Simulan natin sa "Linggo ng Palaspas". Bago sumapit ang Holy Week, ang buong Pilipinas ay nagiging abala sa pagdalo sa misang magbebendisyon sa mga palaspas. Tinanong ko dati ang mga nakakatanda sa akin kung bakit kailangan nito at ang sagot na nakuha ko ay "...para sa proteksyon ng bahay natin sa mga masasamang elemento.". Ang mga ito ay isinasabit sa bintana, sa itaas na bahagi ng pinto, o kaya naman ay sa altar. Hindi ko maintindihan ang ibig sabihin, buti nalang ay napanood ko ang "Shake, Rattle, and Roll" starring Herbert Bautista. Hanggang ngayon ay naniniwala akong mabisang panlaban sa mga manananggal ang nabensiyunang palaspas!
Hindi ko alam kung ano ang mayroon mula "Lunes Santo" hanggang "Miyerkules Santo" - wala nga sila sa kalendaryo nating mga Pinoy eh. Basta ang alam ko, ito na ang simula ng hindi pagkain ng mga karne. Bawal daw ito ihain kaya ang madalas na ulam sa bahay ay isda at gulay. Gulay at isda. Ito ang mga panahong mas mura ang kilo ng baboy sa kilo ng mga gulay kaya ang ibang mga misis ng tahanan, nagpa-panic buying ng mga pork and beef. Naaalala ko ang kaibigan kong satanista na sinabihan akong bawal daw tumanggap ng Komunyon kapag Semana Santa dahil ito daw ay "Body of Christ". Tsk, tsk.