Noong ako ay bata pa, may mga pamamaraan kaming ginagawa para malaman kung ang isang lalaki ay tunay na lalaki. Sa simpleng pagmamasid sa mga galaw ay masasabi mo raw kung tigas ang isang barako.
"P're, nakatapak ka ng tae."
Subaybayan kung paano niya titingnan ang ilalim ng sapatos o tsinelas.
"Hoy, may dumi ang siko mo."
Abangan kung paano niya titingnan ang siko.
"Pards, pwede nang taniman ng kamote ang loob ng mga kuko mo."
Pagmasdan kung paano niya titingnan ang mga kuko.
"Bespren, inom ka muna ng isang basong Coke."
Tingnan ang hinliliit ng kanyang kamay na nakahawak sa baso.
"Sindihan mo na ng posporo itong susunugin natin."
Antayin kung saang direksyon ikakaskas ang palitong gagamitin.