Thursday, June 6, 2013

For the Man

"Isa kang Batang 90's kung alam mo kung sinu-sino ang mga kalaban ng Bioman."

Mukhang nauuso na talaga ang pagbabalik-tanaw dahil nagawaan na ng ulat ni Jessica Soho ang "Thursday Throwback" at "SentiSabado" sa kanyang mga programang SONA at KMJS. Salamat sa isang episode na napanood ko noong nakaraang Linggo, nalaman kong hindi lang pala ako gurang na hindi tumatanda sa tuwing kapiling sila Red One, Green Two, Blue Three, Yellow Four, at Pink Five!

Naikuwento ko na sa inyo ang pangarap kong palitan si Sammy dahil nabasa ko noon sa aking horoscope na ang aking lucky number ay two at ang lucky color ko ay green. Naikuwento ko na sa inyo ang kasaysayan ng bawa't miyembro ng Bioman at ang kani-kanilang mga katangian. Sa haba ng aking mga alaala ay naisip kong hati-hatiin ang mga ito para hindi naman kayo mabato sa pagbabasa. 

O sya, matapos ang halos isang taon, heto na ang Part Two.

Kilala na natin ang mga bida kaya our lesson for today is about the kontrabidas.


Ang tawag sa grupong kalaban ng Bioman ay ang New (Neo) Empire Gear. Sila ang lupon ng kasamaang gustong sakupin ang ating daigdig. Malufet sila at mukhang napakayaman dahil ang kanilang kuta ay nasa South Pole. Pinalipat nila si Santa Claus papuntang North Pole upang itayo doon ang kanilang bahay-bahayang napaka-high tech na tinawag nilang Neo Cloud (Neo Grad Fortress, ayon sa iba kong nakalap na impormasyon). Noong pinapanood ko ito sa teevee, hindi ko naiisip na napakabilis nilang maglakbay papuntang Japan sa tuwing kakalabanin nila ang mga super sentais. Naniniwalang sila lang ang may pinakamataas na antas ng teknolohiya kaya sila ang may karapatang maghari sa mundo. "For the Man!" ang kanilang never-say-die motto in life na isinasagot sa tuwing pumipirma sa slumbook.

Si Dr. Man ang supremo ng New Empire Gear. Dr. Hideo Kageyama ang kanyang pangalan noong siya ay hindi pa nagiging cyborg. Magaling siya sa robotics at pag-aaral ng utak ng tao. Dahil sa kanyang talino ay nag-ekspiremento siya sa kanyang sarili upang magamit to the highest level ang kapangyarihan ng kanyang utak. Ang prosesong iyon ay patok na sana ngunit may masama itong epektong mabilis na pagtanda. Upang tumagal ang kanyang buhay ay naisip niyang gawing half-human, half-robot ang kanyang sarili. Gusto niyang patunayan sa mundo na siya ang pinakamagaling na siyentipiko. Galit siya sa mundo kaya gumawa siya ng mga robot na tutulong sa kanya sa pagsakop sa planetang Earth.

Gusto ni Dr. Man na mayroong magmamana ng kanyang kasamaan, katalinuhan, at pagiging pinuno ng kanyang pangkat kaya gumawa siya ng isang Mecha Clone na ibinase niya sa itsura ni Shūichi, ang binata niyang anak na lumayo sa kanya. Si Prince ay isang sadistang nilalang na walang awa sa mga tao. Nang tinopak ang kanyang ulo matapos magkaroon ng alaala ng kanyang ina ay binura ni Dr. Man ang kanyang memorya na naging dahilan upang siya ay magkaroon ng mas matigas na pusong-bato. Bago siya namatay bilang piloto ng Mecha Gigan na si Grotescanth, nakipaglaban siya kay Blue Three na asar na asar sa kanya. Bago pa man nagkaroon ng mga emo-emo fashion ngayon ang mga jejemons, nasuot na ng kontrabidang ito ang hairstyle na madalas kong nakikita sa mga tambay na kabataan sa kalye.

Big Three - Fara, Mason, Monster

Ang tatlong mga heneral ni Dr. Man ay kamag-anak ngayon ng mga celphones na ginagamit natin. Sila ay mga androids na ginawa upang makipagbakbakan sa mga miyembro ng Bioman. May kakayahan silang magpanggap na mga tao. Nang malaman nilang cyborg si Dr. Man ay nagsagawa sila ng nabigong kudetang pinamunuan ni Mason. Hindi nila alam na Mecha Clone lang ang napatay nilang pinuno. Binura tuloy ni Dr. Man ang kanilang mga memorya at ni-reprogram.

Si Mason ang nagsisilbing pinuno at siya ang pinakamatalino sa tatlo. Kanang kamay din siya ni Dr. Man kaya nakakasama niya ito sa pagdidisenyo ng mga robot na kakalaban sa Bioman. Bilang lider, siya ang madalas na kalaban ni Red One. Hindi siya makakalimutan ng lahat ng fans dahil siya ang pumatay kay Yellow Four gamit ang Bio Killer Gun. Mayroon siyang baston na ginagamit pangkuryente sa mga kalaban. Pinutol ito ni Red One sa isa sa kanilang mga laban. Nang siya ay na-upgrade ay nagkaroon siya ng Mason Rockets at Mason Machine Gun. Pinatay siya ni Silva.

Si Farrah ang pinakaayoko sa tatlo dahil sa kanyang puta looks. Kontabidang-kontrabida ang dating na parang si Cherie Gil. Mukha pa lang niya ay siguradong hindi mo na pagkakatiwalaan. Mautak din siya dahil hindi lakas ang kanyang ginagamit sa pakikipaglaban. Madalas siyang magpanggap na tao upang linlangin ang mga bida tulad nila Yellow Four at Pink Five. Nang ma-upgrade siya ay nagkaroon ng mga kapangyarihang Farrah Fire Storm (apoy na galing sa bunganga niya) and Farrah Kiss (flying kiss na nakakamatay dahil sumasabog). Namatay siya sa serye habang pinipiloto ang Mecha Gigan na si Balzion. Nabalitaan ko na si Yōko Asuka ay kinuha na ni Bro sa totoong buhay noong 2011 sa edad na 56. Hindi sinabi ang sanhi ng kanyang pagpanaw.

Ang grupo ng mga kontrabida ay palaging may mautak at palaging may malakas na miyembro. Dalawa silang katangian na hindi puwedeng makuha ng sabay ng iisang indibidwal. Kung si Mason ang matalino, si Monster naman ang malakas. 'Yun nga lang, parang napunta ang lahat ng utak niya sa mga muscles ng kanyang braso kaya nawalan ng laman ang kanyang kukote. Siya ang pinakanakakatawa kasi may mga kengkoy na eksena siya sa palabas kahit na kayang-kaya niyang bumira ng mga kalaban gamit ang kanyang mga kamao. Nang ma-upgrade ay nagkaroon siya ng panlaban na Black Mace at Iron Paw. Kahit na android ay nagkagusto kay Farrah. Namatay siya sa misyong hulihin si Balzion. Kung matatandaan niyo, napapanood din si Sutorongu Kongō sa Takeshi's Castle na ipinalabas noon sa Channel 13.

The Five Warrior Zyunoids 
Psygorn, Mettzler, Zyuoh, Aquaiger, Messerju

May mga mechanical robots na bataan ang Big Three na katulong nila sa pakikipaglaban sa mga miyembro ng Bioman. Kung may formation ang mga amazonas na kalaban ni Shaider, may napanood din akong mga episodes na pumoporma muna silang lima bago makipaglaban.

Walang panama si Two-Face kay Psygorn na isang three-faced montser. Madalas siyang kasama ni Farrah at meron siyang kakayahang bumuga ng apoy, at may kapangyarihan din ng telekenesis at teleportation. Siya ang pinakamalakas sa lima na kasama ni Mason sa pagpatay kay Yellow Four.

Si Mettzler ang "one-eyed monster" na siguradong pagtatawanan ni Austin Power. Madalas din siyang kasama ni Farrah sa pag-eespiya (kaya nga isa ang mata niya eh, gets mo ba?). May kakayanan siyang gumawa ng mga holograms at nagiging slime sa tuwing gustong tumakas sa mga labanan. Nang ma-upgrade ay nagkaroon siyang kapangyarihang mapahaba ang kanyang braso.

Ang pinakaungas sa lima ay si Zyuoh na tanging kasama ni Monster. Sila 'yung magkasangga sa katangahan. Mukha siyang gorilya na kung titingnan ay kapareho ng katangian ng kanyang amo. May mga pamatay siyang mga daliri na ginagamit bilang cannons. Nang mamatay at muling buhayin ay nagkaroon siya ng chest cannons.

Kung si Farrah ng pinakaayoko sa Big Three, si Aquaiger naman ang hindi ko nagustuhan sa lima. Ang pangit ng itsura niya tsaka mukhang tanga ang mga pamatay niyang bubble bombs at acid spray. Hindi na ako nagtaka nang malaman kong isa siya sa mga ang naunang namatay sa sila dahil siya ang pinakamahina.

Okay na sana si Messerju dahil astig ang kanyang itsurang falcon na mukhang napakatapang. May kakayahan siyang lumipad at may mga armas na supersonic waves at laser energy beams. 'Yun nga lang, siya ang unang namatay sa lima.

Farrah Cat and the Mecha Clones

Kasama sa listahan ng New Empire Gear kontrabidas si Fara Cat na nagsisilbing bodyguard ni Farrah. Siya ang nasa field habang ang kanyang amo ay nakikipagtsikahan sa mga tao tuwing ito ay nagbabalat-kayo. Kaya siya tinawag na pusa ay dahil sa kanyang pangalmot na ginagamit na panlaban.  May chako din siya ni Bruce Lee na hindi naman umubra sa mga pumatay sa kanyang sina Yellow Four at Pink Five. Bagay sila ni idol Bret Hart dahil pareho sila ng kulay ng costumes.

Hindi rin mawawala ang mga Mecha Clones na pinakamababang uri sa lahat ng galamay ni Dr. Man. Marami sila pero isang sipa o suntok lang ng mga miyembro ng Bioman ay patay na! Hindi rin nila nagagamit ang mga baril at espada nilang dala.

ilan sa mga Mecha Gigans na nakalaban ng Bio Robo

Ang mga Mecha Gigans ang nakakalaban ng Bio-Robot sa bandang huli ng kada episode. Dalawa ang klase nito: una ay ang mga Kans na walang piloto; at pangalawa ay ang mga Megas na pinapaandar ng isang miyembro mula sa Big Three.

Bio Hunter Silva and Balzion

Galing sa Planet Bio si Silva, isang robot na ginawa ng Anti-Bio Union na binigyan ng misyong puksain ang lahat ng nilalang na may Bio Particle. Siya ang amo ni Balzion, isang Mecha na hindi tinatablahan ng Bio Particles. Bukod sa kalaban niya ang Bioman ay kalaban niya rin ang New Empire Gear dahil gustong gamitin ni Dr. Man si Balzion bilang pagkukunan ng enerhiya. Para sa akin, siya ang "superkontrabida" dahil kalaban din siya ng tropa ni Dr. Man.  Natalo sila ng Bio Robot sa pamamagitan ng pagbubuwis ng buhay ni Peebo.

Ang dami pala ng kontrabida ng ating mga superheroes. Mas mahaba pa ang entry na ito kaysa sa ginawa ko sa mga alaga ni Peebo. Kung sabagay, hindi natin magiging idol sa bakbakan sila Red One kung hindi natin sila makikitang may ginugulpi.

Kahit na sila ay mga kalaban, malaki ang naging kontribusyon nila sa ating kabataan. Binigyan nila ng kulay ang ating pangarap na maging superheroes o super sentais. Isipin mo nalang ang ibang mahal mo sa buhay na madalas na kumukontra sa iyo. Kahit na bad trip ka na sa kanila ay love na love na love na love mo pa rin sila!



3 comments:

  1. hahahaha, si monster nga ay ang utak nasa muscles.

    at si mason talaga ay unforgettable dahil sa ginawa niya kay yellowfour....... buti may pinalit na yellowfour

    ReplyDelete
  2. Waah Bioman!!!

    Natuwa ako kay Farrah, kalokalike na kalokalike siya ni Cherrie Gil hahaha!

    Naku, very nostalgic itong Bioman para sa akin. Lalo na yung part na na deds yung unang Yellow Four, tapos pinalitan nung Archer na si Jun.

    ReplyDelete
  3. Bukingan ng edad! Hahaha. Yung mga nanunuod ng Bioman sa Channel 2 na sponsored pa ng Milo at iniere bago ang Magandang Gabi Bayan... Bago pa ipalabas ang Shaider. Hahahaha.

    ReplyDelete