puwedeng maglaro ng "patintero", "agawan base", "taguan", at kung anu-ano pang mga larong may takbuhan (ang totoo, puwede naman kung hindi kayo takot ng tropa niyo na madulas at mabagok ang ulo!). Hindi rin puwede maglaro ng "step no" at ng "piko" dahil nabubura ng ulan ang yesong ipinangguhit sa sahig. 

Lintek na ulan 'yan, laging panalo. Taena lang dahil kahit sa "bato, bato, pik", nilulusaw nito ang papel at pinapakalawang ang gunting.Talo rin daw ang bato dahil lumot ang dala ng ulan sa kanila!

Buti nalang at may itinurong pang-uto sa mga bata ang mga matatanda para hindi umulan. Naniwala ako minsan dito dahil biglang umaraw nang minsang paulan na at ginawa namin ng tropa ang payo ng mga gurang. 

Gumuhit daw ng araw sa sahig o daan habang hindi pa pumapatak ang ulan. Hindi namin alam kung ilang araw ang dapat iguhit pero kapag ganung nagkakasiyahan sa paglalaro at biglang aambon, kanya-kanya na kaming kuha ng chalk o batong puwedeng ipangguhit para gumawa ng araw. Siguro kung sa sampung araw, may nagagawa ang bawat isa sa amin para lang pigilan ng pagbuhos ng luha ng kalangitan. Hindi lang basta araw ang dinodrowing sa sahig - dapat ay my mukha ito at nakangiti!

Madalas, hindi kami pinapansin ng potang araw na pinapakiusapan naming lumabas. Parang hinahayaan niya lang kaming mabigo para magsiuwi nalang kami ng bahay. 

Kapag talagang palakas na ng palakas ang ambon, maririnig mo na ang aming chant na pinamana pa yata ng mga sinaunang mga mangkukulam, "Rain, rain, go away, little children want to play..."

Naalala ko noong minsang naglalaro kami ng tropa at nagta-tiger scream na si ermats sa pagpapuwi dahil umaambon na. Hindi ko pinapansin ang mga tawag niya dahil concentrated ako sa pagguhit ng mga nakangiting araw. Kahit nga 'yung pader ng kapitbahay, nilagyan ko ng araw para hindi matuloy ang ulan. Ang sarap kasi maglaro ng "taguan" kaya ayaw naming umulan.

Nang 'di na makatiis si ermats ay lumabas na siya ng bahay para puntahan ako. 'Di ko namalayang nasa tenga ko na pala ang kanyang mga daliri at napingot na ako!

"Loko ka talagang bata ka, hindi na magkakaroon ng araw dahil gabi na! Uwi!".





3 comments:

  1. Hataw haha...nasan na kaya yun crush ko nung bata pa ako na kasama ko naglalaro bago umulan na si Charito hehe.

    ReplyDelete
  2. gabi na nga naman kuya., kahit anong drawing mo na ng araw di na lalabas...haha..dami ko tawa.

    ReplyDelete
  3. parang adik lang :D

    ReplyDelete