"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang istorya sa likod ng 'Take it! Take it' ng 1994 MFF Awards."
First of all, nagpapasalamat ako sa aking mga masugid na tagasubaybay. Kung wala kayo ay wala rin ako rito sa kinalalagyan ko ngayon. Kayo ang nagsilbing inspirasyon ko upang uminom ng gamot kontra limot para maalala at maisulat ang mga kalokohan noong Dekada NoBenta. Sa aking asawang Supernanay din ng aming kambal na anak, sa inyo ko inaalay ang mga naisusulat ko dito. Sa buong Maykapal na nagbibigay sa akin ng lakas ng loob upang ipagpatuloy ang aking nasimulan, lubos akong nagpapasalamat at ibinabalik sa Iyo ang karangalan. At sa lahat ng nakalimutan kong banggitin, salamat din sa inyo...you know who you are!
Paksyet na panimula, parang tumatanggap lang ng tropeo sa isang parangal.
Likas na sa ating mga Pinoy na subaybayan sa teevee ang gabi ng parangal kapag may nagaganap na pista ng mga pelikula. Ang "Araw ng Maynila" ay ipinagdiriwang tuwing June 24 at isa sa mga ipinagyayabang nito ay ang Manila Film Festival kung kailan mga pelikulang Pinoy lang ang ipinapalabas sa mga sinehan ng kabisera ng Pilipinas.