"Isa kang Batang 90's kung alam mo kung sino ang gamol na naghahanap ng panget."
Bago pa man ako biningi ni pareng Kurdt ng Nirvana, pinangarap ko mung maging isang malufet na dancer. 'Yun nga lang, hindi umubra sa parehong kaliwa kong mga paa ang "running man" at "roger rabbit" moves na pinipilit kong matutunan.
Nasa ikaanim na baytang ng elementarya ako nang mauso ang rap at sa pakikinig nalang nito ang pinampalit ko sa pangarap kong humataw sa dance floor.
Isang araw noong 1990, narinig ng Lupang Hinirang ang Pinoy rap song na "Humanap Ka ng Panget". Madali nitong nakamit ang tagumpay dahil nakuha nito ang atensyon ng mga maawaing kababayan natin. Naging kontrobersyal at phenomenal ang pagsikat nito dahil napag-usapan ng madla ang "pang-aapi" sa mga katulad kong panget.
Si Andrew Espiritu, o mas kilala bilang si Andrew E., ang itinuring na "King of Pinoy Dirty Raps" dahil sa kanyang mga awiting double-entendre o dobleng kahulugan na para sa karamihan ay bastos.
Kahit na hindi naman talaga bastos ang unang single niya, marami pa rin ang sumang-ayon sa paniniwalang binastos ng kanta si Zorayda Sanchez na pinasikat ng "Goin' Bananas". Napanood ko pa noon sa teevee ang mga artistang nakapanayam tungkol sa saloobin nila sa kanta ni Gamol. May mga natawa at mayroon ding natuwa sa "bagong" klase ng pagkanta pero marami ring nagalit. Hindi naman daw guwapo si Andrew E. para laitin nalang ng ganun si Zorayda.