Thursday, October 29, 2009

Ma-Erap Magsalita ng Ingles


"Isa kang Batang 90's kung alam mong mas napalapit si Erap sa masa dahil sa kanyang 'carabao English'."

Noong ako ay nasa ika-tatlong taon ng hayskul sa St. John’s Acdemy, may isang librong lubos ko talagang naibigan. Sa sobrang pagmamahal ko dito ay paulit-ulit ko pa ring binabasa ang 111-pahina nito tuwing oras ng pahinga sa tanghali kahit na tinapos ko na itong basahin noon pa sa loob lamang ng ilang minuto. Ang totoo, hinihiram ko lang sa kaklase kong si Pay De Guzman ang aklat na tinutukoy ko. Natatandaan kong ito  rin ang iniregalo niya sa isang ka-batch namin sa eskuwelahan kahit na alam naming magkakaibigan na meron na siyang kopya nito.

July 1994 ay lumabas sa mga pinakamalapit na bookstores ang "ERAPtion: How to Speak English Without Really Trial", isang paperback sa panulat nina Emil P. Jurado at Reli L. German. Ang mga gumuhit ng mga larawan at nagdisenyo ng pabalat ay sila Larry Alcala, Roddy Ragodon, Hugo Yonzon, at Noel Rosales.