Sunday, May 25, 2014

...Kinakarir Ko ang mga School Projects sa Hekasi


Sibika at Kultura. Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika. Araling Panlipunan. History.

Iba't iba ang tawag ngunit magkakabituka ang mga paksang pinag-aaralan.

Noong ako ay bata pa, nahilig ako kaagad sa mga aralin na ito dahil interesante para sa akin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa ating kultura at kasaysayan nating mga Pinoy.

One plus one? Magellan.

Two plus two? Lapu-Lapu.


Kahit na mathematics ang tanong, history ang isinasagot ko.

Sino ang pumatay kay Magellan? Si Lapu-Lapu.

Sino ang pumatay kay Lapu-Lapu? Hindi ako.

Sino nga?! Baka 'yung kusinero.

Ang mga school subjects na ito ay may kanya-kanyang school projects na dapat magawa para makakuha ng mataas na grado mula kay titser na mas mataas magbigay ng grade sa mga estudyanteng bumibili ng kanyang mga panindang yema.

Class, meron akong ipapagawang project sa inyo at ang deadline ng pasahan nito ay next week. Gamitan niyo ng short kokomban, ilagay niyo sa short na polder, at lagyan niyo ng fastener (potah, tumama rin sa pronounciation pronunciation!). 

Friday, May 23, 2014

...Masayang-Masaya Ako Kapag May Field Trip

 


"Class, magkakaroon tayo ng field trip. Papirmahan niyo sa mga peyrents niyo ang form na ibibigay ko at ipasa niyo sa akin hanggang next Monday kasama ang bayad."

Kapag ganito ang anunsiyo ni titser sa klase, biglang nababalot ng saya ang buong silid-aralan. Naglalakihan ang mata sa pagka-excite, biglang napapangiti at napapakuwento sa mga katabi ang bawat estudyante. Unti-unting umiingay ang loob ng classroom.

"Wow, pupunta tayo sa Disneyland (as if)!"

"Yehey, makakapunta na tayo sa pagawaan ng tocino at longganisa sa talipapa!"

"Yipee, walang pasok!". Ito ang pinakamasaraap sabihin kapag may mga ganitong pagkakataon.

Siyempre, hindi padadaig si Ma'am at sisigaw ito ng "Class, kung gusto niyong matuloy ang field trip, huwag kayong maingay!!!". Moment of silence sa pagiging KJ ng guro. Sabay babanatan kami ng "Okay, bumili nalang kayo ng yema. Ubusin niyo na itong paninda ko para hindi masira. Sa Lunes niyo nalang din bayaran.".

Thursday, May 22, 2014

...Nagbaba-bye Ako Kapag Nakakakita ng Eroplano

 


Ang aking lolo at lola sa side ni ermats ay naninirahan sa Hong Kong kasama ang pamilya ng mga tita kong nanirahan doon noong mga unang taon ng dekada otsenta. Tuwing sila ay dumarating galing sa ibang bansa ay sumasama ako sa pagsundo sa kanila sa paliparan. Sa totoo lang, marami kaming magpipinsan kaya paunahan sa kung sino ang makakasama. Iyak at hagulgol nalang ang maririnig mo sa kung sino ang papalaring maiwan nalang sa bahay. Masasabi kong ibang-iba ang kultura nating mga Pinoy kapag may dumarating na kamag-anak galing ibang bansa dahil mismong pamilya ko ay naranasan ito. Aaminin kong dumaan din ang aming angkan sa puntong isang batalyon ang nagsusundo sa NAIA. Hapon pa ang lapag ng eroplano pero umaga pa lang ay nandoon na kaming punung-puno ng pananabik. Nakakita na ba kayo ng isang jeep na animo'y may outing dahil sa mga kaldero ng ulam at kanin na dala? Ganun kami kapag nagsusundo.

Tuesday, May 20, 2014

...Kumakain Ako ng Kaning Binudburan ng Asukal



Hindi mapaghihiwalay ang Pinoy at ang kanin. 

Kahit saan mang lupalop ng daigdig o saan mang sulok ng mundo ay gagawa at gagawa ng paraan ang anak ni Juan Dela Cruz upang makahanap ng isasaing na bigas. Napakaimportante nito sa buhay nating mga Pilipino. Kahit nga ang pag-aasawa ay ikinukumpara sa kanin -  hindi mo puwedeng iluwa kung mapapaso ang iyong bibig sa pagkakasubo. Bahala ka nang magkonek sa ibig kong sabihin.

Hindi kumpleto ang hapag-kainan kung walang white rice, bahaw, o sinangag. Aanhin mo ang masarap na ulam kung walang kanin? Napakasarap ng tinolang manok with matching patis na sawsawan. Afritada, menudo, mechado, at kaldereta. Sinigang na bangus. Nilagang baka na nlulunod sa taba. Adobong pusit, manok, o baboy. Kapag ganito kasarap ang mga ulam ay siguradong ang rice cooker ang una mong hahanapin. Mapapamura ka malamang sa alamang kung walang special sinandomeng o kahit NFA man lang.

Sa bawa't tahanan, maging ng mayaman o mahirap na pamilya man, isang mortal sin ang maubusan ng bigas. Sabi ng mga matatanda, maubusan ka na ng ulam, huwag lang ng kanin.

Noong ako ay bata, may mga panahong wala kaming ulam sa bahay pero meron naman kaming kanin. At dahil wala kaming masarap na putahe ng ina ko, may mga bagay kaming ginagawa sa kanin upang maitawid lang sa gutom ang mga kumukulong sikmura.

Sunday, May 18, 2014

Featured Blogger: Thë Walrus

RALVIN "Thë Walrus" DIZON
"Kung hindi abot ng utak mo ang pinagsasabi namin dito, hindi rin namin maabot ang punto ng pag-iisip mo."

Isa sa mga frustrations ko sa buhay ay ang matutong mag-drawing ng malufet. 

Noong ako ay bata pa, natatandaan kong mahilig akong magkulay ng mga coloring books na binibili ni ermats mula sa palengke. Bilib na bilib ang mga magulang at mga kamag-anak ko noon dahil sa murang edad ay nakukulayan ko ang mga nakapaloob sa libro nang maayos, walang lampas, at maganda ang kombinasyon. Sariwa pa rin sa aking mga alaala ang husay ko sa pagguhit. Ramdam ko noon ang angking talento ko dahil nasasali ako sa mga paligsahan noong ako ay nag-aaral pa sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame kahit na kadalasan nama'y umuuwi akong luhaan.

Hindi ko alam kung anong puwersa mula sa kalangitan ang nasalo ko noong nagsisimulang tumubo na ang mga kakaibang buhok o balahibo sa mga nakakatawang parte ng aking katawan. Bigla nalang nawala ang sariling utak ng aking mga kamay sa pagguhit at umasa nalang sa tracing paper.

Ngayon, kapag nakakakita ako ng mga malulufet na obra ay lubos agad akong humahanga sa kung sino man ng gumawa nito. Ngunit huwag niyong isipin na mababa ang panlasa ko sa sining dahil marunong din naman akong kumilatis ng "work of art".

Hindi ko maalala kung paano nagkrus ang landas namin sa mundo ni Mark Zuckerberg pero ang tanging natatandaan ko ay sobra akong naglaway sa mga larawang kanyang iginuhit gamit ang bolpen! Potah, akala ko noong una ay gawa ang mga ito gamit ang kung anong pang-kulay maliban sa tinta ng bolpen. Hindi ako makapaniwala sa mga nakita ko kaya sa naging instant fan ako ni Sir Ralvin Dizon

Saturday, May 17, 2014

...Namimitas at Kumakain Kami ng Alatiris

 

Ano ba ang tama, ALATIRIS o ARATILIS?

Mas nakasanayan kong tawagin itong alatiris dahil noong ako ay bata pa, naiisip kong magkapareho ang ibig sabihin ng pisil at tiris. Alin man sa dalawa, ang tanging totoo ay masarap itong kainin. Kung isa kang nilalang na hindi napagkaitan ng kabataan ay alam na alam mong parte ng paglaki ang pamimitas ng mga bungang ito.

Kahit saan yatang lugar sa Pinas ay may matatagpuan kang mga puno nito. Ang natatandaan kong kuwento tungkol sa pagkalat ng punong alatiris ay kinakain daw ng mga paniki ang mga bunga at itinatae nila ang mga buto nito sa kung saan man sila maabutan. Kaya nga minsang naglinis kami ng bubungan ay nagulat ako nang makita kong may tumutubong alatiris sa aming alulod! Kahit na inuunahan kami ng mga alaga ni Batman sa pamimitas ay may silbi naman ang kanilang mga ebak kaya walang personalan, trabaho lang. Ingat-ingat lang sa mga bungang kinagatan na nila dahil baka magka-rabies.