Monday, December 16, 2013

And Time Ghost By


 
"Isa kang Batang 90's kung nasaksihan mo ang pagiging patok sa takilya ng pelikulang 'Ghost' sa Pilipinas."

Ayon sa kasabihan ng mga matatanda, ang kaluluwa raw ng isang tao ay hindi natatahimik hangga't hindi nito naipararating ang huling mensahe sa kanyang mahal sa buhay. Ang tunay na pag-ibig daw ay hindi nawawala at napapatunayan hanggang sa kabilang anyo ng buhay.

Noong unang taon ng Dekada NoBenta ay ipinalabas ang pelikulang "Ghost" na pinagbidahan nila Patrick Swayze, Demi Moore, at Whoopi Goldberg.  Sa Tate ay una itong ipinalabas sa mga sinehan noong July 13, 1990, at narating ang bayan ni Juan Tamad noong October 31, 1990. Kumita ito ng $505.7M sa takilya na naging dahilan upang maging "top grosser" noong taong iyon. Habang isinusulat ko ito ay kinakilala ang pelikulang ito bilang "91st-highest-grossing film of all time". Tubong-lugaw ang kinita ng mga producers nito dahil ang kabuuang budget nito ay $22M lang naman!

Tungkol ito sa pag-iibigan nina Sam, empleyado ng isang bangko, at Molly na isa namang "potter". Lumipat sila sa New York upang doon na manirahan. Isang gabi, habang naglalakad sa kalye, ay intake sila ng isang kawatan. Nagkaroon ng putukan ng baril habang ipinagtanggol ni Sam si Molly laban kay Willie Lopez. Hinabol ni Sam si Willie nang ito ay tumakbo papalayo ngunit hindi na niya naabutan. Pagbalik kay Molly ay laking gulat niya nang makitang iniiyakan ng kasintahan ang kanyang bangkay. Doon napagtanto ni Sam na isa na siyang kaluluwa. Nakita niyang bumukas na ang pinto patungong Kalangitan ngunit sinadya niyang huwag munang umalis sa mundo upang makapiling muli si Molly kahit saglit lang.

Nasa ika-anim na baytang ako ng elementarya noong ipinalabas ang pelikulang ito. Kung tama ang aking memorya, ito ay Rated PG13 kaya medyo nahirapan akong makapasok sa sinehan upang ito ay mapanood. Kahit na dose anyos na ako noon ay bansot ako kaya madalas talaga akong harangin ng mga taga-punit ng tiket kapag ganito ang rating. Ganun pa man, kahit na ilang beses akong nabigo sa ibang sinehan tulad ng sa Farmer's Plaza, Sampaguita, at Quezon Theatre, ay milagrong pinapasok ako sa sinehan ng Ali Mall. Gustung-gusto ko talagang mapanood ito noon dahil sa mga naririnig kong mga kuwento mula sa mga nakapanood sa kung gaano nakaka-inlababo ang tandem nina Pat at Demi.

Bakit nga ba nagustuhan ng mga Noypi ang pelikulang ito?

Una, ito ay fresh na fresh at hindi bilasa. Okay, ang love story ay ang pangunahing sangkap sa pelikula upang ito ay umakma sa panlasa nating mga Pinoy pero ang kaibahan nito ay sinamahan nila ng pantasyang nagbigay ng mas malalim na kahulugan ng pag-ibig. 'Yung tipong kikiligin ka dahil kahit na kaluluwa nalang ang bida ay pinapatunayan niya pa rin ang kanyang pagmamahal sa kasintahan. Masasabi ko ring isang "detective / crime story" ang "Ghost" dahil sa paggamit nito ng kuwento tungkol sa walang-kamatayang pakikipaglaban ng kabutihan laban sa kasamaan. Kung nasa loob kayo ng sinehan, maririnig mo ang mga manonood na pumapalakpak sa tuwing may kontrabidang namamatay.

Pangalawa, naging epektibo ang mga artista sa tauhang kanilang ginanapan.

Kapag nakita mo ang itsura ni Rick Aviles (sumalangit nawa) na gumanap kay Willie, siguradong maaasar ka na sa mukha niya kahit wala pa siyang ginagawa. May katangian siya ni Max Alvarado na hindi mo mapagkakailang isang pamatay na kontrabida. Paumanhin sa kanya pero mukha siyang kaya talagang nadala ng kanyang karakter ang galit ng mga manonood. Pero maniwala man kayo o hindi, sa totoong buhay ay dati siyang isang stand-up comedian.

Si Tony Goldwyn ang gumanap sa karakter ni Carl Burner, ang kaibigan at kasama ni Sam sa bangkong kanyang pinapasukan. Sa kanya sinabi ni Sam ang nadiskubre niyang mga "discrepancies" sa mga bank accounts na kanilang hinahawakan. Kung titingnan mo ang kanyang persona, mukha siyang mabait na nilalang pero ang totoo ay mas pangit pa ang kanyang tunay na pagmumukha kay Willie. Mas nakakaasar ang ginampanan niyang karakter dahil isa siyang traydor sa kuwento ng pelikula. Sa totoong buhay, marami na siyang ginanapang mga tauhan sa pelikula katulad ng lead voice sa "Tarzan" animation mula sa Disney pero ang kanyang kontrabida role sa "Ghost" pa rin ang mas naaalala ng mga tao.
Kung babasahin mo ang taytol ng pelikula, ang maiisip mo ay ang mga kaluluwang hindi natatahimik. Ito ay binigyang buhay ni Vincent Schiavelli, ang gumanap sa karakter na "Subway Ghost". Nakakatakot ang dating niya dahil mukha talaga siyang multong nanggugulo sa mundo ng mga tao. Hindi ko masasabing kontrabida siya sa pelikula dahil sa kanya nalaman ni Sam ang tamang pamamaraan upang makahawak muli ng mga bagay. Ayon sa kanya, matinding emosyon katulad ng galit ang kailangan upang magawa ito. Kung naniniwala ka sa mga paramdam ng mga kaluluwa, ito marahil ang paliwanag na kailangang malaman mo.

Karaniwan sa mga pelikula, hindi namamatay ang bida pero sa pagkakataong ito ay unang namatay ang Sam Wheat kaysa sa mga kontrabida. Kung nakilala si Patrick Swayze bilang isang magaling na mananayaw sa "Dirty Dancing", nakilala naman siya bilang pinakamagandang halimbawa ng isang kaluluwa (sa big screen) dahil sa pelikulang ito. Walang binatbat si Casper sa kanyang personang pinakawalan sa palabas. Kahit na machong-macho ang kanyang dating ay mayroon siyang karismang nakakaantig ng puso. Matapos ipalabas ang pelikulang ito, ang "Swayze" ay naging salitang-hiphop na ang ibig sabihin ay "ghost".

Alam niyo bang wala si Swayze sa isip ni Direk Jerry Zucker noong ginagawa ang casting ng pelikulang ito? Ang kanyang nasa listahan ay sila Paul Hogan, Tom Hanks, Kevin Bacon, Mel Gibson, Dennis Quaid, John Travolta, Nicolas Cage, Mickey Rourke, David Duchovny, Johnny Depp, Kevin Costner at Alec Baldwin. Hindi ito pinaunlakan ng mga bugoy sa dahilang "cheesy" daw ang role. Isama mo pa si Bruce Willis na nagsabing hindi papatok ang pagganap ng isang multo o kaluluwa sa isang pelikula. Nilamon niya ang kanyang mga sinabi nang pinilahan ito ng masa. Siyam na taon makalipas ang "Ghost" ay gumanap naman siya bilang isang kaluluwa sa pelikulang "Sixth Sense" na pinatos din ng mga movie-goers.

Katulad sa karakter ni Sam, maraming artista ang nasa listahan upang gumanap na Molly Jensen. Kabilang dito sila Michelle Pfeiffer, Nicole Kidman, Kathleen Turner, Kim Basinger, Debra Winger, Geena Davis, Molly Ringwald, Meg Ryan, Jennifer Jason Leigh, at Madonna. Siyempre, alam na nating lahat na si Demi Moore ang napiling gumanap ng katauhan ni Molly. Noong mapanood ko ito, talaga namang nainlababo ako sa kagandahan niya. Sariwang-sariwa pa siya noon at talagang makalaglag-brip. Bagay sa kanya ang role ng isang namatayan dahil nakakaawa ang kanyang mukha sa tuwing umiiyak.

Nang mapanood ito ng mga Pinay, marami ang gumaya sa hairstyle ni Molly. Dito nauso ang tinatawag na "Demi Moore haircut" na hanggang ngayon ay kilala pa rin lalong-lalo na sa mga kababaihang nasa kapulisan. Boyish ang dating pero sexy kung tititigan. Sikat na sikat ito katulad nang nauso ring gupit ni Keempee.  Si ermats, hanggang ngayon ay hindi nagpapahaba ng buhok, idol na idol niya si Demi sa pelikulang ito!

Sa lahat ng mga tauhan sa "Ghost", si Whoopi Goldberg ang masasabi kong pinakaangat sa lahat. Siya ang nagdala ng katatawanan sa malufet na love story slash detective slash crime story slash fantasy movie. Gumanap siya bilang si Oda Mae Brown, isang pekeng ispiritistang naging tunay na ispiritista nang simula niyang marinig si Sam. Ang totoo, si Patrick Swayze na isa niyang taga-hanga sa totoong buhay ang nagrekomenda sa mga producers para sa role. Nakita ng mga kritiko ang pag-arte ni Goldberg at bilang patunay sa kanyang mahusay na pagganap, siya ay nabigyan ng karangalan ng Academy Award, BAFTA Award, at Golden Glove Award bilang "Best Supporting Actress". Dabest talaga ang mga hirit niya dito, raise the roof!

Ang pangatlong dahilan kung bakit pumatok ang pelikulang ito ay ang pamatay nitong soundtrack. Biglang naging paborito ng mga love birds ang 1955 song na "Unchained Melody" dahil sa OST nito. May isang romantic scene kung saan habang gumagawa ng banga sina Sam at Molly ay biglang tumugtog ang 1965 Righteous Brothers version ng kantang ito. Potah, alam ko na ang dahilan kung bakit ito naging Rated PG. At alam ko na rin kung bakit ito naging isang fantasy movie. Ilang gabi kong pinagpantasyahan ang mainit na eksenang ito. Magaling ang musical score, sobrang nakakalibog!

Ito ang pinakasikat na eksena sa pelikula kaya madalas itong ginagawaan ng mga parodiya. Pinaka-paborito ko ay ang sa "Naked Gun 2½: The Smell of Fear (1991)" kung saan bida si Leslie Nielsen.


Ilang buwan itong nanatili sa mga sinehan sa Pinas, humigit-kumulang dalawang buwan sa pagkakaalala ko - mula Oktubre ay umabot ito hanggang Disyembre. Kung hindi lang siguro Film Festival noon ay hindi ito papalitan. Sa Pinas, kumita ito ng $1,738,736. Marami ang nanood nito ng ilang beses sa mga sinehan pero ako, ilang beses ko itong pinanood sa Betamax. Stop, play, forward, rewind - alam na!

Isa pa nga pa lang hindi ko makakalimutan sa pelikulang ito ay ang mga "shadow people" na lumalabas kapag namatay ang isang masamang tao. Sinusundo nila ang kaluluwa nito upang dalhin sa impyerno. Nakakatakot ang tunog nito kapag nagsisilabas na sila pero ayon nabasa ko, ito daw ay mula sa tunog ng mga sanggol played in an extremely slow speed. Ganun pa man, simula nang makita ko sila ay naniwala na akong may mga demonyo kaya nagsimula na akong magpakabait.


Noong November 30, 2010, ipinalabas ang Japanese remake na pinamagatang "Ghost: In Your Arms Again" kung saan ang babae naman ang namatay at bumida bilang kaluluwa. Ipinahayag naman naman ng Paramount TV noong nakaraang buwan na may niluluto silang teevee adaptation ng pelikulang ito.

Sana ay maganda ang kinalabasan o kalalabasan ng mga nasabing remakes dahil kung hindi, malamang sa alamang ay mumultuhin sila nila Patrick Swayze at Vincent Schiavelli (na parehong pumanaw na sa edad na 57 dahil sa kanser), at  Rick Aviles na pumanaw naman sa sakit na AIDS na dulot ng kanyang heroine addiction.





No comments:

Post a Comment