Thursday, November 29, 2018

Manila, Tang N' Ah

 
"Isa kang Batang 90's kung narinig mo si Duff na nagmura sa harap ng libu-libong mga Pinoy Gunners."


Taena, isa lang ang masasabi ko. Tang n' ah! Plus another exclamation point.

Taena, isa sa mga pinakamalufet na concerts na napanood ko sa buong buhay ko! Dabestest.

Taena, sayang kayong ibang mga Gunners (daw) na hindi man lang nag-effort para mapanood ang GNR sa Philippine Arena. Magsisisi kayo habambuhay habang pinapanood niyo lang kay pareng YT ang mga uploaded videos ng 'di malilimutang gabi sa Bulacan.

Taena, maramimg maraming salamas sa mga organizers na nagdala kila Axl Rose dito sa Pilipinas. Natupad ang pangarap naming mga taga-hanga na makita silang magtanghal kahit sa una at huling (huwag naman sana) pagkakataon!

Friday, November 23, 2018

Welcome to the Arena




"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga libu-libong Pinoy na naglakbay patungong Philippine Arena para makita ang GN'R."


Ayun nga, tinahak namin ang landas patungong paraiso. Nakarating kami sa Philippine Arena bandang 3:30 ng hapon dahil wala pa ang inaasahang matinding trapik. Pagbaba pa lang namin sa kotse ay may kakaibang saya akong naramdaman. Nagpasampal ako sa misis ko sa magkabilang pisngi para siguraduhing hindi ako nananaginip. Ang totoo, ito na ang katuparan ng matagal ko nang pangarap na akala ko noo'y sa panaginip ko lang mararanasan.

Mas tumindi pa ang feelings nang makita ko na ang mga kamukha ko sa labas ng venue. May mga grupo-grupo, may mga mag-jowa, may pamilyang kumpleto hanggang sa mga chikitings, at higit sa lahat ay maraming mga gurang na kaedaran ko o mas matanda pa sa akin. As expected, halos lahat sila ay mga nakaitim. Biglang nag-flashback ang aking kabataan, bigla kong naalala ang mga panahong dumadalo kami ng tropa ko sa mga tugtugan noong 90's. Ang pinagkaiba nga lang ngayon, katulad noong dumalo ako sa tugtugan ng Smashing Pumpkins, mas lamang na ang mga hindi mukhang mababaho at dugyot! Sa tinagal ba naman ng panahong hinintay natin, imposibleng pambili pa rin ng dalawang yosi lang ang kaya natin!

Thursday, November 15, 2018

Take Me Down to the Paradise City


"Isa kang Batang 90's kung nakadalo ka sa 'Not in This Lifetime Tour' sa Philippine Arena."

Once upon a time, may dumating na package galing sa mga kamag-anak ko galing HK at kasama rito ang isang VHS tape na may nakalagay na "GUNS N' ROSES" bilang pamagat. Galing ito sa pinsan naming si Jon-Jon na isa ring panatiko ng grupo tulad namin ng utol kong si Pot.

Tuwang-tuwa kami noon dahil hindi na namin kailangang mag-abang sa MTV para lang makita sila Axl na tumutugtog. 'Yun nga lang, nakalimutan naming wala nga pala kaming VHS player at kailangan pa naming kumbinsihin ang japayuking kapitbahay naming si Dodie na makinood sa kanyang astig na teeveeng na may built-in player. Mabuti na lamang at isa siyang gitarista ng kombo-kombo sa Japan at isa ring Gunner katulad namin kaya hindi kami nahirapang yayain siya sa kanilang sariling bahay!

Matapos ang halos tatlong oras na panonood, kasama ang ilang beses na parinig ng kanyang ermats ng "Ang tagal namang matapos niyan.", ay umuwi kaming masaya at may mas maalab na paghanga sa aming mga iniidolo. Ang kopyang iyon ng "Use Your Illusion Tour" na ginanap sa Tokyo noong February 1992 ay ang isa sa mga 'di ko malilimutang concerts na napanood ko sa teevee. Itinaga ko sa bato na kapag pumunta sila Slash sa Pinas, papanoorin ko sila at doon ako sa harap nila pupuwesto!

Tuesday, November 13, 2018

Guns in a Lifetime


"Isa kang Batang 90's kung pinangarap mong tumugtog ang GNR sa Pilipinas."

Dalawang dekada. O higit pa.

Ganito katagal naming hinintay ang pagkakataong ito, ang bisitahin ng GUNS N' ROSES ang Lupang Hinirang upang tugtugan ang mga sabik na Pinoy nilang taga-hanga!

Pero teka, sabi ng Tide, "Gulat ka?!".

Sa kasabikan ko sa isang importanteng kaganapan sa kasaysayan ng musika ay hindi ko naiwasang magsulat muli sa blog kong inamag na ng panahon. Hanggang ngayon kasi ay naririnig pa rin ng mga bingi kong tenga ang lakas ng tugtugang naganap sa Philippine Arena noong nakaraang Linggo, November 11, 2018, 7:30PM.

At oo, after 14 years, susubukan ko muling halungkatin ang mga alaala sa aking isipan upang bigyan kayo ng mga walang kuwentang kuwentong-karanasang may kinalaman sa Dekada NoBenta.

Simulan na natin ang kuwentuhan. Time space warp, ngayon din!

Sunday, June 1, 2014

FREE E-BOOK DOWNLOAD: Noong Ako ay Bata Pa... Vol. 1



Bilang pasasalamat sa mga ka-dekads na walang-sawang tumatambay sa NoBenta, iniaalay ko sa inyo ang PDF file ng unang volume ng mga sanaysay ng mga karanasan ko Noong Ako ay Bata Pa. Maaari niyo nang balik-balikan ang mga alaala ng inyong kabataan gamit ang inyong mga gadgets kahit na walang internet.

Heto ang listahan ng mga unang kuwento kong nailimbag.

Noong Ako ay Bata Pa...

...natae ako sa eskwelahan 
...nagbaba-bye ako kapag nakakakita ng eroplano
...naranasan kong pumirma sa slambook 
...gusto ko na'ng tumanda
...namamasyal kami sa Fiesta Carnival 
...superhero ko si peksman. 
...kumakain ako ng kaning binudburan ng asukal
...'di ko pa alam ang sun dance ni Sarah
...naglalaro kami ng styrosnow
...gusto kong tumalino 
...tropa ko si Giripit at si Giripat
...masayang-masaya ako kapag may field trip
...namimitas at kumakain kami ng alatiris 
...kabisado ko ang "All Things Bright and Beautiful"
...kinakarir ko ang mga school projects sa Hekasi  
...naglalaro kami ng teks 
...naglalaro kami ng sumpitan 
...mas gusto ko ang mga classic kung-fu films
...idol ko si Joey ng Royal Tru Orange
...ang pagkakaintindi ko ay taun-taong namamatay at muling nabubuhay si Papa Jesus
...paborito namin ang Sunny Orange
...inaabangan namin ang hallowen special ng "Magandang Gabi, Bayan"



Maraming salamat sa inyong lahat!

Kung naaliw kayo sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan gamit ang librong ito, hinihiling ko lang na inyong ibahagi ang kopya nito sa inyong mga kakilalang kabilang sa ating henerasyon. Mas marami tayo, mas masaya! 

Himihingi nga po pala ako ng paumanhin sa mga tunay na may-ari ng ilang mga larawang ginamit ko dito sa pagbabalik-tanaw. Pasensya na kung ginamit ko ang inyong mga litrato nang lingid sa inyong kaalaman o wala niyong pahintulot. Ang totoo, kayo ang mga mas nakapagbigay ng mga masasayang alaala ng ating kabataan. Mas maraming salamat sa inyo!

Also available for free download: "Dekada NoBenta - Mga Kuwentong Karanasan ng Isang Batang 90's Volume 1






Sunday, May 25, 2014

...Kinakarir Ko ang mga School Projects sa Hekasi


Sibika at Kultura. Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika. Araling Panlipunan. History.

Iba't iba ang tawag ngunit magkakabituka ang mga paksang pinag-aaralan.

Noong ako ay bata pa, nahilig ako kaagad sa mga aralin na ito dahil interesante para sa akin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa ating kultura at kasaysayan nating mga Pinoy.

One plus one? Magellan.

Two plus two? Lapu-Lapu.


Kahit na mathematics ang tanong, history ang isinasagot ko.

Sino ang pumatay kay Magellan? Si Lapu-Lapu.

Sino ang pumatay kay Lapu-Lapu? Hindi ako.

Sino nga?! Baka 'yung kusinero.

Ang mga school subjects na ito ay may kanya-kanyang school projects na dapat magawa para makakuha ng mataas na grado mula kay titser na mas mataas magbigay ng grade sa mga estudyanteng bumibili ng kanyang mga panindang yema.

Class, meron akong ipapagawang project sa inyo at ang deadline ng pasahan nito ay next week. Gamitan niyo ng short kokomban, ilagay niyo sa short na polder, at lagyan niyo ng fastener (potah, tumama rin sa pronounciation pronunciation!). 

Friday, May 23, 2014

...Masayang-Masaya Ako Kapag May Field Trip

 


"Class, magkakaroon tayo ng field trip. Papirmahan niyo sa mga peyrents niyo ang form na ibibigay ko at ipasa niyo sa akin hanggang next Monday kasama ang bayad."

Kapag ganito ang anunsiyo ni titser sa klase, biglang nababalot ng saya ang buong silid-aralan. Naglalakihan ang mata sa pagka-excite, biglang napapangiti at napapakuwento sa mga katabi ang bawat estudyante. Unti-unting umiingay ang loob ng classroom.

"Wow, pupunta tayo sa Disneyland (as if)!"

"Yehey, makakapunta na tayo sa pagawaan ng tocino at longganisa sa talipapa!"

"Yipee, walang pasok!". Ito ang pinakamasaraap sabihin kapag may mga ganitong pagkakataon.

Siyempre, hindi padadaig si Ma'am at sisigaw ito ng "Class, kung gusto niyong matuloy ang field trip, huwag kayong maingay!!!". Moment of silence sa pagiging KJ ng guro. Sabay babanatan kami ng "Okay, bumili nalang kayo ng yema. Ubusin niyo na itong paninda ko para hindi masira. Sa Lunes niyo nalang din bayaran.".

Thursday, May 22, 2014

...Nagbaba-bye Ako Kapag Nakakakita ng Eroplano

 


Ang aking lolo at lola sa side ni ermats ay naninirahan sa Hong Kong kasama ang pamilya ng mga tita kong nanirahan doon noong mga unang taon ng dekada otsenta. Tuwing sila ay dumarating galing sa ibang bansa ay sumasama ako sa pagsundo sa kanila sa paliparan. Sa totoo lang, marami kaming magpipinsan kaya paunahan sa kung sino ang makakasama. Iyak at hagulgol nalang ang maririnig mo sa kung sino ang papalaring maiwan nalang sa bahay. Masasabi kong ibang-iba ang kultura nating mga Pinoy kapag may dumarating na kamag-anak galing ibang bansa dahil mismong pamilya ko ay naranasan ito. Aaminin kong dumaan din ang aming angkan sa puntong isang batalyon ang nagsusundo sa NAIA. Hapon pa ang lapag ng eroplano pero umaga pa lang ay nandoon na kaming punung-puno ng pananabik. Nakakita na ba kayo ng isang jeep na animo'y may outing dahil sa mga kaldero ng ulam at kanin na dala? Ganun kami kapag nagsusundo.

Tuesday, May 20, 2014

...Kumakain Ako ng Kaning Binudburan ng Asukal



Hindi mapaghihiwalay ang Pinoy at ang kanin. 

Kahit saan mang lupalop ng daigdig o saan mang sulok ng mundo ay gagawa at gagawa ng paraan ang anak ni Juan Dela Cruz upang makahanap ng isasaing na bigas. Napakaimportante nito sa buhay nating mga Pilipino. Kahit nga ang pag-aasawa ay ikinukumpara sa kanin -  hindi mo puwedeng iluwa kung mapapaso ang iyong bibig sa pagkakasubo. Bahala ka nang magkonek sa ibig kong sabihin.

Hindi kumpleto ang hapag-kainan kung walang white rice, bahaw, o sinangag. Aanhin mo ang masarap na ulam kung walang kanin? Napakasarap ng tinolang manok with matching patis na sawsawan. Afritada, menudo, mechado, at kaldereta. Sinigang na bangus. Nilagang baka na nlulunod sa taba. Adobong pusit, manok, o baboy. Kapag ganito kasarap ang mga ulam ay siguradong ang rice cooker ang una mong hahanapin. Mapapamura ka malamang sa alamang kung walang special sinandomeng o kahit NFA man lang.

Sa bawa't tahanan, maging ng mayaman o mahirap na pamilya man, isang mortal sin ang maubusan ng bigas. Sabi ng mga matatanda, maubusan ka na ng ulam, huwag lang ng kanin.

Noong ako ay bata, may mga panahong wala kaming ulam sa bahay pero meron naman kaming kanin. At dahil wala kaming masarap na putahe ng ina ko, may mga bagay kaming ginagawa sa kanin upang maitawid lang sa gutom ang mga kumukulong sikmura.

Sunday, May 18, 2014

Featured Blogger: Thë Walrus

RALVIN "Thë Walrus" DIZON
"Kung hindi abot ng utak mo ang pinagsasabi namin dito, hindi rin namin maabot ang punto ng pag-iisip mo."

Isa sa mga frustrations ko sa buhay ay ang matutong mag-drawing ng malufet. 

Noong ako ay bata pa, natatandaan kong mahilig akong magkulay ng mga coloring books na binibili ni ermats mula sa palengke. Bilib na bilib ang mga magulang at mga kamag-anak ko noon dahil sa murang edad ay nakukulayan ko ang mga nakapaloob sa libro nang maayos, walang lampas, at maganda ang kombinasyon. Sariwa pa rin sa aking mga alaala ang husay ko sa pagguhit. Ramdam ko noon ang angking talento ko dahil nasasali ako sa mga paligsahan noong ako ay nag-aaral pa sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame kahit na kadalasan nama'y umuuwi akong luhaan.

Hindi ko alam kung anong puwersa mula sa kalangitan ang nasalo ko noong nagsisimulang tumubo na ang mga kakaibang buhok o balahibo sa mga nakakatawang parte ng aking katawan. Bigla nalang nawala ang sariling utak ng aking mga kamay sa pagguhit at umasa nalang sa tracing paper.

Ngayon, kapag nakakakita ako ng mga malulufet na obra ay lubos agad akong humahanga sa kung sino man ng gumawa nito. Ngunit huwag niyong isipin na mababa ang panlasa ko sa sining dahil marunong din naman akong kumilatis ng "work of art".

Hindi ko maalala kung paano nagkrus ang landas namin sa mundo ni Mark Zuckerberg pero ang tanging natatandaan ko ay sobra akong naglaway sa mga larawang kanyang iginuhit gamit ang bolpen! Potah, akala ko noong una ay gawa ang mga ito gamit ang kung anong pang-kulay maliban sa tinta ng bolpen. Hindi ako makapaniwala sa mga nakita ko kaya sa naging instant fan ako ni Sir Ralvin Dizon

Saturday, May 17, 2014

...Namimitas at Kumakain Kami ng Alatiris

 

Ano ba ang tama, ALATIRIS o ARATILIS?

Mas nakasanayan kong tawagin itong alatiris dahil noong ako ay bata pa, naiisip kong magkapareho ang ibig sabihin ng pisil at tiris. Alin man sa dalawa, ang tanging totoo ay masarap itong kainin. Kung isa kang nilalang na hindi napagkaitan ng kabataan ay alam na alam mong parte ng paglaki ang pamimitas ng mga bungang ito.

Kahit saan yatang lugar sa Pinas ay may matatagpuan kang mga puno nito. Ang natatandaan kong kuwento tungkol sa pagkalat ng punong alatiris ay kinakain daw ng mga paniki ang mga bunga at itinatae nila ang mga buto nito sa kung saan man sila maabutan. Kaya nga minsang naglinis kami ng bubungan ay nagulat ako nang makita kong may tumutubong alatiris sa aming alulod! Kahit na inuunahan kami ng mga alaga ni Batman sa pamimitas ay may silbi naman ang kanilang mga ebak kaya walang personalan, trabaho lang. Ingat-ingat lang sa mga bungang kinagatan na nila dahil baka magka-rabies.

Sunday, April 13, 2014

...Ang Pagkakaintindi Ko ay Taun-Taong Namamatay at Muling Nabubuhay Si Papa Jesus



Noong ako ay bata pa, maraming mga bagay tungkol sa Semana Santa ang aking pinaniniwalaan.

Simulan natin sa "Linggo ng Palaspas". Bago sumapit ang Holy Week, ang buong Pilipinas ay nagiging abala sa pagdalo sa misang magbebendisyon sa mga palaspas. Tinanong ko dati ang mga nakakatanda sa akin kung bakit kailangan nito at ang sagot na nakuha ko ay "...para sa proteksyon ng bahay natin sa mga masasamang elemento.". Ang mga ito ay isinasabit sa bintana, sa itaas na bahagi ng pinto, o kaya naman ay sa altar. Hindi ko maintindihan ang ibig sabihin, buti nalang ay napanood ko ang "Shake, Rattle, and Roll" starring Herbert Bautista. Hanggang ngayon ay naniniwala akong mabisang panlaban sa mga manananggal ang nabensiyunang palaspas!

Hindi ko alam kung ano ang mayroon mula "Lunes Santo" hanggang "Miyerkules Santo" - wala nga sila sa kalendaryo nating mga Pinoy eh. Basta ang alam ko, ito na ang simula ng hindi pagkain ng mga karne. Bawal daw ito ihain kaya ang madalas na ulam sa bahay ay isda at gulay. Gulay at isda. Ito ang mga panahong mas mura ang kilo ng baboy sa kilo ng mga gulay kaya ang ibang mga misis ng tahanan, nagpa-panic buying ng mga pork and beef. Naaalala ko ang kaibigan kong satanista na sinabihan akong bawal daw tumanggap ng Komunyon kapag Semana Santa dahil ito daw ay "Body of Christ". Tsk, tsk.

Thursday, April 10, 2014

...Kabisado Ko ang "All Things Bright and Beautiful"



May kanya-kanya tayong paboritong tula. Mga tulang ibinibida kapag dumarating ang mga pagkakataong kailangang magyabangan. Noong tayo ay mga munting bata-batuta pa lang, nagsimula tayo sa pagkakabisado sa mga nursery rhymes. Madaling sabayan, madaling sauluhin.

Twinkle, twinkle little star, how I wonder why Jack and Jill went up the hill while London Bridge is falling down. Kailangang alam mo ito sa iskul kung gusto mong umuwi na may tatak na bituin ang iyong mga kamay.

Sa ating mga Pinoy, hindi mawawala ang aso mong alagang sobrang obese. May buntot pang mahaba na mukhang napapakinabangan rin ng mga tomador na mahilig gawing pulutan ang mga kawawang aw-aw. Kailan naging makinis ang mukha kung puno ito ng balahibo? O sige na, mahal mo na si Whitey at si Blackie. Kaya nga may gagong Kanong nagpakasal sa kanyang alagang bitch.

Ako'y tutula, mahabang-mahaba, ako'y uupo, tapos na po. Bow!

Tuesday, April 8, 2014

Anong Paki Mo sa Long Hair Ko

"Isa kang Batang 90's kung alam mong karamihan ng mga kalalakihan noong Dekada NoBenta ay mahahaba ang buhok."


Napakalaking bagay sa ating mga tao ang istilo ng buhok. 
 
Your hair is your crowning glory. Guluhin mo na ang lahat, huwag lang ang buhok ko. Basta kulot, salot. Kalbo, masamang tao. Ang haba ng hair.

Kahit na baguhin mo lang nang kaunti ang iyong buhok ay siguradong hindi ito makakaligtas sa puna ng iyong mga kakilala. Ito ang kadalasang unang nakikita kaya naman ay ito rin ang madalas na nataandaan sa isang tao. 

Noong kasikatan ng teleseryeng "Abangan ang Susunod na Kabanata...", ang mga kakaibang hairstyles ni Barbara Tengco ang madalas na mapansin sa bawa't episode. Nang maakusahan ang dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa panggagahasa, mas unang napuna ang kanyang pambihirang buhok (na para sa akin ay namana ng dating drummer ng Hale). Bukod sa mga kontrobersiyang kinasangkutan noon ni Dennis Rodman, hindi rin makakalimutan ng aming henerasyon ang makulay niyang buhok sa tuwing naglalaro sa court. May lulufet pa ba sa mga buhok nina MC Hammer at Vanilla Ice na noo'y kapwa naglalaban para sa trono ng pagra-rap?

Kadalasan ring nagiging basehan ng pagkatao ang ating mga buhok. Mali man, pero ito ang katotohanang madalas mangyari.

May kakilala akong ilang beses nang sumubok na makakuha ng visa mula sa US embassy ngunit ilang beses na ring nabigo. Hindi ko lang siya masabihang subukan niyang magpatubo ng buhok o kaya naman ay magsuot ng peluka dahil baka maumbagan niya ako ng kanyang mabigat na kamao. Walang masamang tinapay pero sa tingin ko mahihirapan naman talagang maaprubahan ng consul ang mga taong kasing-kalbo ni Pipoy!

Noong panahon ko, nauso ang mga "long hair", ang mga kabataang may mahahabang buhok na sa tingin ng karamihan ay mga adik at satanista dahil na rin sa musikang kanilang kinahihiligan.

Wednesday, April 2, 2014

...Mas Gusto Ko ang mga Classic Kung-Fu Films


Kahit na tumatanda na ako sa pagtatrabaho dito sa China ay hindi pa rin nawawala sa aking  isipan ang paniniwalang ang lahat ng mga Intsik ay marunong mag-Kung-Fu . Akala ko noon ay makakakita ako dito ng mga duwelong katulad ng napapanood sa "Crouching Tiger, Hidden Dragon" kapag may nag-aaway. Wala naman palang ganun.

Naaalala ko tuloy 'yung interpreter naming tsekwa sa dati kong pinapasukan na nagkuwento sa akin ng kanyang makulit na karanasan sa isang makulit na Pinoy na tulad ko.

"'Di ba Intsik ka?"

"Oo, bakit?"

"Eh 'di marunong ka ng kung-fu?"

"'Di ba Pinoy ka?"

"Oo, bakit?"

"Eh 'di marunong kang mag-tinikling?"

Hindi pala ako nag-iisa.

Tuesday, March 25, 2014

Errorplano


"Isa kang Batang 90's kung alam mong walang nakaligtas sa trahedya ng Cebu Pacific Flight 387."
Laman ngayon ng mga balita ang patuloy na paghahanap sa eroplanong misteryosong nawala nang maglakbay ito noong March 8, 2014 mula Malaysia papunta sanang Beijing. Hanggang sa ngayon habang isinusulat ko ito ay hindi pa rin natatagpuan ang nawawalang Boeing 777-200ER ng Malaysia Airlines, Flight MH370, na may lulang 239 katao.

Habang pinapanood ko sa teevee ang mga ulat tungkol sa MH370 ay hindi ko maiwasang maalala ang trahedyang naganap sa Pinas dalawang taon bago matapos ang Dekada NoBenta. Nang sumalpok ang eroplano ng Cebu Pacific sa Mt. Sumagaya noong February 2, 1998, itinuring ito bilang “pinakamalalang trahedyang panghimpapawid sa kasaysayan ng Pilipinas”. Walang nakaligtas sa 99 na pasahero at 5 tripulante ng Flight 387

Sunday, March 23, 2014

...Gusto Kong Tumalino

 
ako 'yung bulinggit sa kanan

Noong ako ay bata pang nag-aaral sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame, madalas akong matanong ng mga guro ko tungkol sa isang kamag-anak kapag nababasa o nalalaman nila ang apelyido ko.

"Kaano-ano mo si Veronica Quitiquit?", tanong ni Mrs. Rabago na maestra namin sa Arithmetic.

"Are you related to Ms. Veronica Quitiquit?", tanong ni Mrs. Albarracin na teacher namin sa English.

"Mr. Quitiquit, kaano-ano mo si Veronica?", tanong naman ni Gng. Nailes na guro namin sa Pilipino.

"Kapatid mo ba si Veronica?", tanong ni Mrs. Omictin na teacher namin sa Science.

"Quitiquit, ano ang kaugnayan mo kay Veronica?", tanong ni Ms. Gisala na matandang-dalagang teacher namin sa Hekasi.

'Langya, parang lahat ng teachers ko ay pet siya. Expected ko na palagi ang ganitong scenario sa first day of classes kapag nagro-roll call. Sa totoo lang, 'di naman na kailangang itanong pa kung magkamag-anak kaming dalawa dahil sa unique naming apelyido, walang kaduda-dudang magkadugo kami! Sa mga ganitong sitwasyon, siyempre ay proud naman akong sumasagot ng "Tita ko po siya.". Sabay sasabihan naman nila ako ng "Sana ay kasing-talino at kasing-sipag mo rin ang tita mo, Mr. Quitiquit.".

Friday, March 21, 2014

Ang Sipon ni Pavarotti

 
 "Isa kang Batang 90's kung alam mong muntikan nang hindi matuloy ang konsyerto ni Pavarotti sa Maynila."


Ang musika ay isang wikang naiintindihan ng lahat.

Walang pinagkaiba ang "Macarena" ng Los Del Rio,na sumikat noong Dekada NoBenta, at ang "Gangnam Style" ni Psy na kinabaliwan ng buong mundo kamakailan lang. Hindi batid sa dalawang mga kanta kung ano ang ibig sabihin pero maganda raw sa pandinig at masarap sayawin kaya ito pumatok nang wagas.

Dalawang dekada na ang nakararaan, pinatunayan din ito ng sambayanang Pinoy nang dayuhin ng sikat na tenor Luciano Pavarotti ang Pinas upang magtanghal ng isang konsiyerto sa  Philippine International Convention Center noong March 21, 1994.

Thursday, March 20, 2014

...Idol Ko Si Joey ng Royal Tru Orange

 


Sa isang pamilyang Pinoy, hindi kumpleto ang isang bahay kung walang telebisyong makikita sa sala dahil likas na sa atin ang panonood. Ang kwadradong aparatong ito ang nagbibigay ng kung anong special bonding sa isang pamilya. Sa araw-araw nating pamumuhay ay kinakain ng appliance na ito ang ating mga oras. At sa bawat panonood natin ng mga lecheseryes, balitang showbis, at  kung anu-ano pang mga nagbibigay ng aliw ay nasisingitan ng mga commercials ang ating buhay.

Noong mga huling taon ng Dekada Otsenta, ang hindi ko malilimutang mga patalastas ay ang "Joey Series" ng Royal Tru-Orange na mula sa Coca-Cola. Ang temang ito ang nagpalakas ng kanilang bentahe laban sa kakumpitensya nila sa industriya ng pamatid-uhaw. Kaya nga naisipan ng Pepsi-Cola noon na daanin nalang sa pakontes na "Number Fever" ang kanilang strategy (na sa kasamaang palad ay nabulilyaso) pagdating sa marketing ng kanilang mga produkto.

Bago pa man napasigaw si Toni Gonzaga ng "I love you Piolo..." sa "Magpakatotoo Ka Series" ng Sprite ay kinagiliwan na ng sambayanan ang maabilidad na si Joey. Bago pa man nakaisip ng mga ideya ang Mentos sa mga 'di-inaasahang sitwasyon, ay nagawa na ito ng RTO sa katauhang ginampanan ni RJ Ledesma. Ang tagline na "Ako at Royal, Natural" ay nakapukaw sa atensyon ng masa lalo na sa grupo ng mga kabataan. Kung sino man ang naatasang mag-isip sa konsepto para sa temang ito ay masasabi kong isang henyo dahil kuhang-kuha niya ang panlasa ng mga nakakapanood.