Noong tayo ay mga bata pa, napakadali nating disiplinahin. Isang sabi lang ni ermats ng "...may mamaw diyan!", ay matatakot na tayo at susunod na sa kung ano mang gusto niyang mangyari. Ngayong tayo ay matatanda na, pinipilit nating maniwala sa sinabi ni pareng Ely B. na "...wala namang multo ngunit takot sa asawa ko!" Tama, nakakalimutan nating may multo dahil sa busy-busy-han na tayo sa buhay na parang life; pero kapag malapit na ang undas ay bigla tayong binabalikan ng ating pagkabata upang takutin sa mga aswang, kapre, masasamang ispiritu, at kung anu-ano pang mga bagay na hindi natin mabigyan ng paliwanag.
Ano bang mayroon sa Halloween, All Saint's Day, at All Soul's Day? Bakit sa tuwing sumasapit ang okasyon na ito ay kailangan nating takutin ang ating mga sarili sa mga bagay na pinaniniwalaan nating nakakatakot?
Sa teevee, halos lahat ng palabas kapag huling linggo ng Oktubre ay nakakatakot. Biglang ipinapalabas ang "Shake, Rattle, and Roll" na mayroon na yatang isandaang sequels. Halos lahat ng channels ay pare-pareho ang tema - ang walang-kamatayang nakakatakot na mga kuwento ng mga namatay na nagbalik sa mundo upang patayin sa takot ang mga taong 'di pa namamatay!