Wednesday, November 25, 2009

Manananggal ng Lakas


"Isa kang Batang 90's kung naniwala kang nanganganak ang mga mababangong kisses at may taong-ahas sa Robinsons."

"Dito sa Saudi, nakakakalbo ang tubig...", ang narinig kong kuwento mula sa isang tumanda na dito.

Hindi ko alam kung mayroong sapat na batayan pero minsan ay gusto ko nang maniwala sa tubig na nakakalagas ng buhok dahil kung papansinin mo nga ang mga retiradong galing dito, puro shaggy ang buhok... shagilid nalang!

"Hala ka, lalabas diyan ang kinain mo...lalabas yung pari...lalabas yung tren...", pananakot ng mga matatanda sa mga nasugatang bata.

Nakanamputs naman, saan ba nagmula ang pauso nating mga Pinoy na mayroong sugat na nagsusuka ng kanin? Itinuro naman sa mga paaralan na magkaiba at circulatory at digestive systems.

Urban Legends - mga kuwentong pilit na pinapaniwalaan pero wala namang katotohanan. Sa madaling salita, tsismis lang na pambansang libangan nating mga Pinoy. Ang lufet ng imahinasyon ng mga ninuno natin para takutin tayo na kapag lumabas ng bahay ay may mumo o pulis na kukuha sa iyo. Kaya siguro "gullible" ang karamihan ay dahil pinalaki tayo sa kasinungalingan. Nakakatawa nga namang tingnan ang  isang paslit na nanginginig habang pinapaiyak. Letsugas.

Noong Dekada NoBenta, maraming kumalat na kuwento na siya namang pinaniwalaan ng karamihan. Ang masaya nito, isa ako sa mga nauto ng mga tsismis na pinag-usapan ng mga kalahi ni Cristy Permin.

Thursday, November 19, 2009

Isangguni Ang Kabataan

"Isa kang Batang 90's kung nakaboto ka sa kauna-unahang SK Elections noong 1992."

Sa tuwing napapanood ko ang patalastas ng Starstruck sa PinoyTV dito sa Saudi ay naaalala ko ang panahong minsan ay nangarap din akong maging isang artista. Paano ba naman, bata pa lang kami ng mga utol at pinsan ko ay itinanim na sa aming mga kukote na ang aming Lolo Bitoy ang nakadiskubre kay Ate Guy noong nagtitinda pa lamang siya ng tubig sa isang istasyon ng tren sa Bicol. Ang kuwento ni ermats sa amin, sa bahay daw nila sa Adamson Crame tumira si Nora Aunor.

Naramdaman ko ang star factor na dumadaloy sa dugo ko habang ako'y lumalaki kaya noong minsang nakita ko si Kuya Germs sa Greenhills, nagpapansin ako at nagtanong kung puwede akong maging talent niya.

Tumawa siya.

Sabi ko ay ninang ko si Matutina at ninong ko si Cesar Dimaculangan. Lalo lang siyang tumawa at sa pagkakataong iyon ay humahalakhak na siyang parang aatakihin na sa puso.

Pag-uwi ko sa bahay, nagdadabog kong sinabi sa aking erpats na bilihan niya ako ng bola. Magbabasketbol nalang ako at gagayahin ang idol niyang si Jawo. Noong magkaroon naman ako nito ay bano naman ako sa kort ng Mangoville. Hindi ko na pinangarap na mag-enrol pa sa Milo Best upang maging manlalaro sa Philippine Basketball Association.

Sinabi ko na sa blog kong Eraptions na umiikot ang buhay nating mga Pinoy sa PBA - Pulitika, Basketball at Artista. Lagpak na ako sa dalawa, kaya hindi ko na inambisyong maging pulitiko dahil senyales na iyon na wala akong pag-asa sa tatlo. Ngunit parang noong nagbitaw ang idol kong si Miriam Santiago ng pamosong linyang "I lied!", kinain ko rin ang aking mga sinabi sa pagsabak sa pulpolitika.

Saturday, November 14, 2009

Kaming Mga Gamol

"Isa kang Batang 90's kung nakita mo ang pag-usbong ng Megamall, Galleria, at Shangri-La sa kahabaan ng EDSA."

Patingin-tingin, 'di naman makabili
Patingin-tingin, 'di makapanood ng sine
Walang ibang pera kundi pamasahe
Nakayanan ko lang, pambili ng dalawang yosi

~ "Esem", Yano 


Sabi ng mga matatanda, ang mga taong ipinanganak na may nunal sa paa ay magiging lakwatsero paglaki. Tiningnan ko ang sa akin, wala naman pero tumanda akong mahilig gumala.

Lumaki ako sa Manggahan, tapat ng Kampo Crame. Kahit na sabihin mang kami ang mga unang  napeperwisyo sa tuwing may mga kudetang nagaganap, masasabi kong masarap tumira sa lugar namin dahil malapit sa sibilisasyon.

Humigit-kumulang dalawang kilometro lang ang layo ng Cubao at Greenhills mula sa amin kaya naman kapag bakante at walang ginagawa sa bahay ay doon ang aking puntahan. Bata pa lang ako ay natuto na akong gumala sa kung saan-saan. Nasa ika-limang baytang ng elementarya noong una kong marating, kasama ang aking mga barkada, ang noo'y hindi na ganun ka-sikat at hindi na rin ganun ka-sosing Greenhills. Ganun pa man, kahit na bulok na ang naabutan kong Virra Mall At Shoppesville noon, sikat pa rin ang lugar na ito sa mga baratilyo. Merong "short cut" malapit sa eskuwelahang pinapasukan ko patungo dito. Ang siste nga lang ay delikado itong daanan dahil isa itong sapa na punung-puno ng mga basura at mga naglulutangang tae. Tatalun-talon ka sa mga bato (na parang katulad sa Takeshi's Castle) upang makatawid ka mula Barangay West Crame papunta sa isang lugar malapit sa Club Filipino. Kahit na may peligrong malunod kami sa dagat ng tae ay dito pa rin kami dumadaan dahil nakakatipid kami ng dalawang sakay ng jeepney.

Kung Cubao naman ang pag-uusapan, mas gusto ko itong dayuhin noong aking kabataan dahil mas maraming puwedeng puntahan dito hindi katulad sa Greenhills. Meron ditong mga sinehan tulad ng Quezon Theater, Act, Coronet, Sampaguita, at New Frontier. Matatagpuan din sa Araneta Center ang mga malls tulad ng Rustan's, Ali Mall, SM Cubao, at Farmers Plaza kung saan may mga palaruan ng mga video games.  Ang mga "arcades" ang madalas na dinarayo naming mga bugoy doon.

Maraming mga masasayang alaalang iniwan sa akin ang mga lugar na ito. Nawala na lamang sila sa listahan ng mga paborito kong galaan simula nang magsulputan ang mga dambuhalang malls sa kahabaan ng Highway 54 noong mga unang taon ng Dekada NoBenta.

Thursday, November 5, 2009

Back Rider Mask: Kampon ng Kadiliman




"Isa kang Batang 90's kung alam mong nadawit ang Eraserheads, Rivermaya, at Yano sa isyu ng 'backmasking'."

Kapag ganitong nagsisimula na ang mga buwan ng “Ber”, nararamdaman ko na ang lamig ng Pasko lalo na sa pagligo sa umaga. Heto na ang mga panahong nagtatanda muna ako ng krus bago magbuhos ng isang tabong puno ng malamig-lamig na tubig.

Ito rin ang pinakaaantay ng mga istasyon ng radyo at mga damduhalang teevee networks upang masabi na nila ang “One hundred sixteen more days before Christmas!”. Langya, sa pagpatak pa lang ng alas-dose ng madaling-araw o unang araw ng Setyembre ay maririnig mo na  ang pamaskong awit ni Michael Jackson, ang “Give Love on Christmas Day”.

Isa sa mga paborito kong Christmas albums ay ang “Fruitcake (1996)” ng Eraserheads. Laman ito ngayon ng aking Nokia 5310 at pinapakinggan ko ang mga kanta mula rito habang ako ay nagtatrabaho rito sa kaharian ng Saudi na kilala bilang isa sa mga lugar sa mundo kung saan hindi ipinagdiriwang ang Pasko. Sa tuwing pinapatugtog ko ito ay naaalala ko ang aking nanay noong mga panahong sinisigawan niya ako dahil sa pakikinig sa mga kanta ng Queen.

Huwag kang makinig sa mga satanistang ‘yan!”, tiger scream ng ermats ko.

Connect the dots kung naaguguluhan ka sa aking munting palabok na binudburan ko pa ng malulutong na chicharong balat ng baboy.