Saturday, June 23, 2012

The World is a Vampire


"Isa kang Batang Nineties kung alam mong ang 'Mayonaise' ay isang kanta mula sa The Smashing Pumpkins."

Dali-daling tumawag sa akin si esmi noong may nabasa siyang FB post tungkol sa isang malufet na konsiyertong magaganap ngayong Agosto.

Nang sabihin ng Labs ko ang mainit-init na balita ay tumayo ang aking balahibo. Kasing-tindi ng aking nararamdaman sa tuwing ako ay natatae at nangangambang hindi na aabot sa kubeta. 'Yung pagkakataong nakita mo na ang inidoro kaso sa sobrang excitement ay hindi umabot ang pururot. Agad kong tinanong with matching crossed fingers kung kailan ang gig dahil baka nandito pa ako sa lupain ng mga singkit. Nagsawa na akong ma-disappoint, matunaw sa inggit, at manghinayang sa tuwing may mga foreign acts na dumadalaw sa Pinas habang ako ay nandito sa China.

OCEANIA TOUR. August 7, 2012. Araneta Coliseum.

Paksyet na malagket. 'Di tulad ng sa The Cranberries at Stone Temple Pilots, nasa Pinas na ako sa petsang nabanggit!

Ayoko munang maniwala dahil baka isa lang itong patawa tulad ng Trespassing: 3-in-1 Reunion Concert featuring The Eraserheads, Rivermaya, at Yano. Pag-uwi ko ng bahay ay hinalukay ko kaagad ang kaharian ni pareng Mark Zuckerberg. Natuwa naman ako ng isa't kalahati nang mahanap ko ang isang official "Live in Manila" FB Page. Pero dahil isang segurista ay hindi pa rin ako naniwala. Kaya ko rin namang gumawa ng sariling pahina sa internet.

Pinindot ko ang teklada ng aking laptop papunta sa website ng grupong hinahangaan ko. WALA ANG PILIPINAS SA TOUR DATES.