Friday, August 24, 2012

The Impossible is Possible Tonight

PHOTO 21 (Large)

"Isa kang Batang 90's na diehard fan kung nakipagrakrakan ka sa konsiyerto ng Smashing Pumpkins sa Araneta."

Pagpasok namin sa loob ng Big Dome ay nag-flashback sa akin ang mga alaala noong nawasak ang Araneta sa pagpunta ng Beastie Boys, Foo Fighters, at Sonic Youth sa Pinas. Malamang, halos lahat ng mga nandoon para mapanood ang THE SMASHING PUMPKINS ay ang mga kaedaran ko ring nakapanood ng 1996 "MTV Alternative Nation Tour".

Maraming mga pamilyar na mukha akong nakita. Karamihan sa kanila ay mga miyembro ng mga kombo-kombo noong panahon namin. Hindi ko lang maalala kung saang gig namin sila nakasabay. Naghahanap ako ng mga kakilala kaso ay wala akong natanaw; siguro ay mga big time na sila at may pambili na ng mga VIP tickets 'di tulad noon na pang "general admission" lang.

Kung dati ay mga dugyot kami kapag may konsiyerto, ibahin mo ang mga nakita ko noong gabi. Lamang pa rin ang naka-kulay itim na t-shirt pero hindi na kami mukhang mababaho. May mga nakita pa nga akong mga naka-barong na malamang ay galing pa ng opisina.

Sino kaya ang mga sikatsupoys na mga dumalo sa rakrakan? Nagpunta kaya si pareng Ely B. at mga dating miyembro ng Teeth? Ang alam ko, nanood sina Sir Japs Sergio at Sir Robert Javier.

Sayang at hindi nakapanood ang kantatera naming si Joe dahil siya ay nasa Tate. Hindi ko rin kasama ang mga iba ko pang ka-miyembro sa Demo From Mars - sila utol Pot, insan Badds, at bespren Geline. Kami pa naman ang pinakamalufet mag-cover ng SP noong Nineties! Buti nalang at todo-suporta si misis sa pagsama sa akin para makita ang Pumpkins.

Ang totoo, marami ang nahirapan makarating at marami rin ang hindi nakarating dahil sa hindi pa humuhupa ang Habagat noong gabing iyon. 8:30pm ang orihinal na oras kung kailan dapat magsisimula ang konsiyerto pero sinadya ng SP na i-delay ng ilan pang mga minuto para makaabot ang mga sumasagupa sa potang ulan. Ang akala ko nga ay hindi mapupuno ang Araneta ngunit nang lumaon ay nangalahati rin ang venue sa mga die-hard fans!

Dumilim ang paligid, may tumawag sa pangalan ni BC. Hinintay ang paglabas ng mga demi-gods. Halos mamaos ako sa pagsigaw kasabay ng mga namamaos na ring mga katabi at kasama sa loob. Kasabay ng kasabikan ay nananalangin akong ibahin nila ang set list para mas sulit ang matagal ko nang pinangarap na mapanood.
Oceania for dinner!

Matapos ang intro ni pareng Billy sa keyboards ay lumipat siya sa gitara para tipain ang intro ng "Quasar" na galing sa kanilang bagong album. Paksyet na malagket, parang magugunaw ang mundo habang yumayanig ang buong Araneta. Matindi ang hiyawan ng mga tao sa unang kanta. Kasing-tindi rin ng pag-headbang ang ingay sa pangalawang kantang "Panopticon". Matapos ang pangatlong kantang "The Celestials" (carrier single) ay medyo bumaba na ang level ng energy. Katulad ng sa kanilang Australian tour, ang unang set naglalaman ng lahat ng mga kanta mula sa "Oceania". Karamihan ng mga nandoon ay parang naghihintay nalang na matapos ang bawa't kanta dahil hindi iyon ang mga inaabangan. Maganda ang album na ito pero para sa isang old skul pumpkin fan, medyo matagal bago mo siya ma-digs. Halos isang buwan ko rin itong pinakinggan para makasabay. Paborito ko ang "Glissandra" at "Inkless" dahil parang SP na kasama pa sila Jimmy, James, at D'arcy ang tunog.

May mga nakita akong nagtetext nalang gamit ang mga mamahaling gadget ni Steve Jobs. May mga abala nalang sa paggamit ng mga pinausong camera kahit hindi naman talaga photographer. Ang iba naman ay nakatungangang tinititigan nalang ang "orb" na nasa itaas ng stage  na nagpapakita ng kung anu-anong graphics. Si misis, 'yun ang pinagkaabalahan - ang punahin ang mga lumalabas na pektyurs sa astig na "mundo" ng SP.

Ang ending ng "Wild Flower" ay hudyat na tapos na ang unang set kaya biglang nagtayuan na ulit ang mga nakaupo at nagsigawan nang malakas. Unang tinugtog sa second set ang "Space Oddity", isang paborito ko mula kay David Bowie. Taena, one fave done by another fave equals classic. Matapos ang guitar outro ay biglang tumunog ang intro ng "X.Y.U.". Heto na ang inaabangan ng lahat; biglang nabuhay ulit ang dugo ng mga manonood. Ibang-iba pala talaga kapag narinig mong "live" ang mga paborito mong kanta ng SP. Ang lufet ng mga guitar leads. Pangarap ko dating tugtugin ito kaso mahirap.

Kasama sa second set ang "Disarm", "Tonight, Tonight", "Bullet With Butterfly Wings" at "Today" na kitang-kitang crowd favorite. Lahat ay sumasabay kay BC sa pagkanta. Ang apat na ito ay tinutugtog namin sa DFM kaya habang nanonood ay bumabalik sa akin ang mga panahong nasa banda pa ako.

Ang hindi ko malilimutan sa gabing iyon ay ang kanta nilang "Luna" na kanta ko para kay misis. Inilagay ko ang lyrics nito sa isa sa mga love letters ko sa kanya noong 1995. Habang pinapanood ay kinikilig kami pareho dahil nagkataong monthsary din namin noong gabing iyon. Noon ko lang nalaman na marami rin pala ang may gusto sa labsung na ito.
Maraming maraming salamat at marami pang salamat kay Sir JASPER LUCENA sa pagpapahiram ng mga malulufet na kuha sa konsiyerto! Idol na kita! \m/
Ang encore ng Pumpkins ay inaasahan kong pareho rin ng ginawa nila sa Australia kaya nga nang tugtugin nila ang pamatay na "Cherub Rock" ay medyo nalungkot ako dahil alam kong iyon na ang huling kanta pagkatapos ng "Zero" at "Ava Adore". Ayokong matapos ang gabi, hindi ko pa naririnig ang pinakapaborito kong "Mayonaise".

Biglang humirit si idol Billy na nagpatayo ng aking balahibo sa bayag. Sigurado ako, tumagos sa lahat ang sinabi niyang "On a normal night, that would be the end of the show...but this is not a normal night...".

Mukhang ginanahan at nasiyahan ang SP sa mga taong ginawa ang lahat para lang makita sila kaya nagkaroon ng extended encore. Nang marinig ang drum loop ng "1979" ay nagsimula na ang "party". Kitang-kita ang lumilipad na rolyo ng tisyu sa patron area. Masuwerte talaga ang gabi dahil tinugtog din nila ang nakakaiyak na "Stand Inside Your Love" at "Muzzle". Nagtapos ang show sa KISS cover na "Black Diamond" kung saan ang drummer na si Mike Byrne ang kumanta.

 Dalawa lang ang masasabi ko tungkol sa konsiyerto: DABEST. BITIN.

Maraming salamat SP, aantayin ko ang pangako niyong babalik kayo ulit. Sa susunod, wala na ang baha at ulan, sasalubungin na namin kayo kasama ang mainit na araw!







PAHABOL:

Para sa mga hindi pinalad na makapanood ng hindi dapat pinapalampas na pangyayari sa Pinas, heto ang music streaming ng buong konsiyerto sa Araneta:

No comments:

Post a Comment