Thursday, November 29, 2018

Manila, Tang N' Ah

 
"Isa kang Batang 90's kung narinig mo si Duff na nagmura sa harap ng libu-libong mga Pinoy Gunners."


Taena, isa lang ang masasabi ko. Tang n' ah! Plus another exclamation point.

Taena, isa sa mga pinakamalufet na concerts na napanood ko sa buong buhay ko! Dabestest.

Taena, sayang kayong ibang mga Gunners (daw) na hindi man lang nag-effort para mapanood ang GNR sa Philippine Arena. Magsisisi kayo habambuhay habang pinapanood niyo lang kay pareng YT ang mga uploaded videos ng 'di malilimutang gabi sa Bulacan.

Taena, maramimg maraming salamas sa mga organizers na nagdala kila Axl Rose dito sa Pilipinas. Natupad ang pangarap naming mga taga-hanga na makita silang magtanghal kahit sa una at huling (huwag naman sana) pagkakataon!

Friday, November 23, 2018

Welcome to the Arena




"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga libu-libong Pinoy na naglakbay patungong Philippine Arena para makita ang GN'R."


Ayun nga, tinahak namin ang landas patungong paraiso. Nakarating kami sa Philippine Arena bandang 3:30 ng hapon dahil wala pa ang inaasahang matinding trapik. Pagbaba pa lang namin sa kotse ay may kakaibang saya akong naramdaman. Nagpasampal ako sa misis ko sa magkabilang pisngi para siguraduhing hindi ako nananaginip. Ang totoo, ito na ang katuparan ng matagal ko nang pangarap na akala ko noo'y sa panaginip ko lang mararanasan.

Mas tumindi pa ang feelings nang makita ko na ang mga kamukha ko sa labas ng venue. May mga grupo-grupo, may mga mag-jowa, may pamilyang kumpleto hanggang sa mga chikitings, at higit sa lahat ay maraming mga gurang na kaedaran ko o mas matanda pa sa akin. As expected, halos lahat sila ay mga nakaitim. Biglang nag-flashback ang aking kabataan, bigla kong naalala ang mga panahong dumadalo kami ng tropa ko sa mga tugtugan noong 90's. Ang pinagkaiba nga lang ngayon, katulad noong dumalo ako sa tugtugan ng Smashing Pumpkins, mas lamang na ang mga hindi mukhang mababaho at dugyot! Sa tinagal ba naman ng panahong hinintay natin, imposibleng pambili pa rin ng dalawang yosi lang ang kaya natin!