Monday, March 25, 2013

Kinalawang na Mayor

"Isa kang Batang Nineties kung natatandaan mo pa ang convicted rapist Mayor Sanchez na may pamatay na hairstyle"

Noong una kong mapanood ang music video ng "The Day You Said Goodnight" ay bigla kong naalala ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na si ANTONIO SANCHEZ. Sobrang angat kasi sa video ang makulit na buhok ng tambolero ng Hale na gusto yatang tapatan ang hairstyle ng convicted rapist at mastermind sa SARMENTA-GOMEZ CASE na naganap noong Dekada NoBenta.

May kanya-kanya tayong pauso sa buhok kaya walang basagan ng trip. Hindi lang kilala si Slash bilang malufet gitarista ng Gangsengroses ngunit kilala rin siya sa trademark niyang mahabang kulot na long-hair. Nang lumabas ang pelikulang "Ghost", ginaya ng mga Pinay ang "boy cut" ni Demi Moore. Malay mo, ang buhok ni Mayor Sanchez ang naging dahilan upang siya ay mahalal sa puwesto at manungkulan ng halos dalawang dekada. Aminin mo, noong una mo siyang makita sa teevee ay mas nauna mong pang napansin ang kanyang "crown and glory" kaysa napagtanto ang balitang isa siya sa mga pangunahing suspek.

Thursday, March 21, 2013

Sapatos Pangkalangitan

 
"Isa kang Batang Nineties kung alam mong Nike sneakers ang suot ng mga nagpakamatay na miyembro ng kultong Heaven's Gate."


Saan ang langit kaibigan? Saan ang pangakong kaligayahan?

Kung naitanong ito ni kapatid na Karl Roy kay MARSHALL APPLEWHITE noong sila ay pareho pang nabubuhay, malamang sa alamang ay napraning ang ating rakista sa isasagot ng lider ng UFO religion doomsday cult na HEAVEN’S GATE.

March 26, 1997 ay natagpuan sa isang mansyon sa San Diego, California ang 39 bangkay na nagpatiwakal sa paniniwalang makakasakay ang kanilang mga kaluluwa sa alien spacecraft na nakabuntot daw sa Comet Hale-Bopp.