Friday, January 18, 2013

Happy Little Trees

ROBERT "BOB" ROSS
(October 29, 1942 - July 4, 1995)

"Isa kang Batang Nineties (at Eighties) kung namangha ka sa talento ni Bob Ross" 
Noong ako ay bata pa, mayroong isang canvas painting sa bahay ng mga lola ko sa Adamson Crame ang madalas kong titigan dahil sa sobrang ganda ng pagkakagawa. Parang tunay 'yung tanawin na bundok, ilog, sinag ng araw, mga ulap, at mga puno kaya kapag nakikita ko ito, ang pakiramdam ko ay nandoon ako mismo sa lugar na iyon. Ganun yata talaga ang imahinasyon kapag nasa pre-school stage ka pa lang, "carried away" kaagad sa mga nakikita.

Nasa unang baytang ng elementarya nang mapanood ko sa RPN 9 ang isang nagpipintang lalaking balbas-sarado at may kakaibang buhok. Bigla kong naalala ang nakasabit sa dingding ng bahay nila lola - kahawig ng nasa teevee kaya mula sa pagkakatayo habang hawak ang pihitan ng channel ay napaupo ako sa aming sofa. Nanood ako ng may konting pag-aalinlangan dahil baka may cartoons na sa Channel 7. Hindi ko namalayan, natapos ko na pala ang buong programa. Taena, ang ganda ng nagawa niya.

Wednesday, January 16, 2013

Sampu't Sari: Bong Espiritu ng Philippine Violators


Itinuturing na isa sa mga haligi ng Pinoy punk / hardcore scene, ang PHILIPPINE VIOLATORS ay nabuo noong Marso 1984 sa pamumuno ng magkapatid na BONG ESPIRITU (vocals) at Jesus "Senor Rotten" Espiritu (guitars). Kasama nila sa orihinal na grupo sina Seymour Estavillo (bass) at Noel Banares (drums).

Sa ilalim ng indie punk label na Twisted Red Cross o mas kilala sa tawag na TRC ay lumabas ang kanilang debut album na "Philippine Violators At Large". Dahil sa angas ng kanilang tugtugan ay nabigyan sila ng pagkilala at nagkaroon ng mga tagahanga hindi lamang sa Pinas kundi na rin sa labas ng bansa tulad ng Europe, ilang bahagi ng Asya, at America.

Isang patunay dito ay ang grupong Abalienation. Laking-gulat at mas lalong tumaas ang paghanga ko sa PhilVio nang mapansin ko sa cover ng aking biniling cassette tape mula sa Musikland sa Ali Mall Cubao ay nakasuot ng t-shirt na may print ng "At Large" ang bokalista nila. Biruin mo, tagahanga ng grupong Pinoy ang hinahangaan kong stateside na punks!
Nang mawala ang TRC ay binuo ng magkapatid na Espiritu ang Rare Music Distributor (RMD) Records. Noong una ay para lamang sana ito sa mga musikang ilalabas ng PhilVio tulad ng "State of Confusion" album ngunit nang lumaon ay naging "breeding ground" ito ng mga grupo sa underground scene. Nakatulong ang RMD sa pag-produce ng mga compilation albums tulad ng "Screams From the Underground" na sumuporta sa mga independent artists.

Monday, January 14, 2013

Telebobos

"Isa kang Batang Nineties kung natakyut ka sa mga Teletubbies."

Hindi ko alam kung paano ako napadpad sa lugar na iyon - luntian ang kapaligiran, dinig na dinig ko ang mga huni ng ibon, at ang daming mga bulaklak na humahalimuyak.

Pahiga na sana ako sa damuhan nang makita kong may mga papalapit sa akin na mga nilalang na mukhang aliens na kasama sa United Colors of Benetton. Habang patungo sila sa akin ay napansin ko ang mukhang engot nilang pagtakbo at unti-unti kong narinig ang mala-abnoy na pagsambit nila ng "EH-OH! EH-OH! EH OH!".

Tumakbo ako papalayo sa kanila. Sobrang bilis na halos sasabog na ang aking dibdib sa paghinga. Malas ko lang at ako ay natalisod sa pesteng batuhan. Nang maabutan nila ako ay bigla silang pumalibot sa akin at sabay-sabay na nagsabi ng "UH-OH!".

Biglang may humampas nang mahina sa aking mukha. Isa, dalawa, tatlo, apat.

"Kuya, gising ka na. Nood tayo ng teevee.", narinig kong lambing ng tatlong-taong gulang kong utol na si Carlo.

Salamat at panaginip lang pala. Epekto lang siguro ng gin pomelong ininom namin kagabi.

Nang mabuo na ang aking diwa habang nakahiga pa rin sa aming sofa ay naaninag ko ang palabas sa telebisyon. Napasigaw ako ng malakas na "Waaahhhhhh......".

Taena, nagkatotoo 'yung bangungot ko!

Sunday, January 13, 2013

Pinoy Bato: Pinoy Rock 90s

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang compilation album na 'Pinoy Bato'."

Released in 1991 and produced by Heber Bartolome, ang independent compilation album na ito ay ang isa sa mga pinakapaborito ko noong Dekada NoBenta. Kabilang sa obrang ito ang apat na grupong mula sa Pinoy Underground scene - Wuds, Philippine Violators, Mga Anak ng Tupa, at The Next.