"Isa kang Batang 90's kung alam mong si Sarah Balabagan ay isang OFW na masuwerteng pinalaya ng gobyerno ng UAE sa kasong pagpatay."
Sa isang pagtitipon na aking nadaluhan noon ay biglang nagkagulo ang mga nakikisaya dahil sa pakiki-usi sa dumating na panauhin. Kaarawan ng aming ninang sa kasal, na noo'y Barangay Captain ng Brgy. Pinagkaisahan sa QC, ang okasyon na ipinagdiriwang kaya may mga programa sa barangay hall. Special guest pala si Sarah Balabagan at nandoon siya upang kantahin ang ilang mga awit mula sa kanyang self-titled debut album (1999) mula sa Sony Philippines sa produksyon ni idol Rey Valera.
Sa totoo lang, hindi ko matandaan kung ano ang mga kinanta niya noong gabing iyon ngunit sa pagkakaalala ko sa mga balita, ang awiting "Buhay Kulungan" ay ang isa sa mga kantang mula sa album na siya mismo ang sumulat ng liriko. Sumasalamin ito sa kanyang naging karansan sa loob ng bilangguan at ito ay kanyang personal na mensahe upang magsilbing inspirasyon sa mga ibang OFWs upang hindi nila sapitin ang kanyang dinanas sa mga kamay ng mga banyagang amo. Kasama rin sa kanyang unang album ang mga awiting "Jack En Poy", "Dalaga", "Salamat", at "Pilipino Ka". Kahit na maganda ang mga puna sa pagkakagawa ng mga kanta (musicianship, arrangement, etc.), hindi pinalampas ng mga kritiko ang boses ni Sarah. Hindi man ito pang-birit at pang-propesyanal na mang-aawit ay kinakitaan pa rin siya ng dedikasyon at potensyal.