Tayong mga Pinoy ay may kaugaliang magkamot ng ulo kapag nasisita ng ibang tao. Kahit huling-huli na sa akto ay magpapalusot pa rin kasabay ang pagkamot sa parte ng ulo na hindi naman talaga makati. Teka, baka nga naman talagang biglang nagre-react ang mga balakubak natin sa mga ganitong pagkakataon. O kaya naman ay nagiging parte lang talaga ng utak natin ang mga kuto kapag gustong magsinungaling.
Lahat tayo ay ipinanganak na kalbo. Walang buhok, wala ring kuto. Ayon sa kanta ng grupong Weedd.
Hindi ko alam kung paano nagkakaroon ng mga kuto ang isang tao. Isa itong malaking palaisipan para sa akin tulad sa tanong kong "paano kaya nagkaroon ng isdang-kanal doon sa maruming estero at paano sila nabubuhay sa tubig na puno ng tae?". Sabi ng mga matatanda, nakukuha raw ang mga kulisap na ito kapag madalas kang nakabilad sa arawan. Kaya nga madalas kaming sabihan ni ermats na tigilan ang paglalaro sa mga lansangan lalo na kapag hapon kung kailan tirik ang araw. Kapag totoy at nene ka pa, walang kutong makati ang makapipigil sa sayang naidudulot ng teks, patintero, taguan, jolen, syato, agawan-base, at iba pang larong-pambata. Pero teka, kung ang araw ang nanay ng mga kuto, ibig sabihin ba nito ay kapatid sila ng mga bungang-araw?