Thursday, June 6, 2013

For the Man

"Isa kang Batang 90's kung alam mo kung sinu-sino ang mga kalaban ng Bioman."

Mukhang nauuso na talaga ang pagbabalik-tanaw dahil nagawaan na ng ulat ni Jessica Soho ang "Thursday Throwback" at "SentiSabado" sa kanyang mga programang SONA at KMJS. Salamat sa isang episode na napanood ko noong nakaraang Linggo, nalaman kong hindi lang pala ako gurang na hindi tumatanda sa tuwing kapiling sila Red One, Green Two, Blue Three, Yellow Four, at Pink Five!

Naikuwento ko na sa inyo ang pangarap kong palitan si Sammy dahil nabasa ko noon sa aking horoscope na ang aking lucky number ay two at ang lucky color ko ay green. Naikuwento ko na sa inyo ang kasaysayan ng bawa't miyembro ng Bioman at ang kani-kanilang mga katangian. Sa haba ng aking mga alaala ay naisip kong hati-hatiin ang mga ito para hindi naman kayo mabato sa pagbabasa. 

O sya, matapos ang halos isang taon, heto na ang Part Two.

Sunday, June 2, 2013

KM 19 EDSA

"Isa kang Batang 90's kung alam mong ang Club Dredd ay ang mecca ng mga banda noong Dekada NoBenta."

Ang tunay na Pinoy sa isip, sa salita, at sa gawa ay alam na ang Kilometer Zero ay nakatirik sa tapat ng bantayog ni Pepe sa Rizal Park. Bata pa lang tayo ay naituro na ito ng ating mga guro sa HeKaSi. Ito ang palatandaan sa mapa kung saan sinusukat ang distansya ng mga lalawigan at iba pang mga lugar sa Pilipinas. Kung hindi mo ito alam, Pinoy ka pa rin naman dahil nababasa mo pa ang palabok kong walang kwenta; malamang ay absent ka lang sa klase noong itinuro ito sa eskwelahan.

Sa hindi kalayuang lugar mula sa Luneta ay matatagpuan ang kahabaan ng EDSA kung saan matatagpuan naman ang pinakasikat na marker noong Dekada NoBenta, ang KM 19. Dito nakatayo noon ang bar na nagpatibay ng pundasyon ng Pinoy Underground Scene noong Nineties, ang CLUB DREDD.

Hindi ko na naabutan ang unang Dredd na nasa Timog Avenue. Hindi pa kasi sanay ang tenga ko noon sa ingay dahil si Andrew E. pa lang ang pinapakinggan ko noong mga panahong iyon. Una silang nagbukas noong December 8, 1990 sa ilalim ng pamamahala nina Skavengers' drummer  Patrick Reidenbach at Scavengers' manager Robbie Sunico. Ipinangalan nila ito sa kanilang paboritong comic book character na si Judge Dredd. Pinalitan nila ang Red Rocks matapos itong magsara. Ito ang naging tambayan ng mga nilalang na hayok sa rakrakang bato at ilan sa mga  regular na tumutugtog dito ay ang Eraserheads, The Youth, Afterimage, Ethnic Faces, Anno Domini (Mutiny),Athena’s Curse (Alamid), Grace Nono, Joey Ayala, Bazurak (na pinagmulan ng Rivermaya), Color It Red, The Wuds, Razorback, Wolfgang at Advent Call. Maganda na sana ang lahat ngunit nagkaproblema ito sa pananalapi na naging dahilan upang sila ay magsara noong February 1993.