Wednesday, January 22, 2014

Zigazig-Ha


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang pangalan ng grupong nagpasikat ng kantang 'Wannabe'."

Noong Dekada NoBenta ay napakaraming mga grupong sumulpot na parang kabute sa natuyong ebak ng kalabaw matapos ang matinding ulan. Sila ang mga tinatawag na boy bands na hindi naman talaga banda dahil bihira lang sa kanila ang marunong tumugtog ng mga instrumentong pang-musika. Karamihan sa kanila ay puro porma, ka-guwapuhan, at matinding paghawak lang ng mikropono habang nakaluhod ang alam lang.

Take That, East 17, Boyzone, Westlife, Five, Another Level, Point Break, Boyz II Men, Backstreet Boys, 98 Degrees, 'N Sync, The Moffatts, at Hanson. Ang dami dami dami dami dami dami dammit nila pero ayon nga sa Eheads, puro laos ang natira.

Kung merong mga grupo ng kalalakihan, siyempre ay hindi nagpadaig ang mga grupo ng mga kababaihan. Marami rin ang mga girl bands na nabuo noong Nineties pero isa lang ang talagang sariwa pa sa aking alaala, ang Spice Girls na nagpasikat sa kantang "Wannabe".

Tuesday, January 14, 2014

...Naranasan Kong Pumirma sa Slam Book

 

Noong tayo ay mga bata pa, napakasarap ng pakiramdam kapag inlababo. Kaya nga naniwala tayo sa kapangyarihan ng F.L.A.M.E.S. dahil gusto nating malaman ang kapalaran natin sa ating mga crushes (take note, in plural form). May isa pa akong bagay na alam para malaman kung may pag-asa ka sa taong napupusuan mo. Sikat na sikat ang paraang ito - ang makiusyoso sa mga nilalaman ng slam book.

Ano nga ba ito?

Para sa mga kabataang namumuhay ngayon sa mundo ng internet, ito ay hindi kilala dahil natabunan na ito ng mga social networking sites katulad ng Facebook at Google Plus. Pero para sa aming mga gurang o oldies, isa itong sikat na sikat at pinagkakaabalahang bagay noong kami ay nasa elementary at highschool.

Isa itong "autograph book" na ipinapahiram sa isang tao para sagutin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa kanyang pagkatao. Karaniwang mga kababaihan ang meron nito at sila ang nagpapapirma sa mga kaibigan nila sa loob ng klase. Maganda ang layunin nitong malaman mo ang mga bagay tungkol sa iyong kaibigan pero ang mas malalim na dahilan dito ay ang malaman mo ang sagot sa tanong na "WHO IS YOUR CRUSH?". Pansin na pansin mo ang kilig sa mga grupo ng gerls kapag binabasa na nila ang bahaging ito.

Thursday, January 9, 2014

...Natae Ako sa Eskwelahan

 

Sabi ng mga matatanda, masuwerte raw ang makatapak ng tae. Iniiwasan daw ito kaya suwerte mo kung matapakan mo ang shit nang hindi sinasadya. Magkakapera ka raw sa araw na iyon.

Pero paano kung sa'yo nanggaling ang mabahong etchas? Ibig sabihin ba nito ay ikaw ang pinanggalingan ng suwerte? At suwerte rin bang matatawag kung ang buris na lumabas sa'yo ay hindi mo lang napigilan sa hindi inaasahang pagkakataon? Of all places, sa eskuwelahan pa.

Simulan na ang mabahong usapan. Paabot ng tissue please. Time space warp, ngayon din!

Noong ako ay nag-aaral pa sa Mababang Paaralan ng Kampo Krame, naranasan kong pumirma sa slambook at isa sa mga iniiwasan kong tanong sa potang autograph book na iyon ay ang malufet na "What is your most embarrassing moment?". Nasa grade five at six na kami noong mauso ang slambook kaya kung sasagutin ko ang question na ito ng katotohanan, medyo fresh pa ang mga alaala. Nakakahiya talaga ang aking experience kaya ang isinasagot ko nalang dito ay "secret". Kapag may makulit namang ayaw ng "secret" na sagot, ang inilalagay ko nalang ay "'yung time na nahuli akong nangungulangot" para naman "konting nakakahiya lang".

Tuesday, January 7, 2014

Banal na Awto



"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang tawag sa sinakyan ni Pope John Paul II sa paglilibot niya sa Maynila noong 1995 World Youth Day."

Noong 1995 ay dinalaw ng Santo Papa ang Pilipinas upang idaos ang kauna-unahang pagdiriwang ng "World Youth Day" sa Asya. Mula January 10 hanggang 15 ay nagsama-sama ang mga kabataang kinatawan ng iba't ibang bansa upang magdasal, kilalanin ang kultura ng bawa't isa, at maging "magkakapatid" sa mga mata ng Diyos.

Natatandaan kong isa sana ako sa mga delegado ng aming paaralan para sa WYD '95. Mayroon na akong orientation kit ng isa sa mga pinakamahalagang pangyayari noong Dekada NoBenta noon at hanggang ngayon ay nasa akin pa ang ID ko para rito.  Kabisado na naming magkakaklase ang anthem nitong "Tell the World of His Love" at ang theme nitong "As the Father sent me, so am I sending you.".

Ang hindi ko lang matandaan ay kung bakit hindi ako nakasama sa Luneta. Nagkasakit ba ako o mas pinili kong manatili nalang sa loob ng bahay dahil walang pasok sa eskuwelahan? Nabaon talaga ang bahaging ito ng buhay ko sa kalimot. Sayang at hindi ako naging bahagi ng "largest Papal gathering in Roman Catholic history" na ayon sa mga tala ay dinaluhan ng limang milyung katao.

Ang tanging natatandaan ko nalang ay ang pagtutok namin sa GMA7, ang official network ng makasaysayang kaganapan, upang mapanood si Pope John Paul II lulan ng kanyang banal na awtong mas kilala sa tawag na popemobile.

Sunday, January 5, 2014

FREE E-BOOK DOWNLOAD: Dekada NoBenta - Mga Kuwentong Karanasan ng Isang Batang 90's Volume 1



Bilang pasasalamat sa mga ka-dekads na walang-sawang tumatambay sa NoBenta, iniaalay ko sa inyo ang PDF file ng unang volume ng mga sanaysay ng mga karanasan noong Dekada NoBenta. Maaari niyo nang balik-balikan ang mga alaala gamit ang inyong mga gadgets kahit na walang internet.

Heto ang listahan ng mga unang kuwento kong nailimbag.

Isa kang Batang 90's kung:

1. nahilig ka sa World Wrestling Federation at napanood ang "Montreal Screw Job" na nangyari sa pagitan nila Bret Hart at Shawn Michaels.

2. naadik ka at naubos ang oras mo sa paglalaro ng Brick Game.

3. alam mong si Dino Ignacio ang utak ng "Bert is Evil".

4. naabutan mo ang "Lunch Date" at "SST" sa Siete kung kailan sikat na sikat si Randy Santiago.

5. alam mo kung sino ang gamol na naghahanap ng panget.

6. sinubaybayan mo ang mga turo ni Brod Pete sa "Ang Dating Doon".

7. isa ka sa mga nakagamit ng sinaunang videoke machine.

8. nagkaroon ka ng alagang Tamagotchi.

9. nakapanood ka ng kahit isa sa mga milyung-milyong massacre films ni Carlo J. Caparas.

10. naniniwala kang nanganganak ang mga mababangong kisses at may taong-ahas sa Robinsons.

...Namamasyal Kami sa Fiesta Carnival




Bakit kapag naririnig o nababasa natin ang salitang "karnabal", may kakaibang saya tayong biglang nararamdaman o naaalala? 

Bakit kahit na mangiyak-ngiyak na tayo sa mga nakakatakot o nakakalulang mga carnival rides na ating sinasakyan ay masaya pa rin tayo pagkatapos? 

Bakit kahit gaano na tayo katanda, ang feeling natin ay bumabalik tayo sa pagkabata kapag tayo ay nagpupunta sa karnabal?

Ang lugar na aking kinalakihan ay nasa gilid lang ng Kampo Crame kaya naman grade four pa lang ako ay natuto na kaagad akong sumakay sa mga jeepney na may biyaheng "Murphy-Cubao-Farmers" para makarating sa Araneta Center. Isa sa mga paborito kong pinupuntahan namin noon ay ang nabaon na sa limot na FIESTA CARNIVAL.

Maraming masasayang alaala ang lugar na ito ng Cubao. Para sa akin at sa milyung-milyong batang naabutan ang FC, ito ang "Disney ng Pilipinas", ang pinakamasayang lugar sa buong mundo. Hindi ito katulad ng ibang mga theme parks ngayon sa Pinas (na bukas lang tuwing Pasko at bakasyon) dahil all-year-round ang kasiyahan dito. Anytime na may extra na pera sila ermats at nagyayang mamasyal sa Cubao, imposibleng hindi kami mapapadpad sa noo'y pinakasikat na amusement center ng mga bata.

Ano nga ba ang mga naaalala mo sa Fiesta Carnival?