Saturday, February 27, 2010

Ang Alamat ng ZAGU




Nagamit ko na dati ang salitang “alamat” sa isa sa mga titles ng mga urban legends sa “Manananggal ng Lakas”. Gagamitin ko ulit ito dahil may “K” naman ang nagpauso ng sosyal na shake sa Pilipinas noong Dekada No Benta.



Noong nasa grade school pa ako, paborito ko ang uwian dahil kapag nakalabas ka na ng gate ay sandamakmak na hepatitis vendors ang makikita mo at eengganyuhin kang ubusin ang baon mong pera. Nandiyan si Manong Fishballs, Si Mamang Sorbetero, Si Mamang Linupak, at ang pinakasuki kong si Manong Iskrambol. Oo na, matanda na siguro ako at clueless kayo sa sinaunang dirty shakes. Ito yung kinadkad na yelo na may food coloring na pink. Hahaluan ng asukal para tumamis. At ang pinaka-topping nito ay ang cocoa na nanggagaling sa lalagyan ng peyborit kong Hershey’s Brown Cow (walang hiya ka manong, niloko mo ako!) Mura lang ito, parang piso lang per cup ang tinda. Talagang pinipilahan ng mga batang estudyante ng Camp Crame Elementary School.

After elementary, medyo nakakahiya na ang bumili ng pamosong scramble. Hindi na kasi pang-teenager ang dating ng binibenta ni Manong. Sa MANGO BRUTUS na ako bumibili ng shakes – doon sa second floor ng Ali Mall at sa dating Rustan’s sa Cubao. ‘Di ako sure pero parang kasama lagi ito ng Bread Connection. Ang  sarap ng shakes dito, lalo na ‘yung Mango Verde. Sa kanila ko lang natutunan na puwede palang gawing shake ang manggang hilaw! Sikat na sikat sila dati lalo na sa mga kabataan. Naabutan ko pa nga ‘yung branch nila sa tapat ng USTe (malapit sa Mayric’s). Oorder lang kami ng tig-iisang shake at doon na kami gagawa ng mga plates namin para sa Drawing 101. Eskuwalado kasi ang mga lamesa doon kaya ginawa naming tambayan. Sayang at nawala na sila ngayon (tama ba?!).

At dito na pumasok ang ZAGU. Medyo late nineties, April 1999, na nang bigyang lamig nito ang mainit na bansa natin. Sorry pero mukhang ayaw magpakilala ng nakaisip ng concoction na ito. ‘Di sila kilala ni pareng Wiki. Ang nakalagay lang sa website nila ay “... was pioneered by a young enterprising lady with a degree in Food Science from University of British Columbia in Vancouver, Canada”. May mga rumors ako dating narinig na nagsimula lang ang Zagu as a thesis / project. Hindi ko alam kung gaano katotoo pero isang genius ang nag-improve ng maruming scramble.

Nang una kong marinig ang salitang “Zagu” sa mga tropa ko, naisip ko lang na gusto nitong magpaka-sosi. Gawin ba namang “z” ang “s” ng sago at tawagin itong pearl. Walang pinagkaiba sa pangalan ng kaibigan kong si Benjamin (a.k.a. Bentot)  na ginawang “Venz” ang nickname para mag-tunog mayaman. Isama mo pa ang mga pinoy na nilalagyan ng letter “h” ang pangalan nila tulad ng Jhay (oy, hindi ko ginawa ito sa pangalan ko ha!).

Nang una akong makatikim ng tinitinda nila, medyo napilitan lang ako sa anyaya ng barkada ko. Hindi naman kasi ako matiyaga pumila sa linya ng “box-office hits”. Letsugas ang haba – parang pila ng Lotto na may two hundred million na jackpot prize. Tapos tatlo lang yung crew doon sa kiosk na nagsasalitan sa apat na blender. Umabot din kami ng kalahating oras para makatikim ng usong-usong shake na para sa iba ay fad lang. Imbes na pangkadkad ang ginagamit, blender ang pinampalit para mas mabilis at madaling haluiin ang ingredients na  yelo, konting tubig at ‘yung misteryosong powder na nagbibigay ng flavor at creaminess. Tsaka ililipat sa plastic cup na may lamang black sago. Sipsipsipin mo ito ng jumbo straw na nung una ay hirap na hirap akong sipsipin.

Masarap pala!”, sabay takbo sa kubeta dahil lactose intolerant ako.

Sakto ang dating ng Zagu dahil summer sila unang lumabas. Natapatan nila ang halo-halo na uso kapag bakasyon. Prediction ng iba, lilipas din ito na parang shawarma – seasonal lang para sa karamihan. Pero isang dekada na ang lumipas, buhay pa rin sila. Pinataob na nito ang ORBITZ na ang endorser dati ay ang peyborit ng nanay kong si Rico Yan (R.I.P.). Wala na rin ang GUMMI BEARS na may franchise pa ang kaibigan kong si Michelle Zamudio. Ang natitirang kalaban nalang nito ngayon ay ang QUICKLY na nata naman ang sahog imbes na sago. Ang daming pilit na nanggagaya sa kanila – parang ‘yung episode ng “The Simpsons” na “Flaming Homer” ang nangyari sa Pinas noon.

Parang Starbucks ang dating dati ng Zagu. Feeling mo ay “in na in” kapag may hawak ka ng cup nila. Ika nga ng dati kong kasamahan na si Glen tungkol sa pagtambay sa Starbucks, “it’s not about the coffee but the experience itself”. Nagbabayad tayo ng mahal dahil may experience kang nadarama everytime na pinipilit mong huwag bumara yung sago sa dambuhalang straw habang inggit na inggit sa’yo yung mga nakakakita sa pagsipsip mo. Tingin mo sa sarili mo ay sosi ka. Paksyet, nakasakay ka lang naman sa jeepney!

Sobrang sumikat ito kaya maraming gustong sumira sa kanila. Napanood ko dati sa “Imbestigador” ni Mike Enriquez kung na-raid ng pagawaan ng sago na hinahaluaan ng borax. Malamang dito nagsimula yung email hoax na nagsasabing hindi safe uminom ng pearl shakes na obviously ay Zagu ang tinitira. Yung powder daw na hinahalo sa shake ay galing Taiwan at may formula ito na nagdudulot ng diarrhea, hyperacidity, eczema, birth defects, high blood, rashes, headache, cancer, nausea, vomiting, at abdominal pain. Kakaiba pero maraming naniwala. Buti nalang at sumaklolo ang DOH at BFAD na hindi naman ito totoo. Maniniwala na sana ako kasi lagi akong natatae kapag umiinom ako ng pearl shakes.

Sa ngayon, more than two hundred stores na ang meron sila sa iba’t ibang panig ng Pinas – sa malls, sa supermarkets, at sa mga lansangan. Napakamahal na mag-franchise nito dahil mabilis naman daw ang ROI.

Brain Freeze...slurpee muna.





Saturday, February 20, 2010

Ang Say Ko

Noong bata pa ako ay gustung-gusto kong may nag-iinuman sa bahay dahil ang daling manghingi ng pera sa mga tomador. Siyempre kapag may amats na si erpats at mga katropa niya, payabangan na sila sa pagbunot ng limang pisong papel mula sa kanilang mga Seiko Wallets. Naniniwala ako na ito ay talagang masuwerte dahil hindi nauubusan ng pera kapag pasiklaban na ng mga lasenggo. May aastig pa ba kung ang tatak ay genuine at international pa ang mga designs?

Kapag maingay na sila dahil sa mga pinatumba nilang bote, titingin na ang ermats ko sa kanyang Seiko wristwatch at sisigaw na ng "Tama na yan, magpatulog na kayo!".

Nang magbinata na ako at may sarili nang Seiko Wallet at Seiko 5, nagsimula na ring magpumiglas ang mga hormones ko sa katawan. At parang nakisama ang tadhana, pinakilala sa kamunduhan ko ang SEIKO FILMS.

Ooops, stop ka muna dito. Kung sa tingin mo ay nasa legal age ka na, sige isagad mo na.

Saturday, February 13, 2010

May Biyak sa Likod


"Isa kang Batang Nineties kung alam mong 'Kung walang knowledge, walang power'".
Ang yumaong Ka Ernie ang isa sa mga dahilan kung bakit ako nahilig sa mga trivia.

Mahigit apat na dekada rin ang itinagal ni ERNESTO BARON sa industriya ng broadcasting. Nagsimula siya bilang host ng isang general information program na “Gintong Kaalaman” sa DZAQ (DZMM Radyo Patrol 630 ngayon). Nang matapos ang administrasyon ni Makoy at bumalik ang ABS-CBN sa ere, mas nakilala siya sa “Knowledge Power” na may pagkahawig sa nauna niyang programa sa radyo. At dahil umaalingawngaw na ang pangalan niya sa mga Pinoy, naisipan ng higanteng network na gawing weatherman si Ka Ernie. Ilang paglabas pa lang niya sa teevee, mas lalong dumami ang kanyang tagasubaybay. Kung ang dating tagline ni Amado Pineda (ng GMA7) na “And that’s the latest from PAGASA” ang bukambibig ni Juan dela Cruz, napalitan ito ng “Kung walang knowledge, walang power” nang magsimulang mag-ulat si Ka Ernie.

Interesante kasi ang mga trivia na ibinabahagi niya matapos sabihin kung saan ang low pressure at inter-tropical convergent zone, at anong oras ang sunrise at sunset. Ang mga bata noon, nakikinig na sa weather report hindi para alamin kung walang pasok dahil sa bagyo, kundi para malaman ang trivia para sa araw na iyon. Kahit kami ng utol kong si Pot, die-hard fans. Grade six at grade three kami noong mga panahong iyon at hinding-hindi ko malilimutan ang isang trivia na talagang ‘di ko pinalagpas. Sabi niya kasi, bago matapos ang segment, tuturuan niya daw ang lahat kung paano mag-time travel. Eh potah, peyborit ang “Back to the Future” trilogy kung saan bida si Michael J. Fox. Noong sumunod na araw ay umuwi kaagad ako ng bahay (panghapon ako sa iskul bukol) para abangan ang ituturo niya. Excited na akong gumamit ng time machine. Salamat kay Ernie Baron, nalaman ko na kung saan ipinangalan ang pizza ng Jollibee, GREENWICH MEAN TIME o GMT. Tama pero paksyet. Idol ko na siya.

Bigla ring sumikat si Ernie Barong, ang spoof na ginagawa ni Vic Sotto sa “Television's Jesters” ng IBC13. Weatherman din ang karakter pero modelo at tagabenta ng barong Tagalog na may biyak sa likod!

Panahon noon ng brownout sa Metro Manila nang sumikat ang tinuring na “Walking Encyclopedia” ng Pinas at sakto ang kanyang radio program sa schedule ng pagpatay ng kuryente sa lugar namin. Buti nalang at may ever-reliable transistor radio si erpats. Kahit na baka magka-kilikili power kami sa init dahil walang electric fan, masaya ang bawat gabi kapag kami ay nakikinig sa kanya. Ang daming tumatawag doon para magtanong ng kung anu-ano. Merong trivial – kung sino ang nag-imbento, kung ano ang pinaka, sino ang sikat, anong hayop ang, at kung anu-ano pa. Sabi nila, kapag tumawag ka raw doon ay paghihintayin ka ng matagal bago mag live on air. Maraming natutuwa kay Ka Ernie pero may mga galit din. Sabi ng mga naninira, kaya raw matagal maghintay habang nagpapatugtog ng mga folk songs ay sa dahilang hinahanap niya pa ang sagot sa mga hardbound na encyclopedia na nakatago sa studio. Take note, wala pa si pareng Wiki noong mga panahong iyon. Ewan ko kung gaano ito katotoo. Pinilit ko ring tumawag doon para itanong kung anong tanong ang ‘di niya kayang sagutin kaso laging busy ang potang linya!

Kapag hindi mga general info ang tanong, mga tungkol naman sa mga sakit ang ibinabato ng mga callers. Ano daw ang gamot sa pagtatae. Ano daw ang gamot sa gonorrhea. Ano daw ang gamot sa asthma. Isa lang ang isasagot ng ating bida, “CLEANSING DIET”. Hindi ko gaanong alam kung paano gawin ‘yun pero nakadalo na si erpats at tropa niya sa Kamuning para alamin ang alternative healing method na iyon. Pag-uwi ng tatay ko, ang daming dalang mga dahon ng iba’t ibang halaman. Pitong piraso ng pitong klase ng dahon kaya tinawag itong “pito-pito”. Papakuluan mo ang mga ito at iinumin na parang tsaa. Nakinom ako nito nang hindi sinasadya. Galing ako sa galaan, uhaw na uhaw. Ugali ko na umiinom ng tubig mismo sa mga bote na nasa loob ng ref. Letsugas, hindi ko napansin na may kulay pala yung iniinom ko! Mapait ang beer at papaitan na paborito ko ngayon pero hindi ko kinaya ‘yung lasa ng 7-7! Kaya pala liliit ang tiyan mo doon dahil babaliktad ang sikmura mo at itatae mo ang lahat-lahat!

Pumunta nalang kayo sa Kamuning...” ang sinasabi ni Ka Ernie sa callers kapag nakukulitan na siya sa mga humihirit pang magtanong ulit. Parang na-hypnotize naman si erpats dahil madalas siyang magpunta doon. At pag-uwi nanaman niya, may bagong gadget na dala. May pyramid siya na gawa sa aluminum. Meron ding pyramid hat na gawa sa plastik. Hindi ko kilala si Johnny Midnight pero siya daw ang pinagkopyahan ng idea. Tulad ng mga pyramids sa Egypt, may "healing power" daw galing kalawakan ang mga binebenta sa Kamuning. 'Yung aluminum na parang antenna ay puwedeng gamitin para gumawa ng keso at itlog na maalat, purified water, pang-charge ng battery, at para hindi pumurol ang mga bladed objects tulad ng kutsilyo. Kapag tapos ka na sa kusina, isabit lang ito sa taas ng lugar ng kama niyo para gumanda ang tulog at maging malusog.

Heto ang pinakapaborito ko - nag-aagawan kami ni Pot sa plastik na pyramid hat. Ilalagay mo ito sa ulo mo para daw tumalino ka. Mas okay daw ito gamitin habang nagre-review. Gusto ko nga sanang dalhin ito sa eskuwelahan kapag may pagsusulit pero ayaw ni ermats.

Bago pumanaw si Ka Ernie noong January 23, 2006, tumunog ulit ang pangalan niya bilang endorser ng Baron Antenna. Hindi ko na inalam kung ano ang espssyal dito dahil may satellite dish naman kami sa bahay. Sabi nila, pampalinaw daw ito ng Channel 2!!

Kahit na anong sabihin nila sa idol ko, siya pa rin ang pinakamatalino. Kaya nga hindi siya pinapasali sa "Game Ka Na Ba?" at iba pang pautakan game shows ng Dos.





Saturday, February 6, 2010

We Want the Airwaves

Photobucket


Astig talaga kapag maraming channels na pagpipilian. Hindi tulad noong mga unang taon ng Dekada No Benta – Channels 2, 4, 5, 7, 9, at 13 lang ang mayroong palabas. Ito ang mga nakagisnan natin dahil ang mga lipatan ng TV noon ay di-pihit at VHF o very high frequency lang ang signal ang nasasagap. Hindi pa uso ang mga push button at remote controlled  na teevee. Mga japayukis pa rin ang mga unang nakabili ng ganitong uri ng appliances.

Pero mayroon naman nang UHF o ultra high frequency channel sa bansa natin noon. Sa Clark US Air Base, namamayagpag ang FEN Channel 17 para sa mga Kano at mga kababayan nating Kapampangan. Suwerte nila dahil bukod sa mga PX goods, may libre silang signal ng mga foreign programs. Ito nga ‘yung channel na kinaiinggitan ko dahil mayroong “WWF Superstars” daily. Nawala nalang ito sa ere nang maghasik ng lahar, abo, at lava ang Mt. Pinatubo.

May 1992, isinilang ang “World TV 21: Your Kind of Life” sa managament ng SBN o Southern Broadcasting Network ng Davao. Ito ang pinakaunang UHF channel sa Metro Manila. Naalala ko pa kung gaano ako na-excite nang mabasa ko sa Manila Bulletin ang advertisement nila. Sa wakas, makakapanood na ako ng ibang palabas na sa isip ko ay mga “imported shows” na kahanay ng wrestling! Kasama naming na-excite ng utol kong si Pot ang tatay namin na fan din ni Hulk Hogan (Hanggang ngayon, ‘di pa rin niya matanggap na nag-away sila ni Andre the Giant). Tumawag kaagad ako gamit ang pay phone ng tindahan ng kapitbahay namin para malaman ang details mula sa network na naglabas ng ads. Ang siste, kailangan naming bumili ng mabangis na antennang binibenta ng SBN21. Kung ‘di ako nagkakamali, five hundred pesoses ang halaga ng aparato nila. Kahit na mahal, tumakbo pa rin ang tatay ko sa Summit One sa Mandaluyong para makabili ng sinaunang “(Ernie) Baron Antenna”. Na-brainwash namin kasi ni utol na ipapalabas doon ang “Wrestlemania” at “Summerslam”.

Nang makabili kami ng antenna, nakalimutan namin na black and white nga pala ang tv namin – ‘yung Sony na kulay pula. Pero maniwala kayo o hindi, tumagal sa amin ng ten years ang tube na iyon kahit na hanggang channel 13 lang ang kayang i-receive.

Mabigat man sa bulsa, sumugod pa kami papuntang Pier ng Maynila para maghanap ng second-hand na surplus tv galing Japan at ibang bansa. Ang lufet pala doon sa Pier. Napakaraming lumang gamit ng mga dayuhan – Frigidaire, Whirlpool, Sharp, Kenwood, Pioneer, Toshiba, Sony, Sanyo, at iba pang brand ng appliances na  ‘di mo mabibili ng mura sa Pilipinas kapag brand new! Inabot din kami ng takip-silim para makapili ng bibilhin. Ilang tindahan kasi ang sinubukang baratin ni erpats para push-button type ang mabili kaso hindi kami umubra. In the end, ‘yung may dalawang pihitan – isa para sa VHF, at isa para sa UHF ang napunta sa amin! Old iskul! Hindi ko lang maalala ang brand ng one thousand five hundred pesos na nabili namin.

Pagdating sa bahay, excited ang lahat para ma-testing ang bagong lumang teevee. Isinaksak sa outlet ang plug ng dambuhalang transformer na nagko-convert ng kuryente from 220 to 110 volts. Kabilin-bilinan ng tindero na huwag isasaksak ng direkta ang ang teevee sa mga outlet natin kung ayaw mong sumabog at masunog ang bahay niyo. Ikinabit ang in-door antenna. Teka, bakit hindi match yung channel sa palabas?! Lintek, ‘di ko narinig sa usapan nila erpats at manong na kailangan pa palang ipare-channel ‘yun para sumakto ang papanoorin mo doon sa pihitan. Two hundred fifty rin yata ang nagastos ni pader para mabutingting at maayos iyon.

Kinabukasan, saktong Linggo ang araw, sobrang busy kami para ikabit ang malufet na antenna. Nagputol si tatay ng tubo bago ikinabit ‘yung “arrow type” na antenna. Sabi ng SBN, kailangan nakaturo daw iyon papuntang tower nila sa Mandaluyong. Isinalpak, itinayo, ikinabit, at ipinihit. Sigawan kami ng sigawan – nasa bubong si erpats habang tinitingnan ko sa sala kung lumilinaw na ang channel 21.
“Meron na!”, sigaw namin nila ermats at mga utol ko.

At dito na nagsimula ang panonood namin ng ibang palabas sa aming colour television. Hindi ko na maalala kung ano ang una naming napanood sa World TV 21. Ang alam ko lang, mas sumikat ito sa mga Home TV Shopping segments nila. Nakakapaglaway at nakakapanlaki ng mata ang mga cool na ibinibenta doon.

After ilang weeks, mas natuwa ako sa nabasa kong balita at narinig sa mga usap-usapan na may bago nanamang channel sa UHF. Dito sumikat ang MTV Asia. Awa ng Diyos, nasagap rin ng surplus tv namin ang Channel 23. Nakakanood na ako ng “Headbanger’s Ball” tuwing madaling-araw!

Lumipas pa ang ilang buwan, napansin ni papa na wala palang wrestling sa UHF kundi mga music videos at pagbebenta lang. Pinagalitan kami ng erpat namin dahil bukod sa tumaas ang electric bills, sa IBC13 pa rin siya nanonood ng laban ni Hulkster!!