Wednesday, November 25, 2009

Manananggal ng Lakas


"Isa kang Batang 90's kung naniwala kang nanganganak ang mga mababangong kisses at may taong-ahas sa Robinsons."

"Dito sa Saudi, nakakakalbo ang tubig...", ang narinig kong kuwento mula sa isang tumanda na dito.

Hindi ko alam kung mayroong sapat na batayan pero minsan ay gusto ko nang maniwala sa tubig na nakakalagas ng buhok dahil kung papansinin mo nga ang mga retiradong galing dito, puro shaggy ang buhok... shagilid nalang!

"Hala ka, lalabas diyan ang kinain mo...lalabas yung pari...lalabas yung tren...", pananakot ng mga matatanda sa mga nasugatang bata.

Nakanamputs naman, saan ba nagmula ang pauso nating mga Pinoy na mayroong sugat na nagsusuka ng kanin? Itinuro naman sa mga paaralan na magkaiba at circulatory at digestive systems.

Urban Legends - mga kuwentong pilit na pinapaniwalaan pero wala namang katotohanan. Sa madaling salita, tsismis lang na pambansang libangan nating mga Pinoy. Ang lufet ng imahinasyon ng mga ninuno natin para takutin tayo na kapag lumabas ng bahay ay may mumo o pulis na kukuha sa iyo. Kaya siguro "gullible" ang karamihan ay dahil pinalaki tayo sa kasinungalingan. Nakakatawa nga namang tingnan ang  isang paslit na nanginginig habang pinapaiyak. Letsugas.

Noong Dekada NoBenta, maraming kumalat na kuwento na siya namang pinaniwalaan ng karamihan. Ang masaya nito, isa ako sa mga nauto ng mga tsismis na pinag-usapan ng mga kalahi ni Cristy Permin.

Thursday, November 19, 2009

Isangguni Ang Kabataan

"Isa kang Batang 90's kung nakaboto ka sa kauna-unahang SK Elections noong 1992."

Sa tuwing napapanood ko ang patalastas ng Starstruck sa PinoyTV dito sa Saudi ay naaalala ko ang panahong minsan ay nangarap din akong maging isang artista. Paano ba naman, bata pa lang kami ng mga utol at pinsan ko ay itinanim na sa aming mga kukote na ang aming Lolo Bitoy ang nakadiskubre kay Ate Guy noong nagtitinda pa lamang siya ng tubig sa isang istasyon ng tren sa Bicol. Ang kuwento ni ermats sa amin, sa bahay daw nila sa Adamson Crame tumira si Nora Aunor.

Naramdaman ko ang star factor na dumadaloy sa dugo ko habang ako'y lumalaki kaya noong minsang nakita ko si Kuya Germs sa Greenhills, nagpapansin ako at nagtanong kung puwede akong maging talent niya.

Tumawa siya.

Sabi ko ay ninang ko si Matutina at ninong ko si Cesar Dimaculangan. Lalo lang siyang tumawa at sa pagkakataong iyon ay humahalakhak na siyang parang aatakihin na sa puso.

Pag-uwi ko sa bahay, nagdadabog kong sinabi sa aking erpats na bilihan niya ako ng bola. Magbabasketbol nalang ako at gagayahin ang idol niyang si Jawo. Noong magkaroon naman ako nito ay bano naman ako sa kort ng Mangoville. Hindi ko na pinangarap na mag-enrol pa sa Milo Best upang maging manlalaro sa Philippine Basketball Association.

Sinabi ko na sa blog kong Eraptions na umiikot ang buhay nating mga Pinoy sa PBA - Pulitika, Basketball at Artista. Lagpak na ako sa dalawa, kaya hindi ko na inambisyong maging pulitiko dahil senyales na iyon na wala akong pag-asa sa tatlo. Ngunit parang noong nagbitaw ang idol kong si Miriam Santiago ng pamosong linyang "I lied!", kinain ko rin ang aking mga sinabi sa pagsabak sa pulpolitika.