Thursday, June 30, 2011

...Ayokong Mahuli sa Flag Ceremony

 

Tuwing Lunes, noong ako ay nag-aaral pa sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame, hindi puwedeng mahuli sa pagpasok dahil ito ay ang araw ng flag ceremony. Kaya naman maaga kaming ginigising ni ermats para maaga ring makaalis ng bahay. Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw naming mahuli tuwing unang araw ng linggo ay ayaw naming pumila sa linya ng mga "late-comers" kasama ang mga estudyante galing sa iba't-ibang sections. Bukod sa sermon ng mga guro namin, malaki ang posibilidad na maiiwan kayo para parusahan - magwalis ng mga tuyong dahon, magtapon ng basura, at kung anu-ano pang mga bagay na ayaw gawin ng mga bata.

Wednesday, June 29, 2011

Nang Lagnatin Si Pepsi


"Isa kang Batang Nineties kung nangolekta ka rin ng mga tansan ng Pepsi para maksali sa 'Number Fever'."

Noong nasa Saudi ako, kapag sinabihan mo ang tea boy na gusto mo ng cola, PEPSI ang ibibigay sa'yo. Ngayong nandito ako sa China, hirap pa rin akong maghanap ng Coke dahil ang soda na may kulay red, white, at blue pa rin ang sikat dito. Sabi ng mga klasmeyts kong nasa lupain na ni Uncle Sam, ito rin daw ang patok na soda sa panlasa ng mga puti. Sa ating mga Pinoy, hindi mapagkakaila na ilang taon na ang paghahari ng Coca-Cola sa industriya ng pamatid-uhaw na mas kilala sa tawag na softdrinks. Parang hindi kumpleto ang hapag-kainan ng pamilyang Pilipino kung walang ibubuhos na saya galing sa bote ng Coke.

Once upon a time, Pepsi naman talaga ang inumin ni Juan Dela Cruz. Nagbago lang ang ihip ng hangin simula ng maging "cool" ang marketing strategy ng kanilang kalaban noong Dekada Otsenta. Natatandaan mo pa ba si Joey ng Royal Tru Orange? Isa siya sa mga dahilan kung bakit naging pang-masa ang mga produkto ng Coca-Cola.

Monday, June 20, 2011

Eraserheads Ultimate Music Challenge



Mga pare ko, sigurado akong isa ka sa mga nabigyan ng ligaya ng grupo nila Ely, Raimund, Marcus, at Buddy sa pamamagitan ng kanilang mga kanta noong Dekada NoBenta. Kung hindi ka naman isang ganap na Batang Nineties, sigurado rin naman akong napakinggan mo na ang ERASERHEADS at kahit papaano ay nakasabay ka sa kanilang mga kanta na 'di mo namamalayan. Bilang pagbibigay pugay sa isa sa mga pundasyon ng Pinoy Alternatib, muli nating balikan ang mga lirikong ibinahagi nila sa atin.

INAANYAYAHAN KO ANG LAHAT SA ISANG MUSIC CHALLENGE. Simple lang naman ang hamon ko, ibigay lang ang taytol at studio album (walang kanta dito na galing sa mga compilations nila) kung saan galing ang mga sumusunod na lyrics. Mas maraming tumpak na sagot, mas magaling siyempre! Para mas masaya ang banatan, may Excel Version ito kung saan puwede mong malaman ang iyong rating . Nasa itaas ang link para makapagdownload.

1.      ako'y naglalakad sa isang makipot na daan, ako'y patungo sa isang
         kaibigan
2.      santa himself is coming this year even if it's not snowing here
3.      tuyo na ang labada, utak ay hindi pa
4.      mapapatawad mo ba ako kung hindi ko sinunod ang gusto mo
5.      like a spell the sound came dancing in our heads
6.      lumingon sa umpisa, sino sa ating dal'wa?
7.      makita lang ang kislap ng kanyang mga mata, ako ay busog na
8.      try the maja-blanca and my leche flan
9.      tumatanda na ang pusa ko kahihintay sa linya ng telepono
10.    tsaka nalang pala 'yung utang ko, 'pag nagkita nalang uli tayo
11.    wala namang multo ngunit takot sa asawa ko
12.    'pag masyadong malalim pati ika'y malulunod
13.    walang dapat sisihin kundi ang sarili
14.    sabi naman ni rico j. puno, mag-ayos lang daw ng upo
15.    paano papasok sa pintuan kung hindi naman puwedeng buksan
16.    di maaaring ariin ang pag-aari ng nagmamay-ari
17.    everybody get down, funky little heaven nature sing
18.    everything they say about me is true
19.    everytime I try to speak they don't get it for a week
20.    father markus said to me, "just confess and you'll be free"
21.    field trip sa may pagawaan ng lapis ay katulad ng buhay natin
22.    masagi na ang lola, huwag lang daw ang auto niya
23.    saan na tayo papunta? naliligaw na ba?
24.    sa harap ng madlang tao ay parang sikat na santo ngunit pag-uwi
         nito, nag-iibang anyo
25.    pawiin ang lahat ng bumabagabag sa isip na puno ng galit

Wednesday, June 15, 2011

...Naniniwala Ako sa Kapangyarihan ng F.L.A.M.E.S.

 

Masarap maging inlababo. Lalo na noong mga panahong bata ka pa. Kapag nasa ganitong stage ka, feeling mo ay napakasarap mabuhay sa mundo. Maaga akong na-in love. Nasa kindergarten pa lang ay may mga crushes na ako sa school. Gustung-gusto ko silang makita kaya naman ang sipag-sipag kong pumasok ng eskuwela. Akala ni ermats ay gustung-gusto kong mag-aral pero ang hindi niya alam, kaya ako hindi nag-aabsent ay para lang makita sa klase ang itinitibok ng aking puso. Naks!

Sa totoo lang, isa akong torpedo kapag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Ang panget ko kasi kaya wala akong confidence para manligaw. Ang nangyayari tuloy, puro ligaw-tingin lang. Hanggang panaginip at pangarap nalang.

Monday, June 13, 2011

Akala Ko Disney, 'Yun Pala Hinde


Mahilig ako sa karnabal. Wala naman sigurong bata, isip-bata, at mga nagpapabata ang hindi nahuhumalig dito.

Kahit na mga peryahan sa barangay ay dinarayo ko para lang makasakay sa mga karag-karag rides na nakakapagpabuhay ng kaluluwa. Gustung-gusto ko 'yung feeling na parang matatanggal na ang mukha mo dahil sa bilis ng sinasakyan. Pangarap kong masakyan 'yung mga nakakatakot na rollercoasters na ipinapakita sa Discovery Channel. At siyempre pa, pangarap ko ring makapunta sa Disneyland kasama ang aming Wonder Twins at ang kanilang Supernanay.

Ako ay laking-Crame kaya naman laman ako ng Cubao Noong Ako ay Bata Pa. Paborito kong pinupuntahan ng pamilya namin noon ay ang di-naalagaang (kaya naglaho nalang na parang bula) Fiesta Carnival. Isa ako sa mga milyung-milyong batang nagpakuha ng litrato noon sa istatwa ng kalabaw doon. Sayang nga lang at hindi man lang ako nakapagtago kahit isa nito. Tuwang-tuwa na ako sa Horror Ride, Go Kart, Ferris Wheel, Octopus at ang sikat na sikat nilang Rollercoaster. Kapag may birthday, may bonus si erpats, may anniversary, at iba pang mahahalagang pampamilyang okasyon, naisasama sa listahan ang pagbisita rito. Paksyet nga lang ang Araneta Center at napagpasyahan nilang tanggalin ang karnabal na maituturing na isang napakahalagang lugar sa kasaysayan ng Pilipinas at alaala ng bawat Pilipinong dumaan sa pagkabata noon.

Saturday, June 4, 2011

...Tropa Ko Si Giripit at Si Giripat

Isa sa mga mahirap makalimutan sa pagiging bata ay ang mga simpleng jokes na kahit na sobrang corny ay nakapagbigay-saya sa atin. Kung sabagay, mababaw lang naman talaga ang kaligayahan ko noon. Kahit na hanggang ngayong malaki na ako, wala nang mas bababaw pa sa ikasasaya ko. Este, matanda na pala dahil hindi naman na ako lumaki at tumangkad. Mais na naman ang intro.

Ako:   'Tol, may tanong ako sa'yo. Dapat masagot mo ha.
Utol Ko:   Ano 'yun?
Ako:   Dalawang magkapatid lang si Giripit at si Giripat. Mas matanda si Giripit kaysa kay Giripat. Eh namatay si Giripat, sino ang natira?

Mukhang napaisip si utol sa malufet kung puzzle.

Ang Prinsipeng Nakapagpalambot sa Konde

ang mahal na konde at ang munting prinsipe

Ilang beses ko nang nabanggit sa ilang mga walang kakuwenta-kuwenta kong naisulat na wala akong hilig sa mga potang lecheseryes sa teevee. Kahit na patok sa panlasang Pinoy, nauumay ako sa mga dramang paulit-ulit na hindi pinagsasawaang subaybayan ng karamihan. May mahirap na inaapi tapos yayaman dahil nanalo sa lotteng kaya maghihiganti. Sampalan, suntukan, sabunutan, at tadyakan. Nakaka-stress.

Early 90's nagulat nalang kami nila utol nang magpalabas ang ABS-CBN ng isang kakaibang cartoon sa kanilang istasyon. Para siyang telenovela na pambata. Sa totoo lang, ito ang kauna-unahang "Tagalized" o Tinagalog na anime' na ipinalabas sa Pilipinas at hindi nila alam kung kakagatin ito ng masa. Ang malufet pa nito, ito ay family-oriented na malayong-malayo sa mga Japanese masterpieces tulad ng Voltes V at  Daimos. Walang laser sword. Walang ultraelectromagnetictop. Iyakan at mga nakakaiyak na eksena, napakarami. Mabuti nalang at mahilig ako sa cartoons kaya sinubaybayan ko ang madramang buhay ng bida ng palabas na ito!

Babatukan ko ang sino mang Batang Nineties na hindi nakakakilala kay CEDIE, ANG MUNTING PRINSIPE.