Thursday, May 9, 2013

Itong Kantang Ito


"Isa kang Batang 90's kung narinig mong lahat ang mga versions ng 'Ikaw Pa Rin' na unang pinasikat ni Ted Ito."

Itong kantang ito ay hindi kay tsong at kay tsang. 

Ito ay tungkol sa isang awiting unang pinasikat ni TED ITO noong mga unang taon ng ng Dekada NoBenta. Maganda ang pagkakagawa kaya naman naibigan ito ng masang Pinoy. Hindi lang 'yung tipong nagustuhan lang ng ilang linggo kundi tumagal ito sa radyo ng ilang buwan o taon pa yata katulad ng mid-90's dance craze na "Macarena".

Ang malufet nito, sa tindi ng kasikatan ay naisipan ng ilang mga songers at grupo na gawaan ito ng kani-kanilang bersyon.

Ihanda na ang iyong mga tenga dahil babasagin natin ang mga tutule niyan sa pamamagitan ng pakikinig habang nagbabalik-tanaw sa panahon kung kailan mukhang kinapos sa kakayahang makapagsulat ng mga bagong kanta ang mga mang-aawit kaya wala silang nagawa kundi ang makiuso sa "revival". Marami silang nakisakay kaya hindi ko na maalala ang pagkakasunud-sunod ng kanilang pagkakalabas.
 IKAW PA RIN by Ted Ito

Nasa ika-anim o ika-limang na baytang ng elementarya noong una kong marinig ang "Ikaw Pa Rin" ni Ted Ito. Bigla nalang itong gumawa ng ingay sa mga himpilan ng radyo at naging team song nina Dudong at Inday. Nagbibinata ako noong mga panahong iyon kaya naman may kakaibang kilig akong nararamdaman sa tuwing naririnig ko ang pamatay na labsung. Inlababo ako sa aking crush noon kaya tumutusok sa aking puso ang punyetang koro ng awitin.

Nais ko'y makapiling kang muli
Nais kong mayakap kahit na sandali
Kung pangarap ma'y tatanggapin ko
Ikaw pa ring ang iniibig ko

Sa totoo lang, kahit na sikat na sikat ang kantang ito ay hindi ko maalala ang pagmumukha ng umawit. Ngayon ko lang nakita sa internet ang kanyang itsura na hindi ko pa masyadong maaninag dahil sa kalabuan ng mga kopya. Ayon sa aking pagsasaliksik, ang alamat na si Vehnee Saturno ang gumawa ng mga liriko nito. Nagulat ako sa kuwento ni pareng Wiki dahil ayon sa kanya, isang Hapon daw si Ted Ito. Hindi kailanman tumatak sa isipan ko na isa siyang banyagang marunong mag-Tagalog dahil ang pagkakaalam ko ay isa siyang tunay na Pinoy. Ginawaan ko pa nga ng song review ang isa niya pang single na pinamagatang "Maghintay Ka Lamang" sa Values Education noong ako ay nasa hayskul na. Kung totoo ang impormasyon, siya pala ang sinauang Ya Chang!

Aminin mo, minsan sa buhay mo ay sinubukan mong kantahin ito sa videoke.

SAIGO NO IIWAKE by Hideaki Tokunaga

Bago tayo magtungo sa ibang mga bersyon ay alamin na muna natin kung sino ang tunay na salarin sa awiting lumamon sa Pinas noong early 90's. Nagmula sa 1989 album na "Realize", ang "Saigo no Iiwake" ay isang orihinal ng Hapong si Hideaki Tokunaga. Isa ako sa mga nagulat nang malamang hindi pala orig ang kinababaliwang kanta ng masa. Ganun pa man, hindi ito nakasira sa kasikatan ng "Ikaw Pa Rin".

Akala ko noon ay isang direktang pagsasalin sa wikang Tagalog ang liriko ni Ka Vehnee ngunit magkaiba pala ang mensahe ng mga awiting ito. Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin ng pamagat ni Tokunaga ay "The Last Excuse" at ang kwento nito ay tumatakbo sa paglimot sa isang minamahal.

Kumita kaya ang Japs na ito sa mga royalties na natanggap mula sa mga revivals ng kanyang kanta?

MY ONE AND ONLY by Keempee De Leon

Oh my God, ang anak ni Joey!

Isa ito sa mga pinakasikat na bersyon lalo na sa mga bebot dahil poging-pogi ang noo'y batang-bata pang si Kimpoy. Kung papansinin mo ang litrato niya sa cassette, hindi pa niya suot ang mauusong "Keempee hairstyle". Ito yata ang unang English version na narinig ko. Malamang sa alamang, kung tatanungin mo si Keempee sa kung ano ang naaalala niyang kanta noong sinubukan niyang maging singer, ito ang isasagot niya.

KAILANMAN by Maso

Kung pumatok sa panlasa mo ang grupong Hotdog, sigurado akong pumatok din sa iyo ang bersyon na ito ni Maso Diez, isa sa mga dati nitong miyembro. Alam naman natin kung gaano kaganda ang umawit nito - hindi lang sa pagmumukha pati na rin sa boses.

COME BACK HOME by Maso 

Hindi nakuntento o sadyang ginanahan si Maso sa Tagalog na bersyon kaya mayroon din siyang Ingles nito sa kabila ng kanyang plaka. Mas trip ko 'yung nauna.

IKAW PA RIN by Michael V. 

Nagsimula ang noo'y patpating si Michael Valenci bilang isang rapper na kumalaban kay Andrew Espiritu. Mayroon siyang rap version ng "Ikaw Pa Rin" na kasama sa kanyang debut album kung saan ang koro ay walang liriko kundi tunog lang ng saxophone. Bukod sa "Maganda ang Piliin" na ipinantapat sa "Humanap Ka ng Panget", isa ito sa mga klasik na paborito ko kay Bitoy. Bago ako ako naging isang rocker na may pag-ibig na metal ay ganitong klase ng tugtugan ang aking mga pinapakinggan sa aming karaoke.

IKAW PA RIN by Ana and Soraya (Fire) 

Mula sa tinaguriang "country's first premiere pop-rock duo", ang bersyon ng kape't gatas na tandem na ito ay may kaparehong pamagat ng kay Ted Ito ngunit may ibang liriko. Ito ay galing sa kanilang 1991 album na pinamagatang "Fire Burning Inside". Sa lahat ng mga gumaya, ito ang masasabi kong kakaiba dahil sa tema ng tugtugan. Lumayo sila sa simpleng labsung at naging mala-rock ballad. 'Yun nga lang, hindi ko pa sila trip noon dahil hindi ko pa tropa sila pareng Kurt upang masabik sa kaskas ng gitara.


KAILANMAN by Jocelyn Enriquez

Ito ay isang rendition ng isang revival. May mas lulufet pa dito?

Hindi ko na masyadong napansin ito dahil alternatibong Pinoy na ang pinapakinggan ko nang inilabas noong 1997 sa Tate ang ikalawang album ng Pinay kung saan kasama rin ang medyo sumikat na single na "Do You Miss Me?". Idol niya yata si Maso Diez dahil ang balita ko ay may bersyon din siya ang "Comeback Home".

KAILANMAN by Kawago

Fast forward to early 2000's. Lumabas ang isang rap song kung saan ang koro ay gamit ang koro ng "Kailanman" ni Maso Dies. Gumugulo ang hatian ng royalty, may kikitain pa kaya sila? Ganun pa man, hindi pa rin nawawala ang magandang musikang maririnig mula sa piyesa ng "Saigo no Iiwake".

IKAW PA RIN (DJ Rozqui 2010 Funky Mix)

Noong kasikatan ng mga revivals ng "Ikaw Pa Rin" at "Saigo no Iiwake" ay nauso rin ang remixes sa radyo. Naaalala ko ang pag-aabang ko sa 89DMZ para makapag-record ng upbeat na bersyon nito. 'Yung pwedeng sayawin sa disco. Ang malufet nito, madalas ay pinagsasama-sama ng deejay ang lahat ng mga kanta - mula sa Japanese hanggang sa Tagalog at sa Ingles. Mabilis ka nga lang dapat sa pagpindot ng "stop button" upang hindi ma-record ang boses ng deejay o kaya naman ang bwiset na commercial!

Ang 2010 funky mix na ito ay panalo. Brings back memories!

IKAW PA RIN by Willie Revillame 

Potah, may humabol.

Hindi na kailangan ng paliwanag. Biglang nasira ang kabataan ko!




2 comments:

  1. emergerd.... nakakamiss tong song na ikaw parin.... grabe!

    di ko inakalang jap ang singer... ngayon ko lang napuna nung nasabi mo... based sa enounciation, medyo haponish nga

    ReplyDelete
  2. Totoo ba na c Ted Ito ay japanese na di daw marunong talaga mag tagalog pero nagawa nya kantahin ng malufet?

    ReplyDelete