Saturday, January 30, 2010

Screw You


"Isa kang Batang 90's kung nahilig ka sa World Wrestling Federation at napanood ang 'Montreal Screw Job' na nangyari sa pagitan nina Bret Hart at Shawn Michaels."
 
Tuwing Huwebes, isa sa mga inaabangan ko sa TV ay ang “WWE’s Raw” sa MBC Action Channel. Buti nalang at may "dekaledad na palabas" pang nasasagap ang satellite dish namin dito sa Saudi -  hindi puro punyetang lecheseryes tulad ng “Tinik sa Dibdib” at “Kaya Kong Abutin ang Langit” ang kinakain ng utak ko!

Lunes talaga ang time slot ng “Raw” sa Tate pero puwede na rin dahil mga kalahating buwan lang ang antala dito. Noong nakaraang linggo, astig ang pagiging guest host ng idolo kong si Bret “The Hitman” Hart. Labing-dalawang taon matapos ang “Montreal Screwjob”, nagkaayos na rin sa wakas sila ni Shawn Michaels. Nakakaiyak ‘yung nagkamayan na sila para kalimutan na ang nakaraan. Tapos nagyakapan pa kaya nagsigawan lalo ang mga nanonood. Aaaww!!

Okay na sana ang lahat pero napakapangit ng ending ng episode. Nagkaroon din kasi sina Bret at Mr. McMahon ng pag-uusap sa ring. Nagkabati rin sila. Nagkamayan. Tapos natraydor lang si idol dahil pakulo lang ng kups na may-ari ang pakikipagbati kay Hitman. Natapos  ang palabas matapos mabayagan ang dating kampyon. Paksyet.

Tuesday, January 26, 2010

Brick the Record


"Isa kang Batang 90's kung naadik ka at naubos ang oras mo sa paglalaro ng Brick Game."

Sigurado akong nakakaranas na rin kayo ng “last song syndrome”, “earworm”, “aneurythm” o “humbug”. Kahit ayoko ang kanta ni Meatloaf na “I Would Do Anything for Love”, wala na akong magawa kapag ito ang aking unang maririnig sa umaga. Dahil sa pauli-ulit ko itong naiisip ay hindi ko na mamamalayang napapasabay na ako sa pagkanta.

Tetris Effect” daw ang dahilan sa pangyayaring ganito.

Ang lahat ng mga batang lumaki noong Dekada NoBenta ay walang mintis na naadik sa Nintendo Entertainment System o Family Computer. Hindi ako magkakamali na isa sa mga paboritong laro ng mga kabataan noon ay ang “TETRIS”. Ang totoo, hanggang ngayon ay isa ito sa mga paborito ng mga gamers. Binigyan nga ito ng taytol na “Greatest Game of All Time” ng "Electronic Gaming Monthly". Napakasimpleng laro pero nakakaadik kaya dumadating sa puntong nagkaroon na ng epekto sa mga isip ng mga taong tulad ko.

Naimbento ng Russian na si Alexey Pajitnov noong June 6, 1984, ang Tetris ay galing sa pinaghalong mga salita na “Tetrominoes” o ‘yung mga iba’t ibang bricks na gawa sa apat na segments at “Tennis” na paboritong isport ng lumikha. Noong hindi pa ako nareregaluhan ng lolo at lola ko ng Famicom ay kasama ko lagi ang utol kong si Pot na tumatanaw sa computer rental sa foodcourt ng Ali Mall o  kaya naman ay sa bintana ng mga kapitbahay naming anak ng mga Japayukis. Kahit hindi namin nalalaro ay nasasabik pa rin kaming makita ang mga bricks na may hugis hango sa mga letang I, J, L, O,S, T, at Z. Astig panoorin ang manlalarong gumagawa ng isang parang mataas na gusali. Tapos mawawala ang isang horizontal line kapag nabuo. Mas maganda kung apat na sabay-sabay ang mawawala dahil ‘yun ang tinatawag na “tetris”. Nakaka-hypnotize din pakinggan ang Russian na ipinapatugtog habang naglalaro.

Thursday, January 14, 2010

Master of Puppets

"Isa kang Batang 90's kung alam mong si Dino Ignacio ang utak ng 'Bert is Evil'."

Bago ko pa man nagustuhan ang mga paulit-ulit na kuwento ni Kuya Bodjie sa Batibot ay namulat na muna ako sa Sesame Street kung saan bida si "Big Bird", ang icon ng hinahangad na laki at haba ng mga kalalakihang Pinoy. Kasama ng birdie sa palabas ang dalawa sa mga paborito kong puppets na sina Ernie and Bert

Dekada NoBenta nang marinig ko sa "Twisted on a Sunday" radio talkshow ni Jessica Zafra sa 103.5 K-Lite ang tsismis na mamamatay na raw si Ernie sa children's show. Kumalat ang haka-hakang ito nang pumanaw si Jim Henson noong 1990 dahil sa ispekulasyon na walang papalit sa kanya. Napagkwentuhan nila ang posibilidad na bakla raw ang tandem at ito ang magiging dahilan ng pagkakaroon ni Ernie ng HIV.

Urban legends lang ang mga ito at hindi naman totoong nangyari dahil pinalitan ni Steve Whitmire si Jim at pinabulaanan ng Children's Television Workshop ang pagiging binabae ng dalawa na itinuturong dahilan ng pagkakaroon ng AIDS ni Ernie (Trivia: nagkaroon talaga ng HIV-infected character ang "Takalani Sesame", isang international version ng program).

Maaring tsismis lang ang mga iyon ngunit may sumulpot na website noon na nagsasabi at nagpapatunay na si Bert ay talagang masama - ang malufet na tambayan sa net ni Dino Ignacio.

Wednesday, January 6, 2010

Salo-Salo sa Lunch Date


"Isa kang Batang 90's kung naabutan mo ang "Lunch Date" at "SST" sa Siete kung kailan sikat na sikat si Randy Santiago."

Halos kasing-tanda ko ang Eat Bulaga. Ipinagmamalaki ng mga dabarkads ang kanilang ikatlong dekada sa telebisyon dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin matinag ang trio nila Tito, Vic, and Joey kahit na hindi na sila bumabata sa paglipas ng panahon. Ilang noontime shows na ang pinataob ng itinuturing na pundasyon sa oras ng siesta ng mga Pinoy.

Dekada NoBenta na nang magkamalay ako sa mga noontime shows. March 10, 1986 unang umere ang "Lunch Date" sa GMA Network, Nineties ko na nasakyan ang mga kalokohan ng mga hosts na paboritong pinapanood ng ermats ko. 'Yung batch na nila Toni Rose Gayda ang medyo naaalala ko. Siya nalang ang natira sa orihinal cast kung saan kasama sila Rico J. Puno, Orly Mercado, at Chiqui Hollman.

Naisip siguro ng Channel 7 na medyo oldies na ang naunang tropa kaya nila pinalitan ang pangkat ng mga hosts. Pinaghalo nila ang mga bago at lumang mukha sa showbis tulad nila Keno na walang apelyido, Jon Santos, Fe Delos Reyes, Pilita Corrales, Dennis Padilla, Lito Pimentel, Tina Revilla, Sheryl Cruz, Louie Heredia, Willie Revillame, at Randy Santiago.