"Without music, life is a journey through a desert.", Pat Conroy
Habang ang Seattle ni Uncle Sam ay nakikilala sa buong mundo dahil sa kanilang Grunge Movement, ang Pilipinas ay sumabay din sa pagkakaroon ng sariling "rebolusyon" sa industriya ng musika. Ang Dekada NoBenta ay ang maituturing na "Golden Age of Filipino Alternative Music" kung kailan ang underground na tugtugan ay biglang nilamon ng buhay ang mainstream radio.
Nang umere ang LA105.9, nagkaroon ng kamalayan ang mga Pinoy na hindi lamang sa mga labsungs at kung anu-anong ka-sentihan nabubuhay ang tao. Ang himpilan nila ang nagbukas ng pinto para sa mga grupong sobra sa talento ngunit hindi napapansin ng mga kapitalistang record labels. Tanging istasyon lang nila ang nagpapatugtog ng mga awitin mula sa mga hindi kilalang kombo. Tuwing Linggo ay inaabangan ng mga rockers o "metal" ang kanilang "Filipino Alternative Countdown" upang malaman kung sino ang numero uno sa mga awiting sinasabayan ng mga nagbabagong tagapakinig ng bayan. Isa sa mga naghari sa lingguhang listahan ay ang "Laklak" na tumagal ng 12 weeks.
Dalawang dekada na, September 1993 nang magsama-sama ang tatlong dating miyembro ng Riftshifta - Jerome Velasco (guitars), Peding Narvaja (bass), Mike Dizon (drums), at dating miyembro ng Loudhouse na si GLENN JACINTO (vocals) upang magtayo ng grupong tinawag nilang Teeth.
Oo, mga ka-dekads, hindi sila "The Teeth".