Hindi ito tungkol kay Bob Ong. Oo, aaminin kong naging tagahanga niya ako pero hindi ko siya gagawaan ng entry. Nabubulunan na ako sa mga fan pages, text messages, at emails na nagpapakalat ng mga pangaral niya (daw) na obvious namang inimbento lang ng umiidolo sa kanya.
Sabi ng misis ko ay X-Rated daw ang mga previous posts ko kaya naisipan ko namang gumawa ng entry para sa mga bata at nag-iisip-bata!
Ang Bob na tinutukoy ko ay walang iba kundi si ROBERT STEWART o mas kilala bilang "UNCLE BOB". Ngayon ko lang nalaman (kahit na mahilig ako sa trivia) na siya pala ang founder ng Kapuso Network. Thanks to Pinoy TV na madalas i-commercial ang "mini tribute" para sa kanya, nalaman ko na isa siyang former American war correspondent na gumamit ng lumang transmitter na nabili pa ng pahulugan upang simulan ang REPUBLIC BROADCASTING SYSTEM. Siya rin ang nagtatag ng radio station na DZBB. Sa sipag at tiyaga, tumagal ng ilang dekada ang sinimulan niya. Ika nga nila, "the rest is history".
Sa mga batang lumaki noong 50's at 60's, sikat si Uncle Bob dahil mayroon siyang sinimulang Saturday morning show entitled "UNCLE BOB'S LUCKY 7 CLUB". Ayon sa nasusulat, isa itong wholesome show dedicated to children na nagsimulang mag-air noong late sixties (sorry pero hindi matukoy ni pareng Wiki ang exact date). Siya mismo ang host ng show kasama ang dalawang puppet na sila SPANKY at PANCHO. Highlight daw ng show yung parang "Show and Tell" portion ng mga bata tungkol sa favorite nilang laruan at pagbabasa ng mga mails ni Uncle Bob galing sa kanyang mga fans. Dahil dito, dumami ang mga batang tagasubaybay na naging member din eventually ng club niya.
Para sa ating mga laking Dekada NoBenta, 'di natin siya kilala ng lubos. Noong late eighties (bata pa ako noon) ay naabutan ko pa siya sa teevee pero sa murang edad ko noon ay nagtataka ako kung bakit kailangang isang lolo ang mag-host ng isang children's show. Ang tanda na niya kaya para maging credible sa mga laruan na pinapakita sa program niya!
Nang pumasok na ang nineties at medyo may kaliwanagan na ang isip ko ay naging viewer na rin ako ng UBL7C. Pero wala na si Uncle Bob, 'yung anak niyang si KUYA JODIE ang pumalit bilang host ang naabutan ko. Lumaon ay napalitan na rin siya ni TITA APRIL na naging asawa niya. Sabi ng erpats ko, hindi na kasing-saya nang nawala na si Uncle Bob sa show. Okay lang dahil pinapanood ko lang naman ito para maging updated sa mga bagong laruan na ipabibili namin ng utol kong si Pot sa mga lola at lolo naming nasa Hong Kong.
Pinauso ni Bob ang "live TV commercial" kung saan ini-endorse nila sa show niya ang mga laruan na ibinibenta ng mga sponsors. Ang dami naming gustong bilihin ng mga utol ko. Naaalala niyo pa ba ang "Connectibles"? Eh ang mga action figures ng "G.I. Joe"? Isama mo pa yung "Play-Doh" na mamahaling klase ng clay. Tapos dito ko rin unang nakita 'yung "Zoids" - mga hi-tech na laruam ito eh, parang mga electronic dinosaurs. Eh yung "Hot Wheels" ng Matchbox? Ang daming laruan na nakakapagpalaway sa'min ni utol kapag pinapanood namin ang show.
Inabangan din namin dito yung spaceship ni Shaider na Babylos. Yung nagiging baril. gustung-gusto namin magkaroon n'un dahil idol namin si Alexis! Kaya ayaw na ayaw ni erpats na nanonood kami nito dahil ang dami naming gustong ipabili!
Parang natupad ang dasal ni tatay at nawala sa ere ang show noong 1997.
As for Uncle Bob, he died a happy man on 2006 in his house at Arizona, Phoenix. Pero kahit wala na siya, siguradong buhay pa rin sa alaala ng mga batang katulad ko ang mga masasayang araw na ibinigay ng kanyang show!
Ang sarap talaga maging bata, laruan lang ang po-problemahin mo!
Ang sarap talaga maging bata, laruan lang ang po-problemahin mo!