Sabi ng matatanda, puro kalokohan lang daw ang mapupulot sa mga cartoons na napapanood sa teevee.
Nang ipalabas sa GMA 7 ang dalawa sa mga pinakapaborito kong animated shows noong ako ay bata pa, nag-iba ang ihip ng hangin. Sino ba namang magulang ang hindi matutuwa kapag nalaman mong mga kuwento mula sa Banal na Biblia ang tinututukan ng mga anak mo sa telebisyon?
Unang ipinalabas ang "Superbook" sa Japan noong October 1, 1981 at nagtapos noong March 29, 1982 na may 26 episodes. Ito ay bumalik sa ere bilang "Superbook II" mula April 4, 1983 hanggang September 26, 1983 na may 26 episodes. Sa pagitan ng dalawang seasons ay ipinalabas naman ang "The Flying House" mula April 5, 1982 hanggang March 28, 1983 na may 52 episodes. Ang mga ito ay ginawa ng Tatsunoko Productions para sa distributor na Christian Broadcasting Network na nakabase sa Tate.