Friday, November 23, 2012

Instaefbeewayemitter

"Isa kang Batang Nineties kung isa ka sa mga unang nakagamit ng mga kung anu-anong social media sa internet."

Kapag nagbukas ka ng efbee ay tatambak sa harapan mo ang 'di-mabilang na mga litrato ng iyong mga kaibigan at kaaway. Kahit na naaalibadbaran ka nang makita ang sangkatutak na mga larawang kinunan nila bago kumain o pagpapakuha sa isang magarang kotse na hindi naman sa kanila ay wala kang magagawa. Wala ka mang pakialam sa mga balita tungkol sa iba ay patuloy mo itong malalaman.

Ganyan katindi ang teknolohiya. 

Isang pindot lang sa "enter" ng teklada ay naka-broadcast na sa buong mundo ang gusto mong iparating. Hihintayin mo na lang kung sino ang magbibigay ng komento at makikipindot sa "like" o "share".

Thursday, November 22, 2012

Fuck You, I Won't Do What You Tell Me

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang signature song ng RATM."

Noong aking kabataan, pinangarap kong maging isang aktibista dahil gusto kong iparating sa mga kinauukulan ang mga hinaing ko sa gobyerno bilang isang mamamayan ng bansang Pinas. Sa loob-loob ko, handa akong sumama sa mga kilos-protesta sa labas ng Palasyo ng MalacaƱan. Isisigaw ko ng todo ang boses ng pakikibaka. Itataas ko ang mga karatulang naglalaman ng mga mensahe ng sambayanan. Kakayanin ko ang pagbomba ng mga bombero. Kahit pa mga nalusaw na tae mula sa septic tank ang ibuga ng kanilang mga hose ay sasagupain ko ito ng walang pag-aalinlangan.

Karaniwan sa mga agresibong Juan Dela Cruz, na sabihin nating mga bespren ng administrasyon, ay ganito ang pamamaraan upang mapansin ng mga nakapuwesto.

Ang iba naman, idinadaan sa rakrakan. Gumagamit ng mikropono. Mga instrumentong pang-musika.

Dito nakilala ang grupong RAGE AGAINST THE MACHINE na kinabibilangan nila  Zack de la Rocha (vocalist), Tim Commerford (bassist and backing vocalist), Tom Morello (guitarist), at  Brad Wilk (drummer).