Sunday, January 13, 2013

Pinoy Bato: Pinoy Rock 90s

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang compilation album na 'Pinoy Bato'."

Released in 1991 and produced by Heber Bartolome, ang independent compilation album na ito ay ang isa sa mga pinakapaborito ko noong Dekada NoBenta. Kabilang sa obrang ito ang apat na grupong mula sa Pinoy Underground scene - Wuds, Philippine Violators, Mga Anak ng Tupa, at The Next.

Madalas namin itong pakinggan tuwing tumatambay sa bahay ng bespren kong si Geline. Siya lang kasi ang may kopya ng tape kaya sa lungga niya kami nagsa-sountrip. Minsan ay nahihiram ko ito sa kanya pero madalas ay nagpapalusot nalang siyang gagamitin niya sa pagtipa ng mga kanta kahit hindi dahil siguro ay naiinip siya sa pagsauli ko. Kulang nalang kasi ay angkinin ko ang isa sa mga bibliya namin sa pagiging punkista.


Dito ko unang narinig ang mga kanta ng Wuds at PhilVio, at simula noon ay naging paborito ko na ang kanilang mga grupo. 

Maririnig dito ang mga tumatagos sa buto na "Bayan-Bayanan" at "At Nakalimutan ang Diyos"; at ang awit na ginawaan ng bersyon ng Rivermaya, ang "Inosente Lang ang Nagtataka". Tatlo ito sa mga kanta ng grupo ni Bobby Balingit na aking inaabaangan sa tuwing napapanood ko ang Wuds sa mga konsyerto.

Ang "Sikat na si Pedro" ay unang lumabas sa compilation na ito bago naging carrier single ng album ng parehong pamagat ng PhilVio. Tinutugtog ng grupo namin dati ang "Ipako sa Krus" samantalang ang kantang "Para Sa'yo" ay isa rin sa mga paborito kong iniislaman.

Malufet ang mga tipa ng gitara sa mga kanta ng Mga Anak ng Tupa. Nang marinig ko ang "Bisyo" at "Kalikasan", nainggit ako sa lidista na parang gusto kong putulin ang kanyang mga kamay at ikabit sa akin.

Noong ako ay nagbabanda pa sa "Aneurysm" ay may nagawa akong kanta na ang pamagat ay "Absolute Anarchy". Laking gulat ko nang marinig kong halos magkatunog ang kaskas ng gitara sa mga berso ng "Strict ang Parents Ko". Coincidence lang parang "Stay" ng Cueshet at "Greatest View" ng Silverchair.

Sa tuwing pinapakinggan ko ang album na ito ay bumabalik ako sa Dekada NoBenta, ang panahon kung kailan ang mga grupo at may talento at tunay na sinasabi. Hindi tulad ngayon na puro papogi lang at walang sense.



1 comment:

  1. di pa ako mahilig sa musika at lalo sa rock noong 90's kaya hindi ko alam ang album na to. hehehe.

    grabecious... basta music madami kang alam from 90's :D

    ReplyDelete