Sa loob ng sasakyan ay masayang nakikinig ng musikang alternatibo sa Campus Radio 97.1 WLS-FM ang matalik na magkaibigang sina Joshua at Christian nang biglang ipatugtog ang "MMMBop" ng Hanson matapos ang "Where It's At" ni Beck. Ito ang unang pagkakataong pinayagan ng kani-kanilang mga magulang ang dalawa na lumabas ng Maynila para maglibang.
Tangina 'tong LS na ito, bakit ang dalas nitong buwisit na kantang 'to? Lipat natin sa NU.
Teka Josh, nagugustuhan ko 'yan, patapusin mo nalang.
Seryoso ka o nagpapatawa?
Mmm bop, ba duba dop, ba du bop, ba duba dop, ba du bop, ba duba dop, ba du...kaninang umaga ko pa naririnig sa loob ng tenga ko 'yang kantang 'yan. Maganda naman, 'di ba?
Mukha kang gago! Bumibigay ka na ba sa mga boylets na 'yan?
Hihirit pa sa sana ang kaibigan ngunit nailipat na ang istasyon ng radyo.
Sino kaya ang mas mukhang gago, eh alam mo namang nakikinig ako tapos ililipat mo!
Eh ayoko nga 'yang kantang 'yan.
Bahala ka nga sa buhay mo. Magyayaya kang gumala pero mas kupal ka naman sa kupal ng lolo ng lolo ko!
Inilabas nalang ni Christian ang dalang Game Boy at naglaro ng Super Mario Land. Ipinakita niyang nalilibang siya sa pagpindot ng teklada ng mamahaling laruang iniregalo sa kanya ng nanay na Japayuki. Hindi na niya inintindi ang ingay na lumalabas sa radyo.