Saturday, February 25, 2012

I, Zombie



Sa record bar ng SM Cubao, nagtanong ako sa magandang sales lady na mukhang pisara ang mukha dahil sa kapal ng foundation.

Miss, meron na ba kayong bagong album ng White Zombie?

Ah meron na. Ang dami naming stock nito kasi ang daming bumibili. Teka kukunin ko.

Napaisip ako ng 2.5 milliseconds dahil hindi naman pangmasa ang mga kanta ng satanistang grupong pinakikinggan ko.

Pagbalik niya ay kitang-kita ko sa kanyang mukha ang excitement na maipakita sa akin ang kanyang bitbit na cassette tape - isang kopya ng "No Need to Argue (1994)", ang pangalawang album ng THE CRANBERRIES.

Ano ito?!

Sabi mo "Zombie". Diyan galing 'yung "In your he-head, in your he-he-he-head, sombe, sombe..."

Ngeee!! Ate, 4:30 na ba? Ang TV na ba?!

Hindi ko masisisi ang dispatsadorang mukhang nakaiwan ng utak sa kanilang bahay dahil mainit ang naging pagtanggap sa grupo nila Dolores O'Riordan (vocals), Noel Hogan (guitars), Michael Hogan (bass), at Fergal Lawler (drums) hindi lang sa Pinas kundi sa buong mundo noong Dekada NoBenta. Sa kasagsagan ng grunge at iba pang maiingay na klase ng musika ay biglang sumulpot ang nakaka-relax na tugtugin ng Irish rock quartet. Kahit ang aso naming si Poochie ay napapatahol kapag naririnig ang malufet na boses ni Dolores.

Noong una kong mapanood sa MTV ang video ng carrier single na "Dreams" mula sa kanilang 1993 debut album na "Everybody Else Is Doing It, So Why Can't We?" ay agad ko silang nagustuhan. Para kasing napakaperkpekto ng samahan nila - cute ang bokalista, ang ganda ng boses, ang galing ng musical arrangement, at bukod sa lahat ay iba ang tunog. Natatandaan kong kinanta ito, pati ang "Linger",  ng kaibigan kong si Nikki sa isang school event namin sa St. John's Academy. Digs na digs ng mga dumalong estudyante ang paos-style na pagkanta. Hindi ko rin makakalimutan si Ate Jen na hinihiraman ko ng cassette tape ng album kung saan galing din ang isa ko pang paborito, ang  "Pretty".

Ang pangalawang album na lumabas noong sumunod na taon ay nilagpasan ang benta ng debut. Bukod kasi sa mga napabirit sa sombe ay marami ring "napa-dut-du-dut-dut" sa single na "Ode to My Family". Buo na ang kombo naming Demo From Mars noong mga panahong iyon at marami kaming mga tinutugtog na kanta mula rito. Masasabi kong ang bokalista naming si Johanna "Joe" Enerio ang tanging narinig kong nakagaya sa performance level ni O'Riordan. Panis sa kanya ang mga kantang "Empty", "Ridiculous Thoughts", "I Can't Be With You", at "Dreaming My Dreams". Nagmumukhang tae lang sa aking pandinig ang ibang nagpupumilit bumirit sa videoke gamit ang mga awitin ng The Cranberries.

1996 ay inilabas ang third studio album na "To the Faithful Departed" kung saan galing ang mga singles na "Salvation", "When You're Gone", at "Free to Decide". Kahit na mas maingay ito at umaini ng magandang mga reviews ay hindi ito sumapat upang malampasan ang mga naunang albums. Gayunpaman, ito ay nagkaroon ng promotional tour na umabot sa Pinas! Oo, sikat pa sila noong dumayo sa lupain ni Juan Tamad noong mid 90s. At maniwala ka man o hindi, dalawang petsa silang nagtanghal sa Cuneta Astrodome - April 30 at May 1, 1996. Wala akong perang pambili ng ticket noon kaya sinabi ko nalang sa sarili ko na kapag bumalik sila sa Pinas ay hindi ko na palalampasin. Sa VIP ako pupuwesto kapag sila ay muling naligaw sa bansa natin. Gagawin ko ang lahat para makita lang sila!

Bago matapos ang dekada ay nakapaglabas pa sila ng album na pinamagatang "Bury the Hatchet (1999)". Dito naman galing ang mga singles na "Promises", "Animal Instinct", at "Just My Imagination". Hindi ito naging kasing-patok tulad ng mga naunang singles mula sa ibang albums ngunit ang world tour para dito ang pinakamatagumpay para sa grupo.

Ang album nilang "Wake Up and Smell the Coffee" na lumabas noong 2001 ay ang huling nagawa bago sila mag-hiatus mode. Hindi ko na sila nasubaybayan matapos noon.

Noong nakaraang araw ay nagulat ako at nasabik nang mabasa kong babalik ang mga idolo ko sa Pinas para itaguyod ang kanilang bagong album na "Roses" na ilalabas sa February 27, 2012. Paksyet na malagket, ito na ang sinasabing pagkakataon. Kahit na five thousand pesoses pa abutin ang halaga ng front seat ay papatusin ko!

Mga ka-dekads, markahan niyo na ang mga kalendaryo. April 10, 2012. 8PM. Wasakin natin ulit ang Araneta Coliseum tulad noong magkonsiyerto ang Sonic Youth.

TANGINA, nandito nga pala ako sa China.






1 comment: